[39.2] Under the Bright Night Sky

4.8K 225 44
                                    

EPISODE 39.2
Under the Bright Night Sky



Nang makarating sila sa malawak na grounds ay namangha siya ulit sa dami ng taong naka-costume. Bawat sections ay may kanya-kanyang tents na sinisilungan. May ibang nagbabarbe-cue pa, may iba namang may hain ding ibang klaseng pagkain. May magagarang tent na may nakakamanghang disenyo, at may mga simple lang ngunit may mga pakulo din. Kadalasan ay cultural at historical costumes ang suot ng iba, at iilan lang ang nagro-roleplay ng mga characters. Pinagtinginan naman sila ng ibang mga tao. Hula niya, hindi yata masyado halata na babae siya sa suot niyang costume.



Ang iba naman, lalo na ang mga babae, ay nakangiting nakatingin sa kasama niya.



Sinulyapan niya si Osiris na halos robot na kung maglakad. "Anong nangyayari sa'yo? Natatae ka ba?"



"Sa tingin ko hindi magandang ideya ang costume na sinasabi mo," amin nito sa kanya.



"Ah, bakit? Dahil naka-topless ka? Ha-ha--pasensya ka na. Wala akong ibang maisip eh, hehe--" aniya naman na napakamot sa ulo. "Pero bagay naman sa'yo. Ang astig mo nga tingnan eh."



Hanggang sa nakarating sila sa tent sa gilid ng lawa at nakita niya roon ang nagkakasiyahang mga kaklase. Nagkakantahan pa nga ang iba at nagsasayawan sa saliw ng gitara ng isa sa kaklase nilang may psychus na may kaugnay sa music. Mukha yatang nakumbinsi ni Azrielle ang mga kaklase nila na magdamit bilang mga pirata. Kaya doon sa gilid ng lawa ay para silang grupo ng mga masasayang pirata na nakasilong sa ilalim ng isang makulay at malaking tent.



Nakita niya si Emi, at nagulat siya nang makitang mukhang nasanay na pala ito sa costume nitong napaka-sexy. Sa katunayan ay nakikipagbunong-braso na naman ito sa kaklase nilang si Naomi Jungi sa ibabaw ng isang barrel. Pinapalibutan sila ng mga kaklase nilang nagchi-cheer at naghihiyawan--at nahati sa kanya-kanyang pambato ang mga ito. Ang iingay ng mga kaklase nila na nagtatawanan pa, kaya napapatingin tuloy ang ibang mga taong dumadaan malapit sa tent nila.



Pumasok silang dalawa sa tent, ngunit dahil nag-aalangan pa rin si Osiris na makihalubilo sa mga kaklase nila ay hinila na ito ni Verdandi para pumasok. Nakipagsiksikan sila sa magulo pero nagkakasiyahan nilang mga kaklase. Sa isang mesa doon, ay nakaupo si Azrielle at nakikipaglaro ng poker. Ginupit yata nito ang bangs para mapantay iyon at maangkop sa character nitong kino-cosplay--si Nico Robin. Nasa ibabaw naman ang mga baraha ng mga kalaro niyang pinagpapawisan na sa kaba. Maya-maya pa'y nilapag na ni Azrielle ang baraha at pumalakpak ng malakas. "Ah! Paano ba 'yan? Panalo ako!"



"Azrielle, pwede bang utang muna?" pagsusumamo naman ng isa nilang kaklase. "Ubos na kasi talaga ang pera ko eh. Sa susunod na buwan ko na babayaran ang panalo mo, sige na!"



"Pwede naman, pero may 5% na interes na pagkatapos ng isang linggo," sabi naman ni Azrielle at nanlabi ito. "Hindi naman masyadong mabigat iyon, diba? Tsaka, isang round ng game pa tayo!"



Nilampasan nila si Azrielle para maghanap ng bakanteng espasyo. Nandoon na rin si Ghost Girl na kahit naka-costume ito bilang pirata, ay nakasuot pa rin ito ng Gothic ballgown pero tinabasan lang sa may tuhod at nagsuot ng mahabang boots. May patch naman ito sa kabilang mata. Naroon din ang mga multong kaibigan nito pati at kinawayan sila nito. Mukha namang, imbes na matakot ay natutuwa na ang ibang mga kaklase nila sa mga kakaibang kaibigan ni Ghost Girl.



Natagpuan nila doon si Hapi na nakaupo sa isang sulok, at masayang nanonood sa mga kaklase nilang nagkakasiyahan. Nakasuot nga ito ng top hat at antlers, at may bilog na bolang kulay asul din itong nakalagay sa ilong, kagaya ng character na kino-cosplay nito. Napalingon ito sa kanila. "Verdandi! Whoa, ang astig mo! Hindi kita masyadong nakilala, kung hindi ko lang alam na si Luffy ang iko-cosplay mo."

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon