[45] The Coronation

4.9K 235 130
                                    

EPISODE 45
The Coronation

Sa loob ng tatlong araw ay nagmistulang kampanya ang nangyayari sa buong Academy. Lahat ng mga nabalitaang sasali sa Diadem of Denominates, kasali na si Azrielle, ay pinapahayagan ng suporta ng mga estudyante mula sa iba't-ibang antas. Karamihan sa mga estudyanteng nakakaangat sa buhay ay kumakampi kay Lamia. Marami naman sa kalalakihan ay kumampi sa Vascillux ni Aphrodite na si Bridgit, na mas palangiti na ngayon kaysa dati. Minsan pa ngang inutusan si Verdandi ng isang upper year na magbigay ng love letter para sa kaklase, sa sobrang inis niya. Di naman niya ito binigay ng personal at bagkus ay iniwan lang ang mensahe sa upuan ng kaklase.

Samantala, marami-rami din naman ang may gusto na si Azrielle ang kokoronahang Queen. Kadalasan sa mga ito ay mga scholars, morgor-born, at mga nakatira sa Minora City. Masayang-masaya naman si Emi sa pagbabago ng isip ng kaibigan. Gagawin din daw nito ang lahat para mapabilang sa Crown ni Azrielle kung sakaling ito ang mapipili bilang Queen.

Ngunit hindi lang pala si Azrielle ang kaibigan ni Verdandi na sasali sa Diadem of Denominates. Dahil nang minsang makita ni Verdandi si Rummstein ay sinabi nitong sasali si Lissa sa Diadem.

"Hindi ko nga alam kung anong nakain ni Lissa para sumali sa Diadem," inis na sabi ni Rummstein sa kanya. "Ang alam ko, ayaw na ayaw niyang magkaroon ulit ng koneksyon sa bagay na 'yan. Pero di ko alam anong anong nagpabago ng isip niya."

"Pinigilan mo ba siya na sumali?" tanong ni Verdandi dito.

Kunot-noong tumango si Rummstein. "Kahit anong pilit ko, hindi na daw mababago ang isip niya. Susubukan niya pa rin daw na sumali."

Sinabi din ni Rummstein na walang inaming dahilan si Lissa kung bakit gusto nitong sumali. Basa ni Verdandi sa mukha ni Rummstein na nag-aalala ito para sa matalik na kaibigan. Pati siya ay di maiwasang magtaka ng konti sa inaasal ni Lissa, ngunit nang magkita sila ni Lissa ay panay naman ang ngiti nito--o baka panay ang pagpapanggap nito na okay lang ang lahat.

Minsan isang hapon habang gumagawa siya ng assignment sa isang gazebo, ay nilapitan si Verdandi ni Azrielle.

"Dandi, samahan mo 'ko sa Administration's Building. May ihahatid lang ako dun," anito sa kanya. Tumango naman siya at sumunod din kay Azrielle. May hawak-hawak itong isang parcel na sabi pa nito ay ihahatid daw nila sa isang staff roon.

Binubuo ng tatlong floors ang Administration's Building. Sa baba ay halos mga opisina lang lahat. Nasa second floor naman matatagpuan ang mga function hall pati na ang Queen's hall na pinagdausan ng nakaraang Royal Banquet. Buti na lang talaga at kaunti lang ang nakakita ng eksena sa pagitan nila ni Lamia noong gabing iyon para hindi na lumaki pa ang gulo. Noon lang din napagtanto ni Verdandi na masyado yata siyang nadala sa emosyon at ginantihan pa talaga niya sina Lamia.

Sa third floor sila pumunta ni Azrielle. Di gaya sa first at second floors na maraming mga tao na abala sa kanilang trabaho at may nakakasalubong sila maya't-maya ay dito sa floor na ito ay halos walang tao. Carpetted ang sahig at iniilawan ito ng mga lampara na may parang lumulutang pang apoy sa loob nito. Tinitigan ni Verdandi ang apoy at nagulat siya nang nagkaroon ito ng hugis: isang maliit na tao na kumaway pa sa kanya. Napanganga naman siya at tumawa pa ang engkantadong apoy bago bumalik sa pagiging bola.

Lumiko pa sila sa isang pasilyo. Mas madilim pa roon at dinadaanan na nila ang magkakatapat na mga pintong gawa sa kahoy. Sa dulo ng pasilyo ay may isang maliit at paikot na hagdan papunta sa itaas ng isang tore.

Umakyat sila roon. Hindi naman kataasan ang tore pero may dalawang silid din silang nadaanan hanggang sa tumigil sila sa tapat ng isang pintong gawa sa oak.

Kumatok si Azrielle ng ilang beses. Habang hinihintay nila ang magbubukas ng pinto ay nagpalinga-linga si Verdandi. Medyo madilim sa kanilang kinatatayuan at tanging iilang lampara lamang ang nagbibigay liwanag roon. At sa pagtitingin-tingin niya sa paligid ay doon lang din niya napansin na may katapat pala ang silid na iyon.

Isa itong silid na--hindi, mas tamang sabihing isa pala iyong kulungan. Kalahati ng pinto nito ay gawa sa solidong bakal at kalahati naman ay binubuo ng makakapal na rehas. Sa bawat gilid ng pinto ay may mga knights na nakabantay. Kunot-noong napatitig si Verdandi sa loob para tingnan kung sino ang kinukulong doon.

Nakaupo, nakatali ang kamay ng mabigat at makapal na posas ang isang nilalang na nakayuko. Mukha naman itong tao sa paningin ni Verdandi: dalawang binti, dalawang braso at mga kamay, at isang mukhang natatabunan ng magulong-magulong buhok. Ngunit kasingputla ng nyebe ang balat nito, at nanglilimahid ito sa dumi.

Doon lang naalala ni Verdandi kung sino ang lalaking ito. Nanlaki ang mga mata niya nang marekognisa si Horace Gardmann--ang kakila-kilabot na nilalang na natagpuan nila sa Forbidden Tower.

Kung ganoon, aniya sa sarili, doon pala ito kinulong?

Napansin marahil nito na nakatitig siya ay binalik din nito ang tingin niya. Huli na para iiwas ni Verdandi ang tingin, dahil nakikipagtitigan na rin siya sa madugo nitong mga mata.

Dahan-dahan itong tumayo saka nagsalita. "Eli--zabeth?"

Iniwas ni Verdandi ang tingin at napakapit siya kay Azrielle nang de oras. Mula sa pagkakatok ay napalingon naman si Azrielle sa kanya na nagtataka.

"Elizabeth. Elizabeth!" tawag nito sa kanya at nagsimula itong maglakad papunta sa kanya. Ngunit naharangan ito ng rehas kaya napakapit na lamang ito roon. "Elisabeth, a-ako ito, si Horace--di mo na ba ako naaalala?"

Umalerto naman ang mga gwardya at iniharang ang mga dala nilang sibat sa harap nito. "'Wag kang masyadong magulo Gardmann."

"Hindi, hindi! Hindi ako manggugulo--kailangan ko lang siyang kausapin. O-oy--oy! Elizabeth! Elizabeth, pansinin mo ako," patuloy na pagsisigaw nito. "Kailangan mo ng umalis nito, Elizabeth. Nanganganib ang buhay mo sa pananatili mo rito. Elizabeth!"

"Bakit ka ba niya tinatawag na Elizabeth?" biglang tanong ni Azrielle. Nagkibit-balikat lang si Verdandi na nakakunot-noo. Hindi niya alam bakit bigla siyang kinakabahan kapag nasa malapit ang taong ito. Pilit niyang iniiwasan ang tingin nito pero patuloy lang ito sa pagtawag sa kanya ng Elizabeth.

"Wala ba dito si Professor Steravnosky?" tanong ni Azrielle sa mga gwardya. Sumagot naman ang mga ito na lumabas ito kanina pa, at dapat ay nakabalik na ito ngayon ngunit nagtataka din sila at wala pa ito. "Aw. Babalik na nga lang ako sa susunod. Tara na, Verdandi."

"Tara," aniya na nakadama ng ginhawa dahil aalis na rin sila sa lugar na iyon.

"Elizabeth, makinig ka! Mangyayari ulit ang nangyari noon, kung hindi ka aalis sa lugar na ito Elizabeth! Nagbalik na siya! Muli nang tumutunog ang kampanaryo ng orasan ni Kastamerr, Elizabeth!" patuloy na pagsisigaw nito. Nang hindi pa rin niya ito pinansin ay bumaling ito kay Azrielle. "Atticus, Atticus! Atticus, ako 'to, si Horace. Hindi totoo ang sinasabi nila, Atticus, alam mo 'yon! Tulungan mo ako dito Atticus. Ilabas mo ako dito kundi mamatay din ako--Atticus!"

Umalis sila sa lugar na iyon ngunit di pa rin mapanatag si Verdandi.

"Hindi ko talaga alam kung bakit tuwing nakikita niya ako, tinatawag niya akong Elizabeth," nag-aalalang sabi niya. Tiningnan naman siya ni Azrielle.

"Ako nga rin eh, di ko alam bakit niya ako napagkamalang si--Professor Alderheid," pabirong sabi ni Azrielle. "Sabihin mo nga, magkamukha na ba kami ngayon ni Professor Alderheid?"

Natawa na lang siya ng kaunti sa sinabi nito. Isa sa mga naka-off duty na guard at kasalukuyang kumakain ang nagsalita sa kanila.

"Ganyan talaga siya," natatawang sabi ng gwardya sa kanila. Napahinto naman sila sandali sa tapat nito. "Lahat ng mga taong dumadaan napapagkamalan niyang kunsino. Baliw talaga. Kung hindi niya tinatawag na 'Elizabeth' o 'Atticus', 'Stoneheart' ang tinatawag niya. 'Wag niyo nang isipin ang baliw na 'yon. 'Yan ang nangyayari sa mga taong pinagkakanulo ang kaluluwa nila kay Cronus."

Pinagkanulo kay Cronus? ulit ni Verdandi sa kanyang isipan. Nilingon niya ang madilim na toreng pinanggalingan at ang mga gwardyang nagkakatuwaan habang nakabantay sa kakaibang preso. Stoneheart? Saan ko nga ulit narinig ang pangalang 'yon?

Bumalik sila sa dorms. Bukas ay ihahayag na kung sino ang magiging Queen. Sa pagkakaalam ni Verdandi, sa Colloseum gaganapin ang Coronation at lahat ng mga estudyante sa Tertiary Division ay kailangang pumunta.

"Kinakabahan ka ba para bukas, Azri?" tanong ni Verdandi kay Azrielle habang kumakain sila.

Tiningnan naman siya nito na may halong pagtataka. "Bakit naman ako kakabahan?"

Matagal bago sumagot si Verdandi. Si Emi na ang nagsalita. "Malakas ang pakiramdam ko na ikaw ang mapipiling Queen bukas, Binibining Morrigan," anito pa. "At sana ikaw nga. Kung di man ikaw, sana si Binibining Lissa na lamang."

Tumango rin si Verdandi bilang pagsang-ayon. Ngunit si Azrielle ay hanggang ngiti lamang ang tinugon.

Nang gabing iyon ay hindi makatulog ng maayos si Verdandi. Muli na naman niyang napapanaginipan ang estatwa ni Herakles Kastamerr na nasa look ng Minora City. Ang kaibahan nga lang, ay wala na ito sa ilalim ng dagat. Dakila na itong nakatayo sa bukana ng syudad, sa maliit na pulo kung saan dating nakapwesto ang estatwa ni Queen Oerd.

Nagising siya ng Linggo ng umaga na pawis na pawis ngunit halos di na maaalala ang kanyang napanaginipan. Napatingin siya sa orasan. Mag-aalas-sais na pala. Mamayang mga alas una ng hapon kokoronahan na ang magiging Queen. At silang lahat ang dapat na pumunta sa Colloseum para saksihan ang pangyayari.

Noong isang araw pa inihulog ni Azrielle ang sariling pangalan sa Celestial Grail at maraming nasiyahan sa pagbabago ng isip nito. Kagabi pa ipinadala sa kanilang dorm room ang susuotin ni Azrielle para sa Choosing. Susuotin ito ng lahat ng mga sasali sa Diadem of Denominates.

Maagang naglakad-lakad si Verdandi dahil wala rin naman siyang gagawin ng araw na iyon. Tahimik pa sa buong Academy at iilang estudyante palang ang gising. Ang ibang nadadaanan niya ay nag-eehersisyo pa o di kaya'y nagtetraining ng napakaaga. Naisipan niyang bumisita na muna sa greenhouses at baka makakuha siya ng preskong prutas mula roon.

Medyo maambon kahit napakaaga pa. Natatabunan ng ulap ang kalangitan at pinangangambahan niya na baka umulan maya-maya at magtagal ito buong araw. Basa rin ang mga damo at nababalutan ng hamog ang mga halaman sa gilid ng kalsada.

"Verdandi."

Napalinga-linga si Verdandi para hanapin ang boses ng tumawag sa kanya.

"Verdandi, dito."

Napatingin si Verdandi sa dako ng kakahuyan at nakita niya roong nakatayo ang isang estudyanteng nakasuot ng winter cloak. Pinaliit niya ng konti ang mga mata para maklaro kung sino ito. Ibinaba naman nito ang hood at nakilala niya ang mukha ng babaeng third year.

"Ate Lissa?" tanong niya. Puno ng pag-aalala ang mukha nito. "Anong ginagawa mo dito?"

Umiling ito ng marahan at kinawayan siya. "Halika, Verdandi. May sasabihin ako."

Tumingin naman si Verdandi sa paligid at alinlangang sumunod dito.

Sinundan niya si Lissa at umupo silang dalawa sa isang maliit na bench. Dinig niya ang huni ng mga ibon sa itaas ng mga puno, at maya-maya pa'y lumipad na ang mga ito papalayo.

"Bakit, Lissa?" basag ni Verdandi sa katahimikang namamayani sa pagitan nila. "Anong sasabihin mo?"

"Tungkol sa Ceremony of Crowns," anito habang nakayuko. Kunot-noo namang napatingin si Verdandi dito. "M-may--hihingin sana akong pabor."

"Ano 'yun?" tanong niya kahit kinakabahan siya sa isasagot nito.

Kinuha nito ang dalawang kamay niya at humarap sa kanya ng buo. Nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga si Lissa. Binuka nito ang kamay at nakita ni Verdandi roon ang piraso ng papel na kaparehas ng hinulog ni Azrielle sa Celestial Grail.

"Mamayang hapon, may kailangan akong puntahan," anito sa kanya ng dahan-dahan, takot na biglang magbago ang isip niya. "Hihilingin ko sana sa'yo--sana pumayag ka--na pumalit sa akin sa Diadem of Denominates kahit--k-kahit, sandali lang."

Sa gulat ay di sinasadyang mabawi ni Verdandi ang kamay. Kita naman niya sa mga mata nito na nasaktan ito sa ginawa niya. Kaya imbes na mapatayo, ay pinigilan niya ang sarili.

"Alam kong hindi ka basta-basta papayag," ani Lissa. "Pero--pero kasi--"

"Ate Lissa, pwede namang hindi ka sumali, diba?" sabi niya sa mahinahong boses. "Hindi mo pa naman nahuhulog ang pangalan mo sa Grail kaya pwede ka pang umatras."

Umiling ito ng dahan-dahan. "Hindi pwede. K-kailangang nandoon din ako sa mga oras na iyon."

"Paano na 'yan?" aniya naman. "Kung may kailangan kang puntahan sa mga oras na iyon, 'wag mo na lang ituloy. Hindi ka naman pwedeng nasa dalawang magkaibang lugar ka nang sabay. Bakit, ano bang pupuntahan mo?"

Hindi agad nakasagot si Lissa. Napakagat ito sa sariling labi at kabadong tumingin sa mga mata niya. "S-si Horace Gardmann."

Nanlaki naman ang mga mata ni Verdandi. "S-siya? Bakit?"

"Mahabang kwento Verdandi." Napalunok ito. "Pero, ang sabi sa akin ni Rummstein, alam mo daw kung anong nangyari kay--k-kay Syrius Stoneheart noon, diba?"

Tumango naman siya.

"Verdandi, kailangan ko siyang makausap," anito sa seryosong tono. "At ang tanging oras lang na pwede ko siyang makausap ay sa oras ng Coronation. 'Yun lang ang oras na luluwag ang bantay doon sa kulungan niya."

"At bakit mo siyang kailangang makausap?" tanong niya naman. Gustong kumbinsihin ni Verdandi na 'wag na itong tumuloy. Pero sa mukha ni Lissa mukhang desidong-desidido ito sa gagawin. "Ano bang kailangan mo sa Horace Gardmann na 'yon? Alam mo bang delikado ang gagawin mo?"

"Alam ko," determinado nitong sabi. Muli siyang tiningnan nito. "Siya lang ang tanging pag-asa ko, Verdandi. Siya ang huling kasama ni Syrius Stoneheart bago s-siya--bago siya nawala. Kailangan ko siyang tanungin, Verdandi. Kailangan kong malaman kong anong nangyari kay Syrius."

"Pero bakit ngayon talaga kung kailan Coronation?"

Kinuyom nito ng mahigpit ang dalawang kamao. "Dadalhin na nila si Horace Gardmann sa High Council, para doon litisin sa korte ng Atlantis. Pagkatapos na pagkatapos ng Coronation, isasama na siya papuntang Arcarthena City. Siya ang suspect sa pagkamatay ng huling headmaster, diba? Pagkatapos nito, hinding-hindi ko na siya makikita kahit kailan."

"Kung ganoon, 'wag ka na lang sumali sa Diadem of Denominates--"

"Hindi pwede, Verdandi."

"Bakit?"

"Dahil nakapagpangako na ako kay Azrielle."

Doon natigilan si Verdandi. "N-nakapagpangako kay Azrielle?" ulit niya. "Ng ano? 'W-wag mong sabihing--"

"May ibang plano si Azrielle, Verdandi. Noon pa man, hindi na niya gusto na maging Queen ng Crowning Ceremony," sabi nito. "Sumali lang siya--bilang decoy."

"Ano?" gulat na sabi niya.

"Pinakiusapan ako ni Azrielle. Ang totoong plano niya ay ako ang maging Queen ulit. Pagkatapos ay titipunin niya ang ibang mga malalakas at maipluwensyang Vascillux sa iisang Crown. Kaya lamang siya sumali ay para di ako masiraan nina Fray, at sa halip ay mabaling nito ang atensyon nila sa kanya," paliwanag ni Lissa. "Naisip kasi ni Azrielle na, halos lahat ng mga napipiling Queen ay mula sa pamilya namin. Kaya malakas ang paniniwala niya na ako ang mapipiling Queen."

Naalala naman ni Verdandi ang almanac na palaging binabasa ni Azrielle, at ang pagguhit nito ng family tree. So ganoon pala ang plano ni Azrielle.

"Ngayon, Verdandi, di ko alam anong gagawin ko," anito sa kanya na napakagat-labi. "Kanina ko lang nalaman na ita-transport na pala nila si Horace sa kapitolyo kasabay ng mga priestess. At ngayon lang ang huling pagkakataon na makakausap ko si Horace. Gusto kong malaman paano namatay si Syrius."

"Paano?"

"Verdandi, hindi siya namatay lang," anito sa nanginginig na boses. Pinigilan nito ang sariling lumuha. "Pinatay siya. Pero sino, Verdandi? Kung basta-basta lang na nakalimutan ng Academy na ito ang pagkamatay ng isang estudyante, ako hindi. Hinding-hindi ako titigil hangga't di ko alam kung anong sinapit ni Syrius. Lalo na sa nangyari kina Enrico Romagna."

Muli nitong hinawakan ang kamay ni Verdandi. Gulong-gulo na ang isip niya at hindi niya talaga alam kung paano ito tutulungan.

"Pakiusap, Verdandi. Tulungan mo ako," sabi nito. Inilagay nito ang papel sa kamay niya. "Hawakan mo muna ito--"

"Pero, Ate Lissa--wala akong planong sumali sa Diadem of Denominates--!"

"Verdandi, makinig ka muna. Please? Pakinggan mo muna ako," anito.

Hinawakan nito ang magkabilang-balikat niya at tinitigan siya sa mga mata. Gustong umiling ni Verdandi at mariing tanggihan ang hinihingi nito, pero di niya magawa. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang determinasyon at naaawa din siya rito. Hindi niya alam, baka gagawin din niya ang gagawin nito kung nasa posisyon siya nito.

"Hawakan mo muna ang papel na ito. Pupuslit ako mamayang tanghali sa kulungan ni Horace Gardmann kung kailan kaunti lang ang nagbabantay," anito sa kanya. Kahit sinasabi pa lang nito ang plano sa kanya ay hindi na mapalagay sa kaba si Verdandi.

"Pero--"

"Makinig ka. Susubukan kong makabalik agad. Pipilitin ko. At gagawin ko ang lahat para makabalik agad at babawiin ko sa iyo itong papel at ako na mismo ulit ang sasali," ani Lissa. Nakadama naman ng ginhawa si Verdandi nang marinig ang huling tinuran nito.

"Pero kung sakali man na matagalan ako, pakiusap. Pakiusap lang talaga, isulat mo na dito ang pangalan mo at ihulog mo ito sa Celestial Grail. Verdandi, hindi ka naman mahahalata o makikilala dahil magsusuot ka naman ng hooded cloak kagaya ng iba pang kandidato bilang Queen. Hindi ka nila makikilala hangga't di mo hinuhubad ang hood ng cloak mo. Maliit din naman ang tsansa na ikaw ang mapipili ng Priestess, sa dami ng kasali sa Diadem. Kadalasan sa mga pinipili ay 'yung may mga malalakas na psychus. Dasal ko lang na sana si Azri ang mapili. Verdandi, kahit plinano ni Azrielle na ako ang magiging Queen, hindi naman siya isandaang porsyento na sigurado na tatalab ang plano niya. Pupunta ka lang doon para isipin ni Azrielle na sumali pa rin ako."

"Kung ganoon, m-magpapanggap ako na ikaw?"

"P-parang ganoon na nga, pero--'yon lang naman 'yon kung sakaling matatagalan ako sa pagbalik. Pupunta lang ako doon sandali. Kaunting oras lang para makausap ko si Horace. Hindi kasi nila ako hinahayaang lumapit kay Horace, at marami siyang bantay. Ngayon lang kokonti ang mga gwardya niya dahil magbabantay sila sa Coronation at sa Priestesses. Kung hindi man ako makarating bago mag-alas dose, ihulog mo na lang ang pangalan mo sa Celestial Grail. Hanggang tanghali na lamang pwedeng sumali sa Diadem. Pagkatapos noon, ay hihintayin na lang ng lahat na sumapit ang ala-una para simulan ang Ceremony. Verdandi, nakikiusap ako sa'yo. Alang-alang ito para mabigyan ng hustisya si Syrius. Pakiusap, Verdandi. Pakiusap."

Sa nangyari nilang pag-uusap ni Lissa ay hindi na mapalagay si Verdandi. Panay ang kapa niya sa papel na nasa kanyang bulsa. Dasal niya na sana hindi abutin si Lissa ng alas dose at makabalik agad. Pilit naman niyang 'wag ipahalata sa iba ang hindi niya pagkapalagay.

Dumating ang alas nuwebe. Wala pa rin siyang balita kay Lissa.

Alas dyes. Marami-rami na ang mga knights nagbabantay sa Coliseum. Hinihintay pa rin ni Verdandi na lumitaw si Lissa sa pinto ng kanilang dorm room. Ngunit wala pa rin.

Alas onse. Napagdesisyunan ng mga kaibigan niya na manananghalian sila ng maaga dahil pupunta din sila ng maaga sa Coliseum. Tahimik na hiniling ni Verdandi na sana makatagpo niya si Lissa sa pasilyo o sa Dining Hall. Pero wala talaga.

"Verdandi, okay ka lang ba?" tanong ni Hapi sa kanya. Mabilis naman siyang tumango. "Namumutla ka kasi eh. Okay ka lang ba talaga?"

"Oo naman no," aniya. Natawa siya ng marahan. "M-medyo, medyo kinakabahan lang ako sa magiging resulta ng Ceremony mamaya."

"Ako nga din eh," ani Hapi. "Sana maging maayos lang lahat mamaya."

"Sana nga," pagsang-ayon niya.

Tatlumpung-minuto bago mag alas dose. Panay ang tingin ni Verdandi sa direksyon ng Administration's Building. Nagbabakasakali siyang maaaninagan niya si Lissa. Dasal niya na sana makita niya itong tumatakbo papunta sa kanya.

Kinse minutos bago mag-alas dose. Nagpaalam si Verdandi sa mga kaibigan at nagdahilang may pupuntahan lang sandali. Ang totoo niya'y pupuntahan na niya muna ang Celestial Grail na nilagay sa entrada ng Coliseum. Habang papalapit siya sa Celestial Grail ay lakad-takbo ang ginagawa niya. Pero sa kalagitnaan ay tumigil siya. 'Wag ko na lang kayang gawin ito? tanong niya. Di naman siguro mahahalata ni Azrielle na may kulang na isang Denominate. Di naman siguro niya mahahalata na wala si Lissa.

Pero, kontra naman ng isang bahagi ng isip niya. Inasahan ako ni Lissa. Nakapayag na ako sa kanya. Baka sumama ang loob niya sa'kin kung di ko susundin ang simpleng kahilingan niya.

Di naman siguro ako ang mapipili diba? sabi ulit ng isang bahagi ng isipan niya. Syempre. Nandyan si Bridgit. Nandyan si Lamia. Lalong-lalo na, nandyan si Azrielle. Malabong mapunta sa akin ang basbas ng priestess.

Pero paano kung mahalata ako ni Azrielle? kontra ulit ng isang bahagi ng isip niya. Paano kung mahalata niya na hindi ako si Lissa? Paano kung malaman niya ang ginawa namin ni Lissa? Lissa, nasaan ka na ba?

Sampung minuto. Nakagat na ni Verdandi ang labi niya. Sa loob ng sampung minuto, magsasara na ang paghulog ng Celestial Grail. Sampung minuto na lang at dadalhin na ang grail sa loob ng Coliseum para sa Coronation mamayang ala-una.

Siyam na minutos.

Walong minuto. Ano nang gagawin ko? Nakatayo pa rin siya sa damuhan na malapit sa entrada ng Coliseum. Lissa, dumating ka na, please!

Pitong minuto.

Anim na minuto.

Limang minuto. Napahigpit ang hawak niya sa papel at para nang lalabas sa dibdib niya ang kanyang puso. Lissa--

Apat na minuto.

Tatlong minuto. Naisip niyang umuwi na lang. Natatakot talaga siya. Sa kung anong dahilan, gusto na niyang tumakbo at lumayo doon.

Dalawang minuto. Mas lalong humigpit ang hawak niya sa papel. Walang anu-ano'y kinuha niya ang ballpen sa bulsa at mabilis na sinulat ang pangalan. At patakbong nilakad ang Celestial Grail.

Isang minuto. Pagkarating niya roon ay alanganin niyang inihulog ang papel.

Zero.

Tinitigan ni Verdandi ang slip ng parchment paper habang unti-unti itong nilamon ng kulay asul na apoy hanggang sa maging abo na lamang ito. Wala na. Naihulog na niya ang sariling pangalan sa Celestial Grail. At maya-maya lang, isa na siya sa pagpipilian ng mga priestess para maging Queen.

Naglakad pauwi ng dorms si Verdandi na mabigat ang paa. Medyo nagsisisi siya kung bakit niya nilagay ang pangalan. Pero sabi naman ng kalahating bahagi ng isipan niya, na di dapat siya kabahan. Kailangan lang niyang magtiwala na magiging maayos lang ang lahat mamaya.

Pagdating niya sa dorms ay nadatnan niya si Emi na naglilinis ng pana. Wala nang ibang tao roon sa kanilang silid.

"May dumating ngayon-ngayon lang na isang parsela mula sa Administration's Building," ani Emi sa kanya. "Ang sabi'y suotin daw 'yan para sa Ceremony of Crowns. Iniwan ko na nga lang sa kama ni Binibining Morrigan, kahit ang akala ko'y nakuha niya na ang sa kanya kaninang umaga pa."

Tumango lang si Verdandi at pilit na tinago ang pagkabalisa. Alam niyang para sa kanya ang parsela na naglalaman ng hooded cloak na susuotin niya mamaya para sa Ceremony. Ngunit syempre, hindi niya iyon sinabi kay Emi.

Nang malapit nang mag-ala-una ay inaya siya ni Emi na pumunta na sa Coliseum, ngunit dahil iba ang pupuntahan niya mamaya, ay nagdahilan siya na magbabanyo na muna. Nagpaalam naman si Emi sa kanya at sinabihan naman siyang susunod lang siya dito. Ilang minuto lang naman din ang titiisin ko, aniya sa sarili, at kapag nakapili na ng Queen, matatapos na rin ang problema ko. Siguro naman di nila malalaman ang ginawa ko.

Pagkaalis ni Emi ay dinampot ni Verdandi ang laman ng parsel at isinilid 'yon sa bag. Pagkatapos ay bumaba na siya at lumabas na ng kanilang dormitoryo. Dumiretso siya sa kakahuyan at pumasok sa isang gazebo, at doon niya inilabas ang parsela mula sa loob ng kanyang bag.

Binuksan niya ang balot at kinuha niya ang hooded cloak na gawa sa puting satin. Dahan-dahan niyang isinuot ang cloak at ibinaba ang hood nito. Tama nga si Lissa. Hindi siya mahahalata nito dahil halos natatakpan na nito ang buong mukha niya. Dahan-dahan naman siyang naglakad papunta sa likurang parte ng Coliseum.

Wala ng atrasan ito, bulong niya sa sarili at napakagat-labi. Sa isang kamay ay isinuot niya ang pulseras ni Lissa na binigay nito sa kanya. 'Yon daw ang magsisilbing palatandaan ni Azrielle kay Lissa. Sa totoo lang, medyo labag pa sa kalooban ni Verdandi ang gagawin dahil pakiramdam niya ay lolokohin nila si Azrielle sa gagawin. Ngunit bukod doon, may isa pang bagay na bumabagabag kay Verdandi.

Iniling niya ang sariling ulo. Bahala na. Magtitiwala na lang siya na sana walang mangyayaring masama mamaya.

Taimtim na naglakad si Verdandi papunta sa lugar kung saan magtitipon ang mga sasali sa Diadem. Nang makarating siya roon ay nakita na niya ang iba pang mga kasali na nakasuot na ng cloak nila. Sa pagkakapare-pareho ng mga suot nila ay di niya ma-distinguish kung sinu-sino sa mga iyon si Lamia, si Bridgit, o si Azrielle. Di niya rin maaninag ang mga mukha ng higit isang dosenang kasali sa Diadem.

Azri, aniya sa isip na napakagat sa labi. Pasensya na talaga.

"Mga Denominates," anunsyo ng isang priestess sa harapan. "Pumila kayong lahat dito. At sumunod kayo sa akin."

