Pumasok siya ng silid-aralan nang walang halong pangamba na mabigat sa kaniyang sikmura at dibdib.
Wala na ang mga matang nakatutok sa kaniya pagbukas pa lamang ng pinto. O mga ekspresyon na mayroong halong panunuya at panghuhusga.
Akala niya... hindi na niya ito mararamdaman sa silid-aralan nila.
Payapa...
"Bossing!!! Boss, boss, boss bituin-bubwit!" kanta ni Julian mula sa likod.
Oo, payapa pa rin... kahit may sapak pa sa utak ang mga kaibigan niya.
Inalis ni Tala ang isang earphones sa kaniyang tainga at tumingin sa kaniya.
Kumakaway naman si Julian na parang nasa kabilang dako siya ng mundo. Pati rin ang mga kaibigan niya kumakaway, pero mas kalmado lamang.
Ngumiti si Tala nang bahagya at kumaway pabalik.
Nakaupo si Albert sa lamesa ni Darwin, habang nakasiksik ang upuan ni Julian sa kaniya. Si Noah naman, pinapanood ng kaniyag mga kaibigan ang bawa't pagturo niya sa kuwaderno sa lamesa.
"Pa'no kayo 'di mamamali, eh dito lang 'yung solution niyo ang gulo? Alin dine 'yung talagang tina-transpose? 'Yung nililipat?"
"'Di ba ito?" wika ni Albert at tinuro ang isang numero sa notebook.
"Bobo! Anong 'yan? Ito!" asik ni Darwin sabay turo naman sa kabilang numero.
"Oh 'di ba nag-away pa kayo, pare-parehas naman kayong mali!" Humalakhak si Noah. Napasandal pa sa upuan niya at pumalakpak na parang sea lion.
"Anong kayo?" kunot-noo na sabi ni Julian. "Tama ko d'yan, eh."
"Ediii ikawwwww naaaa," wika ni Noah. Eksaherado. "Ikaw na tama, ikaw na magaling, ikaw na perfect."
"Talaga! Perfect ako. Pa-ulit nga uli, 'di ko kasi narinig." Pagmamagaling pa ni Julian sabay lapit sa kanila nang ipinapakita ang kaniyang tainga.
Narinig ni Tala ang kanilang halakhak.
Mayroon mang nagkukulitan at asaran sa klase nila, ngunit alam nila ang limitasyon nila.
Inayos ni Tala ang kaniyang gamit sa bago niyang upuan at umupo rito. Natatanaw niya ang dati niyang pwesto sa tabi ng bintana. Malayo na siya rito.
Maya-maya, alam niyang kahit sina Julian ay aalis sa dati nilang pwesto sa likod upang sundin ang seating arrangement. Para silang mga pinuksa, sapagkat pantay na pantay ang pagkaka-kalat nila sa room. Nasa magkabilang sulok sila ng silid, daig pa ang apat na gilid ng parisukat.
Malakas man sila mag-inisan, ngunit para naman silang nagdadalamhati kung tingnan ang isa't isa sa layo nila.
'Kaya pala ang ayos ng grades mo, Julian.
Lagay ka ba naman sa harapan ta's kahilera mo sina Abby. Wala ka talagang choice kung 'di makinig kela Sir at Ma'am para 'di ka mabaliw sa boses ng mga plastik na 'yon.'
Umiling si Tala, natatawa habang inaayos ang kaniyang kuwaderno sa lamesa. Binuklat niya ito sa bagong aralin sa Filipino.
'Malas mo pa lalo, ikaw 'yung favorite na pagtripan ng dalawang Ma'am. 'Di ka naman nakataas ng kamay, tatawagin ka.
Tapos tatayo ka parang pinitpit na luya. 'Kala mo shy boy na payuko-yuko lang.
'Di mo 'ko maloloko, boy!!! Sino niloloko mo??!!
Ipit na ipit tawa ko no'n. Lalo na nu'ng sabi ni Ms. Angeline;
"Recite Romans 12:2."
Kaso 'di ko magawa. Mamaya biglang magpa-"call a friend" si Ma'am, tapos ako naman 'yung ituro mo!!
YOU ARE READING
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
