Chapter 56. Sa Iyong Paligid; (Part 1)

87 6 9
                                        

Viewer discretion is advised: The content might be uncomfortable to read due to bullying.

CONTINUATION...

"Ako din."

Lumingon sa kaniya si Mayumi. Marahan at kuryoso.

"Ako din naman gano'n sa'yo." dugtong ni Tala. Mayroong bahagyang ngiti sa kaniyang labi. Malayo man ang tingin sa kumukutikutitap na ilaw, nunit mayroong eksaktong pinaroroonan ang isip.

"'Lam mo, 'pag masiyadong mataas 'yung pader sa paligid mo, pati 'yung mga tao na may pake sa'yo, di mo na rin makikita." wika niya. "Kahit sarili mo. 'Di mo na rin alam na nagbabago ka na pala. Masiyado kang nakakulong sa loob ng mga pader na 'di mo namamalayan na hindi ka na pala ikaw."

"Iniiba mo 'yung mga parte ng sarili mo na ayaw nila... para lang maging okay ka sa kanila. Binabago mo 'yung sarili mo para matanggap, maging kagusto-gusto, o mapagmalaki."

"O siguro nga para lang matingnan ka nila kahit isang segundo nang 'di sila naiinis sa'yo."

"Pero... kapag nawala na lahat ng 'yun-- 'yung pader sa paligid mo. Harapin mo na 'yung salamin. 'Di mo na makikilala 'yung sarili mo."

Lumihis ang tingin ni Tala sa pader at napunta ito kay Mayumi. Nanatili roon.

"At 'di mo alam kung kanino ka magagalit. Sa pader ba? Sa ibang tao ba? O sa sarili mo? Wala kang masisi. At kahit magalit ka, 'di mo na mababalik 'yung nawala sayo-- mga binago mo para sa kanila."

Kita at dama niya sa tingin ni Mayumi, na nauunawaan niya siya. Dumidiretso ang kaniyang magalang na ngiti sa isang manipis na linya, at nagiging seryoso ang kaniyang tingin. Hindi matalim, bagkus mayroong napagtanto.

Hindi na nakakapagtaka, sapagkat alam ni Tala na mayroong pagkakatulad ang mga pinagdaanan nila.

Kaya't ngumiti muli nang bahagya si Tala.

"Pero kahit 'di ka magiging katulad ng dati. May... may potensyal pa rin na mas maging okay ka kaysa no'n. Mahalaga may mga parte ka pa rin ng dating ikaw na bitbit mo ngayon. O... may mga memorya ka mula noon na pwede mo pa ring dalhin ngayon nang 'di nasasaktan sa nangyari sa'yo."

"'Kala ko talaga no'n tingin mo sa'kin parang sirang laruan na kailangan mong ayusin-- o mali na kailangan itama. Pero 'kaw pa 'yung nagpamukha sakin na walang mali sa'kin. Tao lang ako. Tao katulad mo, katulad ng iba. 'Di perpekto. Pumapalya man minsan, pero 'di sira. Magkapantay tayo kahit di tayo magkatulad. Tinuturuan mo ko.. tinuturuan kita..."

Huminga si Tala at pinadaan ang kaniyang kamay sa kaniyang buhok. Umaapaw ang kaniyang mga emosyon na nilalagutan siya ng hininga at pinalalamig ang kalamnan.

"Daming pagkakataon na pwede mo na 'ko talikuran pero 'di mo ginawa. 'Di mo naman kasi ako kilala. Pero ginawa mo talaga lahat para makilala pa'ko." Kumawala ang maiksi at mahinang tawa mula kay Tala. Parang bibrasyon sa kaniyang dibdib. "Para kang baliw na naka-megaphone na pilit ako kinakausap kahit sobrang kapal at taas ng pader sa pagitan natin."

Luway niyang inabot ang kamay ni Mayumi. Magaan at malamyos ang hawak dito, nang nakatuon ang tingin sa kaniyang mata. "Basta... kahit anong mangyari, 'wag mong babaguhin 'yung sarili mo para sa iba kahit tingin mo iyon na lang 'yung paraan para protektahan 'yung sarili mo. 'Wag kang gumaya sa'kin."

Kumapit pababalik si Mayumi.

"I get you," simula niya, ngunit naging mapanglaw ang kaniyang tingin. "But... huwag gumaya sa iyo? You're the bravest person I know, Tala."

Hindi kaagad na nakasagot si Tala, bagkus numipis ang kaniyang mga labi sa isang tipid na ngiti.

"Kailangan lang kaya gano'n."

Spring OnionsStories to obsess over. Discover now