Sumunod naman si Verdandi at pumila rin siya kasama ang iba pang mga Denominates. Dahan-dahan silang naglakad papasok sa Coliseum. Yumuko si Verdandi habang maingat na inihahakbang ang kanyang mga paa, at hindi siya matapilok sa haba ng kanyang kasuotan. Habang naglalakad sila papasok ay dinig ni Verdandi ang mahinang musika mula sa loob. Isang uri ng musika na tinugtog sa lyre at plawta.

"Ang mga Denominares," anunsyo ng isa sa mga priestess na nasa loob.

Napuno ng katahimikan ang libu-libong estudyante, mga guro at mga bisita na nasa loob.  Sumilip siya ng kaunti mula sa loob ng suot niyang cowl at tiningnan ang mga tao na nakaupo sa mga bleachers. Nakasuot ng puting cloak ang mga tao sa loob. Sa pagpasok nila ay sabay-sabay na nagsitayuan ang mga tao at kinanta ang Academy Hymn. Kani-kanina lang ay alam niyang kasama sana niyang nakaupo ang mga ito roon. Pero dahil sa biglang pagbabago ng ihip ng hangin, heto siya sa baba ng stadium at isa sa mga kalahok sa Coronation nang di niya inaasahan.

"Lissa," tawag ng pamilyar na boses sa likuran niya. Biglang tumalon ang puso ni Verdandi sa kaba. Kilala niya kung sino ito at takot niya lang na malaman ni Azrielle na hindi siya si Lissa.

"Uh-hum," sagot lang niya ngunit di siya lumingon sa kanyang likuran. Sa lahat ng pwede niyang makatabi ay si Azrielle pa talaga. Hindi siya pwedeng mahalata nito.

Naglakad sila papunta sa gitna ng Arena. Ito din ang mismong arena kung saan sila naglaban ni Lamia ilang buwan na ang nakakaraan. Ngunit pakiramdam ni Verdandi, parang ilang buhay rin ang nakalipas mula nang mangyari ang bagay na iyon. At heto siya ngayon, kalahating nangininig sa kanyang ginagawang pagpapanggap.

Ngunit pagpapanggap nga ba ang ginagawa ko? tanong niya sa sarili. Ang alam lang niya ay gusto niyang tulungan si Lissa sa paghahanap nito ng hustisya sa pagkamatay ni Syrius. Iyon lang. Wala siyang ibang hangad kundi ang tulungan ang isang kaibigan. Wala siyang hangarin na maging Queen.

Pinikit niya sandali ang mga mata at nagpakawala ng isang buntong-hininga. Kaya ko 'to, aniya sa sarili.

Nang makarating sila sa gitna ng arena at nagkahiwa-hiwalay ang mga Denominates. Pinapwesto sila sa iba't-ibang bahagi hanggang sa makabuo sila ng isang bilog. Nasa harapan na ni Verdandi si Azrielle ngayon, ngunit ilang metro din ang layo nito mula sa kanya. Sigurado siyang si Azrielle ito dahil ito ang nakasunod sa kanya kanina.

At nasa gitna nila ang umaapoy na Celestial Grail.

"Nostra celestiales Dominus credere en fede cura," panimula ng isang senior priestess na nasa harapan. "Noi pregareccia, sanctus magnificus nome conguidarre mashta regina."

Nagsimula nang magdasal ang priestess. Naghawakan ng kamay ang mga Denominates at pagkatapos ay tinaas nila ang kanilang mga kamay sa ere, na para bang niyayakap nila ang langit. Sabay-sabay din silang yumukod at lumuhod. Alam ni Verdandi anong gagawin dahil itinuro ito sa kanila noong araw na ipinaliwanag sa kanila ang Ceremony of Crowns ng isang priestess. Pagkatapos nilang halikan ang lupa, ay tumayo sila. Sa paniniwala ng mga Atlantian, ang kalangitan ang ama at ang lupa naman ang ina at ginagawa nila ito bilang pagbigay-galang.

Pagkatapos ay isa-isa sila nitong nilapitan. Dala-dala ang isang staff na nilulublob sa engkantadong tubig ay binasbasan sila nito. Isa namang priestess ang lumapit at mula sa mangkok nitong dala na naglalaman ng abo, ay pinapahiran nito ang mga noo ng mga denominates. Nagpatuloy sa pagdadasal ang isang priestess.

Ngayon, ang hinihintay na lang nila ay piliin ng High Priestess. Sa mga priestesses na nandoon, ito ang pinakamatanda. Mula sa pagkakayuko ay sandaling sumulyap si Verdandi mula sa kanyang suot na cowl. Nakita niya ang matanda na dahan-dahang naglalakad papasok sa binuong bilog ng mga denominates. Matagal bago ito nakapasok dahil bukod sa tanda nito, ay nasakop na ng puti ang buong mga mata nito. Hindi na ito nakakakita. Nang nakita siya ng isa pa sa mga priestess na patagong sumisilip habang ang kanyang mga kasama ay taimtim na nakayukod lamang, ibinaba niya ang kanyang tingin at tinitigan na lamang ang sahig.

Biglang kinabahan si Verdandi sa kung anong dahilan. Pero iniling niya ang kanyang ulo ulit at pilit na pinayapa ang sarili.

Ito na, aniya sa sarili na napalunok, mamimili na ang Priestess. Kahit sino siguro 'wag lang sina Lamia at Bridgit.

Mula sa cowl ay muli niyang sinilip ang naglalakad pa ring High Priestess. Nasa gitna na nila ito at dala-dala ang banal nitong staff na may hugis buwan at araw sa itaas. Tinitigan niya ito at medyo nainis dahil nangngawit na ang leeg niya sa kakayuko, at ang tagal nitong dumating. Nang biglang napunta sa kanya ang mata nitong hindi na nakakakita ay napasinghap siya ng konti at dali-daling yumuko ulit.

Sorry na, sorry na! impit na sabi niya sa sarili. Pinikit niya ng mahigpit ang dalawang mga mata na kinakabahan. Di na talaga mauulit! Di na ako titingin.

Ngunit maya-maya pa'y di na siya nakatiis. Di pa ba siya nakakapili? reklamo ng isang bahagi ng isipan niya. Pakiramdam niya na mahuhulog na ang leeg niya sa sobrang pangangalay na nararamdaman. Binuka niya ng pasikreto ang kaliwang mata. Napabuga siya ng hangin. Buti na lang ay hindi na ito nakatingin sa kanya at sa halip ay sa ibang Denominate na ito nakatingin. Mukhang naglalakad na rin ito papunta sa direksyon ni Azrielle.

