CONTINUATION SA KASALUKUYAN...
"Minsan, sa kagustuhan natin na maging okay-- na makalimutan ang mga nangyari... Kinakalimutan na din natin 'yung sarili natin na nasaktan para mabuhay na parang walang nangyari. Kinakalimutan natin 'yung nangyari no'n kahit 'di naman 'yun gano'n kadali.
Pero kahit magbulag-bulagan tayo. Kahit ilibing natin 'yung mga ala-ala natin at parte ng sarili natin. Umaaligi pa rin sila na parang multo. Humihingi ng hustisya at pag-unawa.
'Di naman kasalanan na 'di makalimot... Ginawan tayo nang masama-- pa'no naman natin makakalimutan 'yon?
Kaya... kailangan natin silang harapin at pakinggan kahit ayaw natin. Para malaman kung ano 'yung parte sa sarili natin na hindi pa din napapatahimik ng nakaraan.
'Di maganda ang nakaraan. Masalimuot 'to. Magulo.... Masakit.
Pero kung patuloy lang silang tatakbuhan, nakakapagod lang. Hanggang sa maging manhid at bulag tayo sa kung ano 'yung masakit sa'tin. Sa mga sugat na 'di natin mahilom-hilom.
Makukulong tayo dito. Mabubulok sa nakaraan.
Magagalit sa lahat. Sa iba. Sa mundo. Kasi hindi makaalis. Kaya't mas tatakbo pa nang tatakbo." wika ni Tala.
"Pero ako lang 'yung tumatakbo ngayon... Ako lang 'yung napapagod. Natatakot. Patuloy sa paggawa nang paggawa ng pader. Ako na 'yung naninigaw sa lahat kahit wala naman silang ginawang masama. 'Di 'yung mga tao na nanakit sa'kin.
Kahit ako man 'yung naunang nasaktan, 'di 'yun dahilan para manakit ako ng iba... Pati 'yung sarili ko.
Kasi mas nananakit pa pala ako kaysa sa mga taong nanakit sa'kin.
Sina lola.. Kayla....
Sobrang nabulag ako sa nakaraan na nagiging katulad ko na pala sila."
Bumagal ang paghinga ni Tala at ganoon din ang pagkurap ng kaniyang mugtong mga mata na kanina niya pa pinipilit na manatiling nakabukas.
Binalot na siya ng pagod, kaya't kusa nang sumarado ang kaniyang mga mata at kumawala sa pagkakakuyom ang kaniyang mga kamay. Nakahiga siya sa kaniyang tagiliran. Nakaharap kay Mayumi, ngunit nakatupi ang sarili na parang bola. Nanliliit.
Maingat na iginiya ni Mayumi ang nakalaylay na hibla ng buhok ni Tala sa likod ng kaniyang tainga. Pinapanood ang unti-unting pag-alpas ng tensiyon sa kanyang mukha habang nananaginip. Hanggang sa tumakas ang maliit na patak ng luha sa sulok ng kaniyang mata. Gumuguhit pababa sa pagitan ng mga mata.
Banayad lamang itong inabot ni Mayumi. Malamyos na dumapo ang kaniyang hinlalaki sa tulay ng kaniyang ilong at pinunasan ito. Mabagal upang hindi siya magising. Nanatili ang kaniyang palad sa kaniyang pisngi. Gumuguhit ang hinalalaki ng maliit na mga bilog sa kaniyang balat.
Malumanay. Kalmado.
Pinagaan nito ang kunot sa kaniyang noo at diin sa panga.
Nanatili ang tingin ni Mayumi sa kaniya. Bumibigat ang puso habang sinisilayan ang tuluyang pagbaba ng kaniyang mga pader.
Ang mga "mali" sa kaniya.
Wala naman siyang makita.
Hindi naman ito mali...
Nakikita niya lamang ang isang tao na ginawa ang lahat ng kaniyang makakaya upang manatiling buo sa mundong pilit siyang pinipira-piraso.
_______
Naalimpungatan si Tala sa kaluskos ng ibon sa bintana. Sumisiyap ang mga ito at humuhuni. Malakas man ngunit hindi naman nakakagambala.
Malumanay sila. Kalmado.
YOU ARE READING
Spring Onions
RomansaMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
