Idiniretso ni Mayumi ang kaniyang kamay sa likod ng balikat ng kaniyang kaharap. Ginawa rin ito ng iba, kaya't umusad sila nang umusad patalikod habang sinisigurado na pantay pa rin ang pila.
Ibinaba na nila ang kanilang mga kamay. Magsisimula na ang nasa harapan sa pag-lead ng Flag Ceremony.
Kaya't napatingin si Mayumi noong mayroong kumalabit sa kaniyang braso.
Lumingon siya sa kaniyang likod, ngunit abala naman ang dalaga sa kausap niya na kaklase.
Tumingin siya muli sa harapan at nahagip ang pagwasiwas ng kulot na buhok.
Suot niya rin ang kaniyang uniporme sa P.E. na pinatungan lamang ng grey na dyaket.
Ngumiti si Tala sa kaniya bago gumalaw ang bibig nang walang lumalabas na salita.
"Surprise!"
Tumalikod siya at nagpatuloy sa paglalakad. Sumingit siya sa likod ni Hana, kaya't umusad tuloy ulit ang pila at napa-hands forward sila.
Nanatili naman sa kaniya ang tingin ni Mayumi. Sinisilip siya mula sa gitna ng pila habang nasa may unahan siya. Lumalamlam ang kaniyang mga mata, sumisilay ang maliit na ngiti.
'This silly girl.'
Nagpatuloy ang kanilang Flag Ceremony katulad ng dati. Ang pagkakaiba lamang ay pumunta sa harapan si Mrs. Macapagal at ipinasa ng mga estudyante ang mikropono sa kaniya.
Mayroon siyang hawak na clipboard at ngumiti siya sa kanila bago magsalita.
"Magandang umaga sa inyong lahat, narito ako ngayon upang ipahayag at ipakilala sa inyong lahat ang mga estudyante na hihirangin bilang tagapag-representa natin sa gaganapin na Local's Competition." wika niya. "Bigyan po natin sila ng masigabong palakpakan!"
Pumalakpak ang lahat. Malaki ang ngiti.
Isa-isa niyang tinawag ang mga kalahok sa harapan mula sa Elementary Level 1 hanggang high school.
Habang pumapalakpak, minata ni Mayumi ang pila. Katulad ng inaasahan niya, naroon si Raymond sa pila ng mga lalaki. Kayla sa may harapan.
Marahan siyang tumingin sa likod upang sipatin naman si Noelle.
Sakto at tumingala si Cierra sa kaniya. Ngumiti siya sa kaniya at kumaway nang masigla, kaya't napunta sa kaniya ang atensyon ni Mayumi. Siniko pa niya si Sophie na kaagad namang gumuhit ang bahagyang ngisi sa labi sabay taas ng kamay bilang pagbati.
Ang kanilang pagkilos na maaaring isipin bilang simpleng pangangamusta, ay mayroong mensaheng pinapamukha kay Mayumi:
'Nandito pa rin kami.
Walang epekto 'yung ginawa niyo.
At kaya ulit naming gawin 'yung mga inireklamo niyo sa amin.'
Inalis ni Mayumi ang tingin niya sa kanila. At pinilit ang kaniyang isipan na manatiling kalmado.
Nadatnan niya si Eloise na umaalis ng kaniyang pila upang sumama sa harapan. Bitbit pa pala nilang lahat ang kanilang sertipiko upang ipakita ito.
Isa-isa na ring umalis ang kaniyang mga kaklase.
Noong tawagin si Ryan at nanatiling nakatingin ang guro sa kaniyang hawak na papel. Lalo na sa bandang dulo nito.
Humiyaw ang puso ni Mayumi.
Tumingin siya sa lapag. Nakiki-usap na sana iba ang pangalan na lalabas sa kaniyang bibig.
"--Huli," huminga ang guro. "Dahil sa hindi inaasahan na mga insidente... Ang ating bagong representative para sa Queen of Local's, Mayumi Santos!"
YOU ARE READING
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