Yes, aniya sa sarili na palihim na nagdiwang. Sana si Azri na ang mapili. Nang sa ganoon ay maging okay na ang lahat at matapos na ito. Napapikit ulit ng mata si Verdandi. Pakiramdam niya ay bukod sa pangangawit ng leeg ay inaantok na rin siya. Hindi niya alam ilang minuto na kaya siyang nakatayo roon sa kahihintay kung sino sa kanila ang magiging Queen. Syempre hindi naman ako 'yon, sabi ng isang bahagi ng kanyang isip. At talagang naiinip na siya sa kahihintay.

Ambagal naman kasi niyang maglakad, aniya sa sarili, kawawa naman siya. Kahit matanda na, pinapupunta pa rito para pinapapili kung sinong maging Queen. Tsk.

Naghikab si Verdandi ngunit nang maaalala niya kung nasaan siya ay tinago niya iyon. Pilit na tinago. Ang bigat na talaga ng mga mata niya. Kung pwede lang matulog na nakatayo, ginawa na niya.

Ilang minuto na ba ang nakalipas? Umabot na ba ng isang oras? antok na sabi ng isipan niya. Muntik na siyang natumba at buti na lang pinigilan ang sarili. Para di tuluyang makatulog ay nag-isip siya ng kung anu-ano. Kung si Azrielle magiging Queen at mananatili ako dito sa Atlantis ng matagal, ano kayang mangyayari sa'kin? Paano kung sasali ako? Ah, gusto ko naman talagang sumali sa Crown ni Azrielle kung sakali, kung may tsansa ako. Siguro naman papalarin ako. Pero kung makakasali nga ako, halimbawa, bilang Bishop o kahit Pawn man lamang, totoo kaya ang sinasabi nila na ipapakasal ako sa ibang member ng Crown? Paano kung oo? Sino kaya ang ipapakasal sa'kin? Ano na ba
tong naiisip ko.

Inayos ni Verdandi ang sarili dahil kulang na lang ay matumba na siya sa sobrang antok. Mukhang nakaidlip din yata siya ng konti. Binuksan niya ang parehong mga mata at nakita niya ang isang pares ng paa na nakatayo sa mismong harapan niya.

Napakunot-noo siya at tinaas ang paningin. At ang sumalubong sa mga mata niya ay isang daliri na nakaturo sa kanya.

"Ikaw," sabi ng boses ng taong nasa harap niya. Ang High Priestess. "Ikaw. Ikaw ang bagong Reyna ng Academy."

Napakurap si Verdandi. Wala sa sariling napalingon siya sa kanan. Sa kaliwa. At sa likod. Ngunit hindi tuminag ang matanda. Kaya umusog siya ng konti ngunit sumunod lang ang daliri nito sa direksyon ng katawan niya.

"Ano daw?" bulong niya.

"Ikaw daw ang napiling Queen," bulong naman ng katabi niya. Di niya ito kilala. "Tanga ka ba o bingi lang talaga?"

"H-ha? T-teka lang," bulalas niya. Kabado siyang ngumiti. Hinarap niya ulit ang matanda at bahagyang tinaas ang dalawang kamay. "Teka, b-baka nagkakamali lang po kayo--"

"Hindi nagkakamali ang orakulo mula sa kalangitan. Ikaw ang pinipili ng ispirito nito," sabi ng matanda sa kanya. Ngayon lang napansin ni Verdandi na nakangiti ito sa kanya. "Tingnan mo."

Itinaas nito ang daliri. Sinundan naman niya ito ng tingin. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Isang bola ng puting apoy ang lumulutang sa ibabaw ng ulo niya. Mula ang apoy na ito sa Celestial Grail at ngayong nasa kanya na ito nang di niya namamalayan.

"Ikaw ang pinakakalooban ng langit ng basbas nito," mahinahong sabi sa kanya ng matanda. "Ngayon, nararapat lamang na tanggapin mo ito. Hubarin mo na ang iyong kaputsa at ipakita ang iyong mukha, bagong reyna."

Napanganga si Verdandi sa gulat. Hindi siya makagalaw. Hindi naman siguro totoo ang nangyayari ngayon diba? Siguro may pagkakamali lang na nangyari. Gustong magsalita ni Verdandi ngunit sa bilis ng mga pangyayari ay hindi na niya magawa pa.

Isang kawan ng mga kalapati ang tumungo sa direksyon niya. Umatras ng dahan-dahan ang matanda at itinaas nito ang tungkod at ipinatong sa ibabaw ng ulo niya. Lumapit naman ang nagliliparang kalapati at sa tulong ng mga tuka nito, ay hinubad nila ang hood na suot niya.

"T-teka lang--" protesta niya ngunit huli na. Naibaba na ang hood ng cloak niya at nalantad na sa publiko ang mukha niya.

Sa mismong harapan ni Verdandi, ilang metro mula sa kinatatayuan niya, ay kita niya ang pagtaas ng mukha ni Azrielle. Halata sa panlalaki ng mga mata nito ang pagkagulat. Tumakas ang lahat ng kulay sa mukha niya nang magtama ang mukha nila ng matalik na kaibigan.

Umatras ang mga ibang denominates at tinulak siya ng kawan ng mga kalapati papuntang gitna. Umusog naman ang matandang priestess sa harapan niya hanggang sa di na niya makita si Azrielle na nasa likuran nito. Gusto niyang tawagin ito. Nagsimula namang mag-usap-usapan at maghiyawan ang mga tao sa paligid dahil sa wakas ay napili na ang Queen. Panandaliang nataranta si Verdandi sa bilis ng mga pangyayari.

"Anong--" reklamo niya ngunit pinatayo na siya sa gitna ng mga priestesses.

