[42] The Priestesses of Hagia Celestia

5.3K 214 78
                                    

EPISODE 42
The Priestesses of Hagia Celestia

Ilang araw ang nakalipas at sa wakas ay dumating na rin ang linggo ng Ceremony of Crowns. Mas maagang nagising ang mga estudyante, kahit di pa man dumadating ang pinakamahalagang bisita ng okasyong 'yon: ang mga priestesses ng templo ng Hagia Celestia, na nagmula pa sa Holy Land na siyang kinaroroonan din ng High Council, Marriesalem, Arcarthena City. Dahil nakasalalay lang naman sa mga ito kung sino ang magiging Queen.

Maaga ding nagising si Verdandi at naghanda na para pumasok. Nang matapos siyang maligo at lumabas na siya mula sa CR ay sinalubong siya ni Emi.

"Pinadala na nila ang espesyal na uniporme na susuotin sa pagdating ng mga Priestesses," anito sa kanya. "Inilagay ko na ang sa'yo roon sa ibabaw ng kama, Binibining Fiametta."

"Ah, sige salamat, Emi," aniya dito na nakangiti. Masaya din itong tumango at siya nang sumunod sa CR. "Teka, si Azri nga pala?"

"Nagpaalam siya at sinabing mauuna na raw siya. Pinapatawag daw siya ni Professor Alderheid. Umuwi pala sandali si Professor Alderheid dito sandali, at babalik din sa Arcarthena City pagkatapos ng seremonyas," pag-iinform nito sa kanya. Tumango na lang siya na napamangha. Medyo excited din siya sa Ceremony ngayong linggo.

Pagkatapos ng pagtatalo nila sa gazebo noong isang araw ay agad din namang nagkabati sina Azrielle at Emi--sa pamimilit na rin ni Verdandi. Nahihiya naman kasing magsalita ng una si Emi kay Azrielle dahil natatakot ito na baka nagalit nito si Azrielle sa pamimilit nito sa huli. Kaya kinausap ni Verdandi si Emi at sinigurado ditong okay lang si Azrielle at di naman talaga ito nagalit. Pero wala naman palang dapat ipag-alala at tinawanan na lang nila ang kaunting di pagkakaintindihan.

Ngunit di naman sumuko na lang basta-basta si Emi at sinubukan pa rin nitong tanungin si Azrielle.

"Kung wala kang balak na maging Queen, Binibining Morrigan, tiyak na mayroon ka ng napipisil na ibang kandidato para roon?"

"Hmmm, meron sana, pero di ko alam kung sasali siya sa Diadem of Denominates," makahulugang sagot naman ni Azrielle.

Ang 'Diadem of Denominates' ay ang grupo ng mga babaeng estudyante na siyang pagpipilian ng mga Priestesses. Hindi pa klaro kay Verdandi paano makakasali sa Diadem, pero tingin niya ay dapat boluntaryo ang pagsali dito.

"Pero, kung ayaw talaga niya, wala na akong magagawa," ani Azrielle na nakangiti. "'Wag mo ng masyadong alalahanin ang magiging Queen, Emi. Mangyayari ang kung anong dapat mangyayari."

Nahiwagaan naman si Verdandi sa sinabing 'yon ni Azrielle noong isang araw. Sino naman kaya ang tinutukoy nito? Habang tumatagal, lalo niyang naiintindihan na masyadong malihim si Azrielle.

Iniling naman ni Verdandi ang kanyang ulo para makapag-isip ng maayos. Binuklat niya ang unipormeng nakasilid pa sa isang plastic at nakahanger pa. Isa itong maputing coat, blue blouse naman sa loob at puting skirt. May winter coat din na kulay puti at may gold and blue linings, at lahat ng ito ay may sigil ng Academy at simbolo ng Hagia Celestia.

Namangha siya sa mabusisi at malakihang paghahanda ng Academy sa pagdating ng mga priestesses. Ayon sa isa pang Morgor-born na kaklase ni Verdandi, ay para daw'ng Santo Papa ang turing ng mga Priest at Priestesses ng Hagia Celestia--ang pinakasentro at kataas-taasang templo sa Atlantis. At banal talaga ang turing sa kanila ng mga taga-Atlantian.

Sabay silang nagpunta ni Emi papunta sa Academy Area. Mula noong umuwi sila mula sa hotspring ay halos araw-araw na kung umulan ng nyebe sa Academy. Medyo makapal din ang mga nyebe sa grounds at ang iba ay gumagawa ng snowman para magpalipas ng oras.  Hinihipan ni Verdandi ang dalawang palad sa sobrang lamig at mas hinigpitan ang hawak sa makapal na cloak.

Di katagalan ay nakita na rin niya ang mga kaibigan nilang lalaki na nasa harap ng kastilyo. Gaya nila ay nakasuot din ito ng puting uniporme at cloak. Nagbabatuhan naman sina Sean at Dardy ng nyebe at si Hapi naman na may traces pa ng snow sa mukha ay tahimik lang na nakaupo sa isang bench. Malaki ang ngiti nito nang makita silang naglalakad papalapit.

"Hapi!" tawag niya sa kaibigan, ngunit muntik na siyang natumba nang tamaan siya sa mukha ng snowball. Asar na nilingon ni Verdandi si Dardy. Tinaas nito ang dalawang naka-gloves na kamay at nag-sorry, pero tumatawa. "'Wag niyo nga akong idamay diyan--ano ba!"

Nilingon niya ang nambato ng snow sa kanya at nakita niya ang gulat na mukha ni Emi. Parang natakot ito nang makita siyang galit. "Gagantihan ko lang naman sana si Dayome, di ko naman sinasadya na--"

Bago pa man nito matapos ang sasabihin ay binato ito ni Sean ng tatlong magkakasabay na bola ng nyebe. May dala itong baseball bat. Ang isa ay tumama pa diretso sa noo ni Verdandi. Asar na in-activate ni Emi ang pana nito at dumampot ng maraming snow. Naging arrows ang mga ito at pinakawalan ito ni Emi sa direksyon ni Sean.

Ginantihan naman ni Verdandi si Dardy ngunit tumakbo ito at sa halip, tumama sa mukha ni Hapi ang nyebeng binato niya hanggang sa nauwi na sa snowball fight ang batuhan nila.

At sa tuwing may kaklase nilang dumadaan at matamaan nila, ay nakikisali na rin ang mga ito. Kahit restricted ang paggamit ng psychus sa labas ng classroom ay may iba pa ring palihim na gumamit nito. Pati mga taga-ibang section ay nakikisali na rin sa snowball war doon.

"Humanda kayo! Storm of Snowballs!" sigaw ng isa sa mga kaklase niyang levitation ang psychus. Pinaulanan sila nito ng mga snowballs habang nakalutang ito at tawa ng tawa. Nagtakbuhan naman ang mga estudyante para maiwasan ang pagpapaulan nito ng nyebe. Ginantihan naman ito ng kaklase niyang may super strength at binato ng higanteng snowball.

Hanggang sa kalagitnaan ng snowball fight, ay pabirong binato ni Hapi si Verdandi ng snowball. Ngunit dahil di naman asintado si Hapi ay mabilis niya itong naiwasan, at tumama ito sa taong nasa likod niya. Nanlaki naman ang mga mata ni Hapi. Tatawa-tawa naman niyang tinanong si Hapi kung bakit bigla na lang itong natakot nang marinig niyang pamilyar na boses sa kanyang likuran.

"Aba, tingnan mo nga naman, nagkakasiyahan ang mga bata."

Natahimik ang lahat at napatingin sa mga bagong dating. Pati si Verdandi ay napalingon. At nakaharap niya, walang iba, kundi si Kaizer King-Croix. Sa likod nito nakasunod, as usual, ang barkada nito.

Pinahid nito snow na tumama sa pisngi nito. Tiningnan sila nito ng malamig. Nakasuot din ito ng espesyal na uniporme gaya nila ngunit may iba pang simbolo o crest na nakatahi sa cloak nito. Isang ginintuang griffin sa kulay pula at puting field. Ang royal sigil ng King-Croix House.

"Tch. Kahit pala may darating na mahalagang bisita mula sa kapitolyo, ay umaakto pa rin kayo na parang mga--" mapang-uyam na sabi nito saka sila tiningnan isa-isa. "Batang wala pa sa tamang pag-iisip. Nakakahiya kung makita kayo ng mga taga-Celestia."

"Darating din ang mga taga-High Council ngayong araw, kaya kung ako sa inyo umayos na kayo bago niyo ipahiya ang buong Academy," susog naman ni Lamia Fray. Gaya ni Kai ay suot din nito ang espesyal na cloak na may nakaburda pang sigil ng Royal House of Fray sa may dibdiban: isang ahas na may katawan ng babae at may dalang jar. Binigyan siya nito ng nakakainsultong ngiti at tiningnan pa mula ulo hanggang paa.

Tinaliman ni Verdandi ito ng tingin. Natahimik din naman ang lahat.

"Tabi," utos nito sa mga estudyante sa harap nito. Nagtabihan naman ang lahat ngunit di tuminag si Verdandi. Nang magkaharap na sila ay tinaasan siya nito ng isang kilay. "Tumabi ka Fiametta."

"Bakit, dahil dadaan ka?" aniya bago pa niya mapigilan ang sarili. Nakagat niya ang sariling labi dahil sa nasabi. Sa tindig at itsura ni Kai, ay nandoon pa rin ang kaba at paminsan-minsang intimidation na nararamdaman niya dito. Ngunit pinilit niyang salubungin ang tingin nito.

"Matuto kang lumugar, Fiametta. Magkaiba pa rin ang estado natin sa buhay kaya matuto kang gumalang. Kaya tumabi ka," anito sa kanya. Binalingan nito sina Hapi at Sean na nasa malayo. "Mayroong Royal Banquet mamayang gabi sa Queen's Hall, Administrations Building. Dadalo halos lahat ng mga Head ng Noble Families kasama na ang mga magulang niyo. Exclusive for Olympians and Nobilities."

Tiningnan ni Verdandi ang dalawa. Kung kanina ay ang lalaki ng mga ngiti nina Sean at Hapi, ngayon ay ang seryoso ng mga ekspresyon ng dalawa.

"Thought you should know," ani Kai ulit na may malisyosong ngiti sa labi. "Tara na."

Gusto man niyang sagutin ito ay pinigilan na niya ang sarili. Ngunit tinabig siya nito pagdaan kaya muntikan na siyang matumba, buti na lang at naitukod niya ang isang paa. Kaya lang, sa pagdaan ni Lamia Fray ay tinuhod siya nito kaya siya tuluyang napaluhod at talagang tumama pa ang tuhod niya sa isang bato. Dinig naman niya ang tawanan ng mga kabarkada nito, at kita niya ang mapang-uyam na tingin nito. Tumayo na lang siya, kuyom-kuyom ang malalamig na kamao habang tinitingnan ang mga ito papalayo.

Estado sa buhay, huh? aniya sa sarili na napayuko. Alam naman niyang di dapat siya magpaapekto sa sinasabi ng mga ito, pero di niya maiwasang makadama ng panliliit sa sarili. Ano nga ba talagang lugar ko dito?

Nagkibit-balikat na lang siya at nakita niyang papalapit si Hapi sa kanya na nagtatanong kung ayos lang ba siya. Tumango lang siya at nagkunwaring tumatawa kahit humahapdi ang sugatan niyang tuhod. Lumapit naman sa kanya ang iba pang kaibigan kabilang na si Emi na ngayon lang nalaman ang munting eksena kasama sina Kai. Di na naman natigil sa pagra-rant ito laban kina Kai.

