Chapter 59. Magkakasama

39 4 3
                                        

Tiningnan ni Mayumi ang guwardiya na nakakatulog sa kaniyang istasyon bago sensyasan si Tala patungo sa gilid ng kanilang eskuwelahan.

Dali-dali namang inangat ni Tala ang kaniyang hood at sumunod kay Mayumi. Nakadyaket siya na grey at maluwag na pantalon, habang naka-uniporme naman si Mayumi at lila na cardigan. Nakapusod ang kaniyang buhok ngayon nang mayroon pa ring laso na nakatali.

Tumunghay si Tala sa tuktok ng mga bakod. Hinahanap ang gawi nito kung saan wasak na ang nakaharang na net. Medyo madilim pa ang langit, sapagkat nagsisimula pa lamang kumulay at sumilip ang araw sa inaantok pang kalangitan. Kaya't inaaninag na lamang nila ito sa tulong ng bukas na poste ng ilaw.

Magaan ngunit mabilis ang kanilang pagtakbo at palingon-lingon pa sa kanilang likod kung sakali man mayroong nakasunod o nakakita sa kanila. Hanggang sa natunton nila ang nangingitim na bakod.

"Ikaw muna," wika ni Tala at pumwesto sa may gilid ng bakod. "Ayusin mo ah! Kumapit ka!"

Madiin man ang mga salita na pinakawalan niya, ngunit malambot naman ang tono.

"Yes, yes, of course," tugon ni Mayumi nang natatawa sa kumukunot na noo ni Tala.

Maingat na umapak si Mayumi sa kaniyang magkasilakop na mga palad. Seryoso niyang minata ang bakod upang tansyahin ang taas nito, habang humigpit naman ang hawak sa kaniya ni Tala. Pirmido at naka-alalay.

Kumapit si Mayumi sa kaniyang balikat, hinihintay ang kaniyang bilang.

At pagbilang niya ng tatlo, inangat siya ni Tala at mabilis na lumundag si Mayumi upang abutin ang tuktok ng pader.

Nakakapit siya rito.

Ngunit mas mahirap pa pala ang i-angat ang kaniyang sarili rito kaysa abutin ito. Binubuhat niya ang bigat ng kaniyang buong katawan gamit ang kaniyang mga kamay!

Nakalambitin ang kaniyang mga binti, walang pagkukuhanan ng lakas.

Kaya't napadaing si Mayumi at napapikit sa namumuti at nanginginig niyang mga kamay. Kahit ang kaniyang mga braso ay halos bibigay na.

Kinaskas niya ang kaniyang sapatos sa pader upang umapak sa bitak nito. Ngunit noong gamitin niya ito upang makabuwelo paakyat, napasinghap siya noong dumausdos ang kaniyang paa.

Muntik na siyang mapabitaw sa pader!

'Tala makes it look easy... But this isn't easy at all!'

Napalingon si Mayumi noong mayroong sumigaw. Saglit lamang ito at mahina.

At ayon si Tala. Nakahawak sa buhok niya na parang bubunutin na iyon lahat. Namimilog ang mga mata.

Habang si Mayumi ay kalmado pa rin. Ngumiti lamang sa kaniya nang mahinhin. Awkward.

Nagpakawala ng hininga si Tala. Kitang kita ang pag-angat ng kaniyang magkabilang balikat at pagbaba nito. Pinikit niya ang kaniyang mga mata habang pinapakawalan ang kaniyang buhok. Kinakalma niya ang kaniyang sarili. Pinopokus ang isip. Hanggang sa nawala ang kunot sa kaniyang noo.

Noong dumilat siya, madiin ang tingin niya sa pader. Seryoso. Katulad ng isang atleta na mahigpit na binabantayan ang bola ng kalaban.

Humakbang siya patalikod nang hindi lumilingon dito. Tapos yumuko siya. Bumubwelo. At tsaka tumakbo. Mabilis siyang tumapak sa mababang semento na nakabalot sa poste ng ilaw at tumalon mula rito upang maabot ang mataas na pader.

Kumapit siya rito, at inangat ang kaniyang sarili nang walang kahirap-hirap. Ni wala ngang nagbago sa ekspresyon niya.

Umawang ang mga labi ni Mayumi noong hatakin siya ni Tala paakyat ng bakod nang pirmido ang hawak sa kaniyang magkabilang braso. Inilipat niya ang kaniyang hawak nang nakapaikot ang mga braso sa kaniyang baywang upang maayos at marahan siyang mai-upo sa taas ng bakod.

Spring OnionsStories to obsess over. Discover now