Lumapit ang High Priestess at tulad nga ng sinabi nito, ay binasbasan siya ng matanda. May ibinulong pa itong ibang mga bagay sa kanyang harapan. Nagulat siya nang biglang magbago ang cloak na kanyang suot: naging mas maputi pa ito at nabalutan ng maraming kristal. Sa kamay niya naman ay may lumitaw na isang scepter. Nang tiningnan niya ito ay inakala niyang isa itong buto ng kung anong hayop, ngunit nang pagatitigan itong mabuti ay isa itong mahaba at simpleng patpat na gawa sa purong korales at ivory. Pumalibot naman sa kanya ang mga kalapati at maya-maya pa'y may nabuo sa kanyang ulunan. Una, isa lamang itong simpleng hairband na gawa sa korales, ngunit gamit ang mahika ay tumubo ito at nagkasanga-sanga. Hanggang sa naging isa na itong buong korona na gawa sa korales, at inadornohan ng sari-saring bato gaya ng perlas at jade.

Nang matapos lahat ng ito ay gulong-gulo na napatingin si Verdandi sa paligid. May mga usap-usapan at bulong-bulungan pa rin sa paligid. Sa isang bahagi, ay nakita ni Verdandi ang mga kaklase na gaya niya ay hindi rin makapaniwala sa nangyari. Naiintindihan niya naman kung nalilito din ang mga ito--walang nag-aakala na sasali siya sa Diadem. Napatayo sa gulat sina Emi na nasa itaas. Mukhang mabilis na nag-uusap ito at si Hapi. Galit kaya ang mga ito sa kanya?

Nang may maalala ay hinanap ni Verdandi si Azrielle. Nakatayo pa rin ito roon, pero nakayuko ito. Inabot niya ang kamay dahil gusto niya itong tawagin, at sabihin ditong baka may pagkakamali lang, ngunit tumalikod ito at nagsimulang maglakad.

Azri, piping tawag niya sa kaibigan. Ibinaba niya ang kamay at napayuko. Gusto niyang matunaw sa kinatatayuan pero kahit anong gawin niya ay hindi siya naglalaho sa kinatatayuan niya. Pumikit siya sandali at ikinuyom ang mga kamao.

"'Yan ba ang dapat inaasal ng bagong kinoronahan?" sabi ng boses sa kanyang harapan. "Ang yumuko na para bang nahihiya sa ginawa niya?"

Agad niyang tinaas ang sariling mukha at nakita niya ang kalmadong mga mata ni Azrielle Morrigan sa kanyang harapan. Hinanap niya ang kahit anong ebidensya na galit ito sa ginawa niya o ano, pero wala siyang makita. Ngumiti ito ng kaunti.

"Your Majesty," anito at hinubad ang suot na cloak. Ibinaba nito iyon sa lupa. Ngayon ay nakasuot na lamang ito ng simpleng uniform. Nanlaki naman ang mga mata ni Verdandi at mas lalong umugong ang usap-usapan sa paligid sa sunod na ginawa nito.

Napaatras si Verdandi.

"Nais ko po sanang manumpa bilang Bishop," anito habang nakaluhod sa paanan niya at nakayuko. Pagkatapos ay tumingin ito sa kanya. "Iyon, ay kung pahihintulutan niyo ako. Maaari po ba?"

Hindi naman makapaniwala si Verdandi sa narinig. Noong una ay hindi siya makapagsalita, at napalunok siya. Saka siya tumango.

Muling yumuko si Azrielle. Humangin ng kaunti sa paligid ng arena, habang napuno naman ng katahimikan ang paligid sa pagsisimula ni Azrielle sa panata nito.

"Pakinggan mo ang aking mga salita, at saksihan mo ang aking gagawing panata;
Sa panibagong ikot ng panahon, ng ating itinakdang henerasyon
Manunumpa ako sa inyo, mula sa oras na ito, hanggang sa araw kong huli
Ako ang iyong itinatagong sandata, ang takbuhan ng mga inaapi
Ang laurel sa pagtatapos ng digmaan, ang iyong kapanalunan
Ako ay manunumpa, sa iyo habambuhay ang aking katapatan
Ito ang aking ipinapangako, sa ngalan ng kalangitang nagsusubaybay
Bilang iyong Vescovo, sa'yo iniaaalay ang dangal at buhay."

Natahimik ang buong arena sa pagtatapos ng panata ni Azrielle. Napasulyap siya sandali sa High Priestess at nakita niya ang pagngiti ng matanda. Tumango naman ng marahan si Verdandi at kahit nanginginig pa ng kaunti, ay ipinatong niya ito sa magkabilang balikat ni Azrielle.

"Tinatanggap ko ang iyong panata, Azrielle Morrigan," aniya sa boses na pilit niyang pinatatag. Naalala niya pa naman anong itinuro sa kanila ng priestess. "Bilang pagtanggap, ay m-maaari ka ng humiling at iyon ay ibibigay ko sa iyo sa abot ng aking kapangyarihan."

Matagal bago nagsalita si Azrielle at kinabahan ng kaunti si Verdandi sa ihihiling nito.

"Hinihiling ko," ani Azrielle. "Na ipagpaliban muna ang aking paghiling hanggang sa araw na handa na akong humiling."

Tumango naman si Verdandi bilang pag-intindi. "Naiintindihan ko, at masusunod ang iyong hinihiling," aniya na napalunok pa at pilit tinatago ang kaba. "Ngayon ay tumayo ka bilang bagong unang Vescovo ng Atlantis, Azrielle Morrigan."

Tumayo naman si Azrielle at humarap sa mga taong nagsimula ulit na magbulungan. Ngunit nang makita siya nitong tumayo, ay unti-unting tumahimik din ang mga ito nang makita kung gaano kaseryoso ang mukha nito.

Humugot ng malalim na hininga si Azrielle. At pagkatapos ay nagsalita ito ng buong lakas. "Magbigay-pugay--sa bagong Queen, ng Atlantis Academy!"

Muling natahimik ang buong Coliseum. Hindi naman makapaniwala si Verdandi sa sunod na nangyari. Mula sa pinakamataas na bahagi ng bleachers, hanggang sa mga priestesses na nakatayo sa gitna ng arena, hanggang sa iba pang Denominates, maliban na lang sa iilang taong hindi tuluyang natanggap ang nangyari, at pati na si Azrielle ay dahan-dahang lumuhod sa kanyang harapan, tanda ng paggalang. Nanlaki naman ang mga mata ni Verdandi.

At ang nangyaring iyon sa Coliseum ng Atlantis Academy, ang pagkorona sa isang morgor bilang panibagong Queen ng mga estudyanteng Vascillux ng paaralang iyon, ay magiging mitsa ng sunod-sunod na pangyayari na siyang babago sa takbo ng buong kontinente.

END OF PART III: CEREMONY OF CROWNS

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon