Chapter 63

12 2 0
                                    

UMALINGAWNGAW sa buong palasyo ang galit na sigaw ni Loreni ng malaman ang balita.

Bumalik si Coran sa Dome ng hindi kasama ang kahit na sinong mga tao o ang anak niya.

Pumasok sa kweba si Miho ng malaman nitong kasinungalingan lang lahat ng sinabi niya dito. Gumuho ang kweba bago pa yun mapigilan ng mga Snow Yeti kaya malamang na nabaon sa ilalim ang anak niya kasama ng mga tao.

"Ba't mo hinayaang mangyari yun?" galit na asik ni Loreni sa nakayukong si Coran.

"Pasensiya na, Reyna. Kahit ako ay hindi rin inaasahan na magdududa si Miho sa lahat ng ito eh."

"Talaga bang patay na ang anak ko?" bumaha ang lungkot sa dibdib niya. "Nakita niyo ba ang bangkay niya?"

"Masyado pong malalim ang pagkakabaon. Hanggang ngayon ay sinusubukan pa ring hanapin ng mga Snow Yeti ang katawan niya."

Napamura ng malakas ang reyna.

Walang nagawa si Coran kundi ang yumuko. Masyadong mabilis ang nangyari. Hindi niya napigilan si Miho kahit alam niyang dilikado ito sa loob ng kweba. Bago pa ito pumasok ay sinubukan ng gibain ng mga Snow yeti ang kweba para kahit papaano ay mamatay ang mga tao sa ilalim na yun pero sino nga ba ang mag-aakalang papasok ito kung kailan ay guguho na ang buong kweba.

Kahit siya ay nalulungkot sa nangyari. Pero siguro sakripisyo na rin yun dahil kasama naman nitong nabaon ang mga tao at ang mga Diyosa.

"Hindi." Bulalas ng reyna. "Hindi ako naniniwalang patay na ang anak ko. Kilala ko si Miho. Hindi siya basta-bastang susuko lang ng ganoon."

"Mahal na Reyna," tawag lang niya dahil kahit umiiyak na ito ay matapang pa rin ang anyo nito.

Binulabog sila ng isang katok sa silid. Binuksan yun ng ilang mga kawani at bumungad doon ang kapatid niya. Ito ang malaking halimaw na humuli kina Wunesa at Iminako sa palasyo ng Diyosa ng Nyebe. Kahit papaano ay nakabalik na rin ito.

"May mahalaga akong balita, Coran."

"Ano yun?"

Napatingin na rin dito ang Reyna.

"May mga halimaw ang nakakita ng limang puting ibon sa bahaging kanluran. Marahil na papunta ang mga yun sa palasyo ng Diyosa ng Tubig.

"Ano?" hindi niya napigilang bulalas. "Buhay pa sila?" galit na tanong niya dito.

"Oo pero may nakakita rin na kasama nila ang prensepe."

"Si Miho?"

"Ang anak ko?" lumapit ang Reyna. "Totoo ba yan? Buhay si Miho?"

"Opo, kamahalan. Marahil na nadakip siya ng mga tao habang nasa ilalim sila ng kweba at dinala. Sa ngayon ay sinusundan na ng ilang mga hukbo ko ang dereksyon nila. Susubukan siguro nilang hanapin ang Diyosa ng Tubig."

"Hindi ko alam kung matutuwa ba akong binihag nila si Miho." Sambit ni Coran. Tiningnan niya ang reyna na ngayon ay seryoso na ulit ang anyo.

"Hinahanap nila ang Diyosa ng Tubig?" tanong nito kay Cirun, ang kapatid niyang lalaki. Tumango lang ang lalaki. "Marahil na naroroon sila ngayon sa pinakamalalim na trench ng buong mundo. Sigurado ka bang papunta na roon ang mga hukbo mo?"

"Opo, kamahalan."

"Mabuti. Siguruhin mong mababawi mo si Miho mula sa kanila. Dalhin mo rin dito ang mga tao at ang mga Diyosa, maliwanag?"

"Opo, kamahalan."

"Sasama ako." mabilis na sagot ni Coran. "Gusto kong masigurong hindi nila sasaktan si Miho, kamahalan."

"Isama mo na rin sila." Saka may tinuro ang reyna sa isang bahagi.

Nasundan yun ng tingin ng magkapatid.

Dalawang tauhan ang nakita nilang lumabas sa isang pinto. Hindi sila nakaimik habang nakatingin sa mga ito.

NARARAMDAMAN na ni Sasu ang sarili niyang humihinga ng malalim. Hindi niya alam kung gaano sila katagal na bumababa pero hindi pa rin nila nararating ang dulo ng kweba.

Unti-unti na rin nawawala ang oxygen ng paligid at parang sandali lang ay mawawalan na sila ng malay.

Unti-unti na ring humihina ang apoy na ginagawa ni Iminako at nakikita niyang napapagod na ito.

"Iminako?" tawag niya sa babae. Bahagya lang itong tumingin sa kaniya. "Magpahinga ka muna. Kailangan mong ipunin ang lakas mo."

"Hindi, kaya ko pa ito." sagot lang nito.

"Pero---Kazumi!" mabilis niyang nasalo ang babae ng bigla itong matumba. Muntik pa itong mahulog sa ibon.

Huminto naman sa pagbaba ang ibon na halatang napansin rin yun at nanatili ito sa ere.

"Anong nangyari?" takang lumapit sa kanila si Iminako.

Sinilip niya ang mukha ng babae. Sobrang lalim ng paghinga nito na para bang pinipilit na makahanap ng oxygen. Isa pa, nararamdaman na rin niyang nanginginig ito. Sobrang lamig na rin kasi ng paligid eh. Wala pa rin silang makitang kahit na ano maliban sa mga sarili nila.

"Kailangan na nating umalis dito." Tiningala niya si Iminako na nakatingin lang kay Kazumi. "Hindi natin kakayaning ipagpatuloy pa ito. Baka nga hindi na tayo makabalik sa taas eh."

Matagal bago sumagot ang babae. "Kayo na ang bumalik."

"Ano?"

"Ako na ang sisilip. Hindi ko pwedeng palampasin ang pagkakataong ito. Baka nga naman naroroon si Inaka eh."

"Iminako, kung hindi tayo makahinga dito. Siguradong siya rin. Wala dito si Inaka. Mas mabuti pang bumalik na tayo sa taas." Todo pangungumbinsi niya dito habang hawak-hawak si Kazumi. May malay naman ito pero nahihirapan na rin itong huminga.

Siguro kung kaya lang nitong gamitin ang kapangyarihan nito ay hindi naman sila mahihirapang huminga ng ganoon eh.

Hindi sumagot si Iminako. Tiningnan nito ang paligid at nababasa niya ang pag-alala sa anyo nito.

"Sige," sagot rin nito sa huli.

"Horus," mahinang tawag ni Sasu sa ibon. Pumagaspas ito pero sa gulat niya ay hindi naman sila tumataas. "Horus?" tiningnan niya ang ibon.

Nahihirapan na rin itong huminga at nahihirapan itong pumagaspas.

Ganoon na lang ang gulat nila ng biglang mahimatay ang ibon at bumulusok sila sa kailaliman ng kweba.

"Kazumi, Sasu!" malakas na sigaw ni Iminako. Mabilis siyang lumipad sa ibaba at sinundan ang mga ito pero hindi na niya maaninag ang mga ito.

Nadidinig niya ang sigaw ni Sasu at unti-unting humihina ang boses nito.

Kaya lang hindi siya makakilos.

Kahit anong pilit niyang palakihin ang sariling apoy ay hindi na niya kaya. Tanging sarili na lang niya ang nakikita niya.

"Sasu!" sigaw niya saka lumipad pababa kaya lang biglang nawala ang apoy sa katawan niya. Gulat na napasigaw siya saka tuluyang nahulog.

Marahil dahil nawawala na ang oxygen sa paligid.

Sinubukan niyang paliyabin ang sarili. Bumalik naman agad ang apoy sa katawan niya saka siya lumipad pababa pero bigla yung nawala.

Muli siyang nahulog at kahit anong gawin niya ay hindi niya magawang makalipad. Ang nagawa na lang niya ay sumigaw habang hinihintay na bumagsak sa katapusan niya.

7 Elements (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon