"HINDI niyo pwedeng gawin yan!" malakas na sigaw ni Takari pagkatapos madinig ang balita ng Hari sa kaniya.
"Wala ka ng magagawa, Takari." Wika ng isang Diyos sa tabi ng Hari. "Hindi ikinatuwa ng ibang mga Diyos ang kahihiyang nararamdaman nila ngayon. Hindi naman dapat na ganito ang nangyayari sa mundong yun, tambakan lang yun ng lahat ng pagkakamali. Masisira na dapat yun ng mga Elementong Dragon."
"Hindi." Napailing lang si Takari. Tinitigan niya ang Hari pero nakatitig lang ito ng malamig sa kaniya. "Mahal na Hari pakiusap. Hindi mo pwedeng gawin ito sa mundo namin. Maraming nabubuhay doon. Maraming nilalang doon na umaasa at nakatira sa mundo. Mga tao, mga Ulome, mga hayop at ang mga Halimaw."
"Isa sa dahilan kaya dapat yung sirain." Sagot naman ng isa pa. "Hindi nilalang ng mundo ang mga Halimaw pero sino ka para tanggapin sila ng buong-buo at bigyan ng dahilan para manirahan at mamuhay. Isa itong malaking kahihiyan sa amin."
"Pero tinanggap ko sila sa pagitan ng di niyo pagtanggap sa kanila. Kung saan-saang mundo niyo sila dinadala. Sino pa ang tatanggap sa kanila kung hindi ko ginawa yun? Pinagtabuyan niyo sila, pinagpapasa-pasahan. Itinapon niyo sila sa akin pagkatapos ay magagalit kayong tinaggap ko sila? Anong klaseng kalokohan naman ito?"
"Lapastangan kang babae!" galit na sigaw ng isa pa.
"Hindi ako papayag na basta-basta niyo na lang na pagdidesisyunang sirain ang mundo pagkatapos naming tagumpay na naitaguyod yun. Wala akong pakialam sa kahihiyang nararamdaman ng ibang Diyos." Tinitigan niya ang Hari. "Binigay mo sa amin ang tungkulin na ito Mahal na Hari at buong puso namin itong tinanggap. Bakit kailangan mo itong gawin ngayon pang mahal na namin ang mundo?"
"Hindi mo ba alam kung ano ka Takari?" tanong ng isa pang Diyos. Malaki ito at galit na galit ang anyo. "Kung ano kayo? Hindi mo ba alam na napadpad lang kayo sa mundong yun dahil hindi kayo matanggap ng iba pang mundo? Kayong pito ay gawa rin sa pagkakamali ng Hari."
Hindi kumibo si Takari. Nasapo na lang niya ang dibdib dahil hindi niya inaasahan ang salitang yun. Tiningala niya ang Hari pero nag-iwas lang ito ng tingin. Napailing siya at pinigil niyang maiyak.
"Sinabi lang niya sa inyong obligasyon niyong hulihin ang mga Elementong Dragon. Na obligasyon niyong pangalagaan ang mundo pero sa totoo lang, katulad lang din kayo ng mga Dragon na yun na mga pagkakamali. Walang umaasang mahuhuli niyo ang mga Dragon at magawa ang lahat ng ito. Ang dapat talagang nangyari ay nasira ng mga Dragon ang mundo at masasawi lahat ng pagkakamaling naroroon kabilang na kayo. Kaya naintindihan mo ba? Hindi naman kayo dapat na nabuhay pa."
Hindi pa rin magawang makapagsalita si Takari. Nagsisikip ang dibdib niya sa katotohanang natuklasan. Ang katotohanang, hindi naman sila dapat na nabuhay.
Mas lalo ng matuklasang pagkakamali lang sila ng Hari.
Inakala niyang ginawa sila nito para sa dahilang yun. Para sa mundo. Yun ang pinaniwalaan niya.
Tiningnan niya ang mga Diyos. May inis at galit siyang nakikita sa anyo ng mga ito pero may nakikita naman siyang mga Diyos na hindi rin alam kung kanino kakampi. May ilan na nag-iwas na lang ng tingin at may bumuntong-hinga ng malalim.
"Hindi naman kayo dapat na naging Diyosa eh. Binigyan lang kayo ng pagkakataon ng Hari na ipalasap yun bilang pagbibigay pansin sa tagumpay na pagkakahuli niyo sa mga Dragon. Pero hindi dahilan yun para tanggapin namin kayo bilang kauri namin. Ginawa niya si Darkos para tuluyan ng masira ang mundo kaya lang, sinong mag-aakala na mahuhuli niyo rin siya. Pinabayaan namin kayo saglit na magsaya sa mundong yun dahil umaasa kaming masisira at magugunaw yun balang araw pero sino ang mag-aakalang ang mundong yun ang magiging pinakamatagumpay sa lahat ng likha ng Hari."
BINABASA MO ANG
7 Elements (On-going)
FantasyIsang siglo na ang nakaraan ng tuluyang masira ang mundo. Dahil doon ay nanirahan ang mga natirang tao at mga Ulome sa loob ng Dome. Tuyo na ang karagatan, kalbo na ang mga lupain at nakakalason na rin ang hangin sa labas ng Dome. Dahilan para walan...