"Ang tataas din ng tingin talaga nila sa sarili, mga lapastangan! Kung sana si Binibining Morrigan lang ang maging Quee--" ani Emi ngunit pinutol din nito ang sasabihin nang may maalala. Umiling ito. "Ah basta! Kakainin ko ang sarili kong pana bago ako makihalubilo sa mga maharlika sa banquet mamaya!"

"'Wag kang mag-alala, Emi. Papasok kami sa kitchens mamaya para lagyan ng All-Day Lasting Chili Powder ang pagkain nina Kai," ani Dardy sa kanila at nag-apiran pa sila ni Sean. Natawa na lang sila sa pakikinig sa mga plano ng mga itong kalokohan mamaya. Kahit na ganoon ay dasal lang ni Verdandi na di matuloy ang mga pinaplano ng dalawa o kundi ay baka mapahamak lang sila ng tuluyan.

Maya-maya pa'y nakisali na rin sila sa mga libu-libong estudyante na nakapila sa gilid ng kalsada para salubungin ang bisita nila ngayong araw. Dumating na rin si Azrielle na may baong pagkain para sa kanilang lahat, kaya kumakain sila roon habang nakatayo at hinihintay ang pagdating ng mga Priestesses. Nakita sila ni Professor de Aulish at sinita kaya tinago nila ang pagkain.

At nang dumating ang eksaktong alas-nuwebe ng umaga, ay nagsimula ng pumarada ang entourage. Unang dumaan ang mga nagmamartsang hukbo ng sundalo ng Atlantis. May suot itong mahabang sumbrero at mabusising mga unipormeng kulay royal blue, black at white, may mga sukbit na sandata at ang iba ay may mga dalang mga flags at sigils.

Mga mamahaling at magagandang sasakyan ang dumaan muna sa harap nila. Mula sa kinatatayuan ni Verdandi ay tiningnan niya ang mga nakasakay sa loob ng mga ito. May isang sasakyan ang dumaan at sa tinted nitong glasses ay nakababa ng kaunti ay nakita niya ang isang babaeng nasa 40 na ang edad ngunit napakaganda pa rin nito at mukha pang mas bata. Pamilyar ang mukha nito: itim na buhok, asul na asul na mga mata, at aristokrata.

Mukhang naramdaman yata nito na titig na titig siya dito at napalingon ito sa kanya. Nasamid tuloy siya at inisip na iiwas ang tingin--ngunit tumitig din ito sa kanya kaya nagkasalubong ang mga mata nila.

Noong una ay wala namang kakaiba kaya para mawala ang awkwardness ay ngumiti siya dito. Ngunit nanlaki lang ang mga mata nito, at mas binaba pa ang salamin para tingnan siya ng maigi. Rekognasyon--'yon ang nababasa niya sa mata ng aristokratang babae.

Ngunit binaba lang ng anino ng katabi nitong lalaki ang salamin kaya dumaan na lang ang sasakyan sa harap nilang lahat hanggang sa mawala na ito sa paningin ni Verdandi.

Sino kaya ang babaeng 'yon? aniya sa sarili.

"Kilala mo ba siya, Verdandi?" tanong ni Azrielle sa tabi niya. Umiling naman siya at sinabing nagtataka nga siya kung bakit ganoon na lang makatitig ang misteryosang babae.

Tinanong naman niya si Azrielle kung kilala niya ba ito at tumango ito.

"Medyo," anito naman na nagkibit-balikat. "Minsan ko lang siya nakita eh. Sa picture. Noong naglilinis ako sa archives room ng Academy. Siya si Elliana Stoneheart King-Croix."

"King-Croix?" aniya naman na nanlaki ang mga mata. "Y-you mean--?"

Tumango naman si Azrielle na nangingiti. "Oo. At 'yung lalaking katabi niya si one-and-only Agamemnon King-Corix, ang pinakamakapangyarihang maharlika ngayon sa High Council."

"Tama ba ang pagkakaintindi ko na ang High Council ang nagsisilbing--pinakamataas na gobyerno, hukuman at konseho ng buong Atlantis?" aniya naman. Tumango ulit si Azrielle. Binaling naman niya ang tingin ulit sa kalsada kung saan dumadaan pa rin ang iba pang mga sasakyan. Siya pala ang mama ni Kai. Kaya pala pamilyar ang mukha niya, kasi halos magkamukha silang dalawa, aniya sa isip. Kilala niya kaya ako?

Dumaan pa ang ibang mga sasakyan at nakita din ni Verdandi si Professor Alderheid at Professor Ruvia sa isang sasakyan. Kumaway sila dito at kumaway naman pabalik ang huli sa kanila. Hanggang sa isang kakaibang sasakyan na ang paparating sa kanila.

Dumunghal ang mga estudyante para makita ang mga ito. Isa itong mahabang open-air na karwahe kung saan nakaupo ang isandosenang taong may suot na hooded cloak na kulay puti at pula. Pinapatakbo ito ng isang uri ng kabayong mukhang unicorn kay Verdandi, ngunit may pakpak. Pegacorn? aniya sa sarili na natawa ng kaunti.

Pero di pa rin niya mapigilang mapamangha sa pagdaan ng mga ito. Ang mga Priestesses,  aniya sa isip habang sinusundan ng tingin ang karwahe ng mga ito. Dinig niya ang dasal at mahinang awitin mula sa karwahe ng mga ito. Sa gilid ay nakikisabay naman ang mga maliliit na nilalang na mukhang dragon, at mga mapuputing ibon.

"O, kayong mga mortal, matakot! Magimbal, mayanig, manghilakbot! Magsisi, magdasal, magmakaawa. Bago matunaw ang yaong orasang gawa sa kandila!"

Nagsipaglingunan naman silang mga estudyante sa isang babaeng nakasunod sa karwahe ng mga Priestesses. Dumunghal pa silang lalo para makita kung sino 'yon, at nakita nga nila ito. Kung gaano karangal tingnan ang mga ito, ganoon naman kahabag-habag tingnan ang babaeng nakasunod sa kanila. Nakapaa ito lang, magulo ang buhok, pulos puti ang mga mata, at gutay-gutay ang kulay itim nitong balabal na suot. Bulag yata ito, at maraming sugat-sugat sa katawan.

"Ugh," reklamo ng mga kaklase ni Verdandi nang dumaan ito sa harap nila. Pati siya ay napatakip ng ilong sa lakas ng amoy nito.

"Sinasalubong, sinasalubong, mga banal kong kapatid; kayo, kayo, mga mortal na sala'y nanlilimahid!" sigaw nito sa kanila.

"Aba, kung makapagsalita ito ah," bwelta naman ng isang estudyante at natawa pa ang iba. Nilapitan nito ang estudyanteng 'yon, ngunit ngunit tumawa lang ito, at tumakbo para habulin ang karwahe ng mga priestesses.

"Sino ba 'yun?" tanong niya kay Azrielle nang makaalis na ang babae. Tinanggal naman ni Azrielle ang sipit ng sampayan na nakalagay sa ilong nito bago magsalita.

"Si Teresang Bulag," ani Azrielle. "Pagkakaalam ko, isa siyang dating Priestess, pero di ko alam kung bakit naalis siya sa kanila at nagkaganyan. Ang sabi nila, sinumpa daw siya ng langit. Tuwing dumadating ang mga Priestesses, sinusundan niya ang karwahe nila at--nagsasasabi ng kung anu-anong propesiya."

Nang matapos naman ang mahabang paradang 'yon ay bumalik na sila sa Academy Area para simulan ang klase noong araw na 'yon. May mga subjects pa rin silang kailangang kailangang klasehan kahit may mga bisita sila noong araw na 'yon. Ngunit hindi masyadong nakakapakinig ng maayos si Verdandi sa klase sa dami ng mga bagay na pumapasok sa isipan niya.

Ngayong nandito na ang mga Priestesses, ay sa wakas mapipili na rin ang Queen pagkatapos ng tatlong araw. Habang tumatagal ay pati si Verdandi ay nahahawa na rin sa kaba at antisipasyon ng ibang taga-Academy sa kung sino ang mapipili. Sino naman kaya sa kanila ang magiging Queen?

Napatingin siya kay Azrielle na pasikretong natutulog sa desk nito habang nagkaklase si Professor Poppies. Ilang araw bago nagtalo si Azrielle at si Emi ay pansin niya ang kaunting pag-iiba ng ugali nito. Mas lalo itong tumahimik at parang balisa. Noong gabi naman matapos iyon, ay mas tumindi pa. Palagi na lang itong wala sa dorms at napansin niya minsan na maaga itong umaalis at matagal kung dumating. May libro din itong palaging dala-dala. At nang minsan siyang mapasilip sa kung anong binabasa nito, ay nakita niyang parang isa itong uri ng listahan. At hindi lang basta-basta listahan, mukha itong record book ng lahat ng mga naging Crown Members ng nakalipas na Ceremony.

Para saan kaya ang librong 'yon? takang-tanong niya sa sarili. Minsan din parang may dinodrawing ito na kung ano sa isang malapad na parchment paper. Hula niya ay gumagawa ito ng family tree. Pero family tree para saan? Para kanino?

Nang mahuli siya nitong nakatingin minsan sa ginagawa nito ay pasimple siya nitong kinausap habang nakangiti, at para bang nakalimutan niya ang iniisip niya at nadala siya sa kwentuhan.

At sa isang iglap, naitago na nito ang ginagawa.

Sa kanilang lahat, nahihiwagaan pa rin siya sa mga kinikilos ni Azrielle. Bukod sa di ito palakwento tungkol sa sarili, masyado itong masikreto. May kung ano talaga kay Azrielle Morrigan na pinagtataka niya. May tinatago ba si Azrielle? aniya sa sarili. Kahit sino ang tanungin niya, tinuturing talaga nilang isa si Azrielle sa pinakamalakas niyang kaklase. May pinaplano ito, pero ano? Hindi naman lingid sa kaalaman niya ang pagkadisgusto nito sa pangkat nina Kai at ramdam niyang ayaw din nitong sila ang makakuha ng mga posisyon sa Crown. Pero sa kinikilos nito, ay parang wala itong pakialam kung sino ang mananalo bilang Queen.

Napabuntong-hininga siya. Sana naman magbago ang isip nito sa huling minuto.

Marahang lumagapak ang ulo ni Azrielle sa desk at tuluyan nang nakatulog. Napaigtad naman si Verdandi nang makita 'yon. O baka naman nag-iisip lang ako ng sobra? aniya na naiiling.

Isa pang bumabagabag sa isip niya ay ang reaksyon ng nanay ni Kai nang makita siya. Putlang-putla ito nang makita siya. At may kung ano sa mga mata nito na isang ekspresyon na di niya mabasa. Napailing siya. Ang weird naman ng mga tao ngayon. Baka naman pinagsusumbong na ako ni Kai sa mama niya, aniya sa sarili bigla. Baka kung anu-ano nang sinasabi niya dun.

Bigla siyang may na-imagine.

'Ina! Alam mo ba na may nakilala akong isang morgor (ah hindi niya nga pala alam na isa akong morgor) na nakakainis! Nakakainis talaga siya! Kung makaasta ang Morgor na ito ay akala niya'y kabilang siya sa aming lipunan, at galing lang naman siya sa isang mababang pamilya na walang pera at walang maipantustos sa pag-aaral niya. Ngunit kung siya'y makasagot-sagot sa akin ay akala niya'y magkapantay kami? Sinampal niya nga pala ako, Ina! Namaga ang pisngi ko sa lakas ng sampal niya! Ito nga pala ang kanyang litrato. Hinihiling ko na siya'y bitayin sa bisa ng batas ng ating kaharian--'

Napalunok si Verdandi sa posibilidad na 'yon. Kung ganoon, nanganganib ang buhay ko ngayon! aniya sa sarili na napasulyap ng konti kay Kai. Ngunit nang babawiin na niya ang tingin, ay sakto naman itong sumulyap din sa kanya.

Nagkatinginan sila sa mata. Ramdam niya ang intensity ng titig nito na para bang mangunguryente ito. Pero sa halip ay bigla na lang itong ngumiti.

Eh? Or more like, ngumisi.

"A-anong problema mo?" bulalas niya bigla. Ngunit patuloy lang ito sa pagngisi ng nakakatakot at nilapit pa ang mukha. Halos isang pulgada na lang ang lapit ng mga mata nila. "O-oy, K-king Croix, ano bang--"

"Wala, Fiametta. At kung ako nga sa'yo, dadahan-dahanin ko ang  pagbanggit ng pangalan ko ng walang titulo. Lord King Croix, Fiametta, learn to say my name correctly, commoner," walang gatol na sabi nito. "Tingnan mo ang ibang estudyante sa paligid mo. Alam nila kung paano gumalang sa isang nobility at mga taong mas mataas pa sa kanila. Ikaw nga ang pinakamahina sa grupo niyo eh. I suggest you do the same, o ikaw lang din ang mapapahamak sa kamaladitahan mo."

Bigla namang uminit ang dugo niya. Mas lalong lumapad ang ngisi nito na iniinis pa siyang lalo. Pero alam niyang mas lalo siyang mapapahamak kung papatulan niya ang pang-iinis nito. Alam niyang pino-provoke lang siya nito. At di na siya magpapadala sa emosyon niya.

Kaya mula sa ilalim ng desk ay bigla niyang hinablot ang kanyang kamay. Agad na napaatras si Kai na nanlaki ang mga mata.

"A-anong gagawin mo--?"

Tiningnan niya ito ng may pokerfaced expression. "Wala. Kinuha ko lang ang ballpen ko, milord," patuya naman niyang sagot dito. Tinaas niya ang kamay. "Naabala ba kita? Pasensya na po, Lord King-Croix."

Hindi ito nakasagot. Hmp, kala niya sasampalin ko siya no? aniya sa sarili na nagpipigil ngumiti at nagsimulang na nagsulat sa parchment. Sinulyapan naman niya si Osiris sa tabi niya na marahang napailing.

"Pinagkakatuwaan niyo ba akong dalawa, huh?" inis na sabi nito. Pero umiling lang siya at di naman ito pinansin ni Osiris. Bumalik na naman ang nakakainsultong ngiti nito. "Tch. Tingnan lang natin kung makakaganyan pa kayong dalawa, sa mga susunod na araw."

Kung ano mang ibigsabihin ni Kai ay di na niya iyon masyadong inisip. Buong araw ang naririnig na lang ni Verdandi na bukambibig ng mga estudyante ay ang tungkol sa Royal Banquet mamayang gabi. Halos lahat ng mga kaibigan niya at mga kaklase ay makakapunta roon, maliban sa kanya.

Habang nasa loob siya kanina ng isang cubicle sa CR ay pumasok naman sina Lamia, Bridgit at ang isa pang kaibigan nitong si Eurynne na nag-uusap tungkol dito.

"Ah, nakita mo ba ang golden gown na pinadala sa'kin ni Mama kanina, Bridgit?" ani Lamia sa labas ng pinto. "Aw, Bridgit, ang saya ko talaga. She really knows all of my favorites. Plus she also sent me that diamond and ruby necklace, that one we saw in Madam Au's collection? Kahit kahihingi ko pa lang sa kanya last day, binili niya agad! What about you?"

"You will look stunning tonight, I bet," singit naman ng boses-palakang si Eurynne. "Kai's parents will see you tonight, and they will love to see you in that dress Lamia. Of course, you are their future daughter in law, right?"

Tumili pa si Eurynne at natawa naman si Lamia ng mahinhin. Verdandi just mentally rolled her eyes.

"Hmp, kahit gaano pa kaganda ang susuotin ko mamaya, sa tingin ko masasayang lang din naman," singit ng boses ni Bridgit. "Ako din naman pinapili ni Daddy anong susuotin ko mamaya. But--ugh. You know who my escort is, right?"

Nag-uh-huh pa ang dalawang babae.

"He's so stupid I can even visualize na kahit now pa lang na matatapunan niya ako ng drinks mamaya!" gigil na sabi ni Bridgit. "He's so sooo clumsy I can't--I just can't--ugh! I hope he won't trip later or make a scene or I'll really slap that big stupid head of his'! Tanga na nga, lampa pa, bobo pa. Bakit ba kasi ako kailangan makipagbutihan sa taong 'yun? If only Daddy let Kuya be my escort--and not that stupid redhead na uhugin at iyakin!"

Hinigpitan ni Verdandi ang hawak sa handle sa tabi niya. Hindi na niya kailangan pang hulaan sino ang tinutukoy ni Bridgit. Inayos niya ang sarili para lumabas na para di na niya marinig pa ang daldalan ng tatlong babae at baka di na siya makapagpigil.

Nasa gitna ng hagikgikan ang mga ito nang buksan niya ang pinto. Natigilan sila at napatingin sa kanya. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito at pumunta na sa lababo para maghugas ng kamay.

"Hi Verdandi," matamis na bati ni Lamia. Tumango lang siya pero di niya sinagot ang bati ng mga ito. "I'm just wondering--my susuotin ka na ba mamaya sa Royal Banquet?"

Di siya sumagot. Siguro naman alam na ng mga 'to na hindi siya kasali.

"Kasi kung wala pa, pwede naman kitang pahiramin eh," anito sa mala-anghel pa rin na boses. "Okay lang talaga. 'Wag ka na mahiya. Pumunta ka lang sa dorm room mamaya. Pero okay lang ba sa'yo kung medyo--luma na?"

Natawa si Eurynne sa likod nito.

"Ano ka ba Lamia," singit naman ni Bridgit. "Even if you dress her with the best gown in the world or give her the most expensive jewelry you have, she will still look the same. Hindi na magbabago ang itsura niya."

Isa na lang talaga at magkakagulo na dito, aniya sa isip na nagtagis na ang mga ngipin.

"You're a meanie, Bridgit!" sagot naman ni Lamia na natawa ng kaunti. "Hindi naman siya ganoon--kapangit ah? I have the best stylist in the world Verdandi. We can help you later with the preparations, just ask me, sweetie."

Lihim siyang napabuga ng hangin at sumagot na rin. "Hindi, sa inyo na 'yan. Mukhang kayo naman ang kailangan ng matinding make-over eh, inside and out," matabang na sabi niya. Hindi agad nakasagot ang tatlo at tiningnan niya ito ng diretso sa salamin. "Hindi ko kailangan 'yan."

"Oh? Are you sure, Verdandi? I'm being generous to you, y'know, tapos ganyan ka makasagot sa akin?" sagot ni Lamia na nag-fake sigh pa.

Pero natutop din nito ang bibig na parang nagulat. Napatingin siya dito na nagtataka.

"Oh, that's right! I remember, hindi ka nga pala invited sa Royal Banquet mamaya! Oh how silly of me," tatawa-tawa pang sabi ni Lamia. Pati ang dalawang magandang bruha ay nakitawa siya. "Pasensya na talaga Verdandi, kung nasaktan ko ang feelings mo, ha? It really slipped my mind that unlike your friends, you're not invited there."

Nagtawanan ang tatlo. Pabalwa niyang sinara ang faucet. Ang sarap lang sagutin ng tatlo ngunit, naunahan na siya ng mga ito at naghagikgikang umalis na. Kaya ilang oras talaga siyang inis na inis. Pinakalma niya na lang ang sarili sa pamamagitan ng pagtili ng kaunti para lang mailabas ang inis na nararamdaman.

Mabilis na sumapit ang hapon. Nagmamadaling umuwi sa dorms ang mga kaibigan niya.

"Pasensya ka na talaga Dandi," sabi naman ni Hapi na nalulungkot para sa kanya.

Nasa dorm room sila ng mga babae, lingid na naman sa kaalaman ng iba. Inaayos nito ang suot na tuxedo ngunit hindi pa rin ito marunong magtali ng necktie. "Gusto ka talaga kitang isama doon, pero binigyan na nila ako ng escort eh. Gusto kitang ipakilala kay Lola. Dandi, sorry talaga. Kung pwede lang di ako pumunta eh."

"Ano ka ba, okay lang 'yun," aniya na napangiti dito. "Halika nga dito. Aayusin ko ang necktie mo. Sino bang escort mo?"

Namula naman ito bigla at naalala na ni Verdandi sino. Inayos naman ni Verdandi ang damit nito. Ang gwapong bata talaga o, aniya sa sarili habang pinagmamasdan si Hapi.

"S-si Bridgit," kiming sagot naman nito. Napairap na lang si Verdandi ng pabiro.

"Kung aawayin ka ng bruhang 'yon, sumbong mo sa'kin ha?" aniya dito. Para namang may magagawa ka laban sa kanila, sita naman ng isang boses sa isip niya. Eh wala ka ngang kapangyarihan haha.

"Dandi hon, pang-mother material ka pala no," tukso na naman sa kanya ng boses ni Sean. Nilingon niya ito. Tapos na pala itong mag-ayos. Naka-slicked back ang buhok nito at nakasuot din ng tuxedo. "You look like a proud mother sa ating bebe Hapi."

"Tumigil ka," aniya naman dito. Tumawa lang ito. "At ikaw po, sino pong nagtiis para maging escort mo ngayong gabi?"

Ngumiti ito ng pilyo. "You'll be surprised."

Mula sa make-shift dressing room nila ay may lumipad na piraso ng armor at tumama kay Sean. "Ah, pasensya na. Nadulas ang kamay ko," sabi naman ng boses ni Azrielle mula sa loob. Natawa naman si Verdandi ng malakas. First time niya sigurong makikita si Azrielle na naka-ball gown. Isa pa itong boyish gaya ni Emi eh, kaya siguro nagkasundo ang dalawa.

"Natatae pala ako, di na lang ako pupunta," sabi naman nito mula sa loob.

"Labas ka na nga, malapit nang magsimula o," aniya. Naglakad papalapit doon si Verdandi. "Halika na. Labas ka na, 'wag ka na mag-inarte. Labas, Azri--"

Nahihiya itong lumabas mula sa loob at binigyan naman ito ng malawak na ngiti ni Verdandi.

"Alam ko namang hindi ako bagay magsuot ng ganito eh," tahimik na sabi naman nito. Mas lalong lumawak ang ngiti ni Verdandi hanggang sa matawa na siya. Ngayon lang niya nakita ang isa pang side ni Azrielle--shy and nervous.

"Ang cute mo Azri, haha," anito sa kaibigan. Nagmamaktol naman itong umupo sa isang silya at sinundot ang ilong. "'Oy! 'Wag mong gagawin 'yan doon sa Banquet. Tsaka bakit ka ba nahihiya? Ang ganda mo nga eh."

"Tumigil ka," walang gana nitong sabi. Nagtawanan lang silang lahat maliban kay Azrielle. Dahil medyo nahihirapan ito sa pag-aayos ay tinulungan ito ni Verdandi. Pagkatapos niyon ay tinulungan naman niya ito sa ballgown at mga dadalhin nito kahit tumatanggi ito. Maya-maya pa'y napatingin ito sa kanya. "Anong gagawin mo habang wala kami, Verdandi? Sigurado ka bang okay ka lang dito? Pwede naman naming--"

"Ano ba kayo, okay nga lang ako dito," sabi niya. "Tsaka para sa mga Olympians at Nobilities ang gabing ito. Hindi ako pwede doon. Masyado lang yata kayong nag-aalala para sa akin. Tsaka nandiyan naman si Emi at Dardy eh, magsasabay na lang kaming kakain mamaya. Sige na, pumunta na kayo."

Nagpaaalam na ang mga kaibigan niya at naiwan siya doon sa dorm room. Nagbasa-basa na muna siya ng mga libro doon habang hinihintay sina Emi at Dardy. Nang dumating si Dardy, ay masaya niya itong sinalubong.

"Nakaalis na ba sila, wifey?" tanong nito sa kanya. May dala-dala itong supot. Hula niya ay mga damit at--armor? Tumango naman siya at sinabing kanina pa. Tinanong naman niya ito kung nakita ba nito si Emi. "Oo eh, si Professor Ravisolli ang kasama niya. Pupunta sila sa Banquet Dinner ng sabay."

"Ah, ganoon ba?" aniya na nadismaya ng konti. Nakalimutan niyang Olympian din pala si Emi, at natural lang na ang kapareha ng Artemei na kagaya nito ay isang Apollei na kagaya ni Professor Ravisolli. "Eh ikaw, mukhang nagmamadali ka? P-pupunta ka rin ba doon?"

"Oo eh. Tawag ng tungkulin," anito sa kanya. "Ngayon lang ako nasabihan na may formation pala ang mga knights ng order namin ngayong gabi. Tutulong kami sa pagbabantay ng premises. Pasensya na talaga, wifey ha? Gusto ko kasi talaga masolo ka ngayong gabi--ang ibig kong sabihin, sabay tayong kumain mamaya pero--"

"Okay lang," aniya dito na napilitang ngumiti. Mamaya-maya pa'y umalis na rin si Dardy at siya na lang naiwan doon. Hinintay niya ng ilang minuto sina Syberria at Ghost Girl na bumalik sa dorm room, pero naalala niyang mga Olympians nga din pala ang mga ito. Kaya nang sumapit na rin ang dilim sa labas ng kanilang mataas at malapad na bintana, ay mag-isa na lang doon si Verdandi.

Sinara niya ang aklat na binabasa at binuksan ang ilaw. For the first time, ramdam niya ang pag-iisa doon sa kwartong 'yon na palaging maingay. Nagbuntong-hininga siya.

Ngayon lang niya napagtanto ng buo na, magkaiba nga pala talaga sila ng estado sa buhay ng kanyang mga kaibigan. Ang layo pala talaga niya sa mga ito.

Inaliw na lang niya ang kanyang sarili sa pagbabasa at pagtititingin sa mga textbooks doon. Pero maya-maya pa'y nalulungkot na rin siya kaya naisipan niyang buksan ang bintana ngunit sinalubong lang siya ng malamig na hangin kaya sinara na lang niya 'yon na nanginginig. Lumabas na lang siya ng dorm room para pumunta na lang sa Dining Hall para maghapunan. Di na lang niya hihintayin dalhin ang pagkain sa dorm nila dahil nagugutom na din naman siya.

Paglabas niya sa kwarto ay pansin niyang kaunti lang ang mga taong naglalakad-lakad doon. Nasaan kaya ang iba? aniya sa sarili. Baka naman may sarili din silang dinner o kung anuman, at mga lower class student lang ang nandito ngayon.

Pumunta siya sa Dining Hall na kakaunti lang ang tao. Natukso pa siyang hanapin si Osiris pero naalala naman niya agad na syempre, nasa Banquet din pala ito. May kausap ba kaya ito doon? aniya sa sarili. O nagmumukmok lang? Natawa na lang siya nang maalala ito. Sana naman ayos lang ito.

Kumain siya nang mag-isa doon sa isang bakanteng mesa. Pati ang mga mesa sa paligid niya ay bakante din. Di niya maiwasang makadama ng lungkot.

Pagkatapos kumain ay naglalakad-lakad siya sa courtyard ng kastilyo. Halos wala na siyang nakikitang palakad-lakad sa paligid maliban sa iilang estudyante. At mga gwardyang nakaantabay na galing sa High Council.

Napagpasyahan niyang pumunta na lang sa library sandali para magpalipas ng oras, nang makasalubong niya si Rummstein sa isang hallway.

"Oy, Verdana! Este, Verusca? O Veronica?" bati nito sa kanya na tawa ng tawa. Pinanliitan niya ito ng mata. "Pasensya na, nakalimutan ko talaga ang pangalan mo, Viviana? Venice?"

"Verdandi ang pangalan ko, Verdandi!" pagpapaalala niya dito. Tiningnan niya ang vascillux ni Dionysus na mukhang palaging lasing o baka totong lasing talaga. "Tsk, ano bang ginagawa mo dito? Tsaka--teka, dapat nasa Banquet ka diba?"

"Ah, 'yon ba? Ha-ha," anito na natatawa at ginulo ang kulot na buhok. "Uhm, marami akong nainom kanina eh. Nalasing ako, tas, nakatulog. Paggising ko, ayun, gumabi na. Naku, pagagalitan na naman ako ni Lissa nito. Tsk, tsk."

"Buti alam mo. Palagi mo na lang pinapag-alala si Lissa eh," bulong niya dito at nagpatiuna nang maglakad. Iniwan niya ito doon na nakahawak sa pader para di matumba. "Tsaka detention aabutin mo niyan, tsong, kung di ka titino."

"Teka, oy! Saan ka pupunta?" habol nito sa kanya. Nakalabas na ulit sila sa courtyard, papalabas sa grounds malapit sa lake.

"Uuwi na ako sa dorms," aniya naman nang di na ito nililingon.

"Haaah? Nang ganito kaaga?" reklamo naman nito. Napairap na lang siya. "Oy, samahan mo muna ako. Ang lungkot eh, ako lang mag-isa o. Sige na, gusto mo ilibre kita sa hotspring--?"

Pinamulahan siya at nilingon ito.

"Siraulo!" Binilisan niya ang paglalakad.

Napagtanto naman nito na mukhang mali ang nasabi kaya nagbackpedal ito. "Ah, kahit saan mo gusto, pero isama mo na ako. Nakakalungkot kasi eh."

"Aliwin mo na lang ang sarili mo," aniya dito. Nakapasok na siya sa kalyehong nasa ilalim ng mga puno ng oak papunta sa dorms.

"A-aliwin ko ang sarili ko?" anito na sa pilyong tono. Napa-facepalm na lang siya nang ma-realize na double meaning pala ang sinabi niya. "Di pwede eh. Malulungkot lang akong lalo. Magmumukha akong baliw."

Tumigil ito sa paglalakad. Na-curious ay sinulyapan niya ito.

"'Hello, Rummstein, nice to meet you po! Ako nga pala si Steinrumm," anito na ginamit ang kamay para kausapin ang sarili. Tumingin ito sa kanya na nag-puppy eyes pa.

Kahit ayaw niya ay natawa siya at naawa na rin dito. "Mukha ka ngang baliw. Halika na," aniya dito at para itong masayang bata na sumunod sa kanya.

Sa loob ng ilang minuto ay naglalakad-lakad lang sila nang wala naman talagang patutunguhan. Naaalala ni Verdandi si Lissa kaya kinamusta niya ito.

"Ah, ayos lang naman. Ganoon pa rin. Gusto ka nga niyang puntahan doon sa classroom niyo. Sa tingin ko nga gustong-gusto ka nun," anito naman. Natanong niya naman bakit di ito ang naging escort ni Lissa. "Si Lissa diba ang Queen noong nakaraang leap year? Kaya kailangan talaga ang presensya niya doon kasi bale, siya ang magsisilbing maghahand-down ng korona sa bagong Queen. Expected din mamaya na tatanungin siya ng mga nobles kung sino ang susuportahan niyang maging Queen."

Tumango lang siya. Marami pa silang pinagusapan ni Rummstein. Wala naman silang masyadong ginagawa maliban sa paglalakad-lakad kahit saan. Memoryadong-memoryado nito ang lugar, at para itong nagsilbing tour guide nila. Panay din ang pagbitiw nito ng corny jokes na kahit papaano'y havey naman. Tawa siya nang tawa hanggang sa nakasalubong nila maya-maya si Professor Sen.

Sumeryoso bigla si Rummstein nang makita ito. Pati na si Verdandi.

"Magandang gabi sa inyo," nakangiting bati nito sa kanilang dalawa. Kahit ang lapad ng ngiti nito ay may kung ano pa rin kay Professor Sen na ayaw ni Verdandi. Unang kita niya palang dito doon sa Ministry of Education's Building ay parang--wala siyang tiwala dito.

Mukhang ganoon din si Rummstein.

"Magandang gabi din, Professor," walang gana ngunit pormal na bati nilang dalawa.

"Bakit kayo nandito sa labas, at naglalakad ng kayo lang? Malamig din, di man lang kayo nagsuot ng cloak. Mapanganib maglalabas-labas sa mga panahong ito, alam niyo 'yun," makahulugang sabi ni Professor Sen. Nakangiti pa rin ito pero blangko ang mga mata nito. Silang tatlo lang ang nandoon, pero kinikilabutan si Verdandi kapag nasa malapit ang taong ito. Sinulyapan nito si Rummstein. "Mr. Rummstein, hindi ba't dapat nasa Royal Banquet ka ngayon? Hindi matutuwa si Professor Steravnosky at ang mga panauhin roon kung di ka nila makita roon. Naroon halos lahat ng Olympian Vascilluxes--maliban sa'yo."

Nakapamulsa si Rummstein at tiningnan si Professor Sen ng mata sa mata.

"Ah, nakatulog po kasi ako, Prof, ngayon lang ako nagising. Tsaka, late na rin naman kung pupunta pa ako doon, diba?" diretsahang sabi ni Rummstein. "At, sinasamahan ko po 'tong tropa ko dito, ayoko naman siyang maiwang mag-isa eh--"

"Ano ka ba, hindi pa pormal na nagsisimula ang Banquet doon, at kasalukuyang nagsasayawan na muna ang mga bisita. Kaya nga ako lumabas. Maaari ka pang dumalo roon," anito sa kanila. Habang tumatagal ay mas lalong pakiramdam ni Verdandi ay kailangan na nilang umalis doon. Kinalabit niya si Rummstein pero natigilan siya sa sunod na sinabi ni Professor Sen. "At, itong binibining kasama mo, maaari mo naman siyang isama roon, bilang escort mo."

Tiningnan naman siya nito at nginitian. "Hindi ba, Miss Fiametta? Sino ba namang hindi gustong pumunta sa Banquet na kagaya niyon. Kung saan kahit doon man lang, mapapabilang ka sa alta sociedad."

Parang nainsulto siya sa sinabi nito kaya napasalubong ang kilay niya. "H-hindi ko naman--"

"Ah, Professor Sen, pasensya na talaga," ani Rummstein at hinawakan nito ang braso niya. "Inaantok na po talaga ako eh. Una na po kami--"

Nanlaki ang mga mata nila nang mahinahong inilagay ni Professor Sen ang relos nito sa may baba niya at nagsalita. "Babalik din ako diyan, Professors. May ginagawa lang ako," sabi naman niya sa relo. May boses na nagsalita mula roon. Telepono ba ito? aniya sa sarili. "At pakisabi na rin kay Professor Steravnosky na mukhang hahabol riyan si Mr. Rummstein at ang kanyang escort, kaya pakibuksan na lang sa security ang pinto para makapasok sila. Salamat. Maraming salamat."

Pinindot nito ang button sa relos nito at binalik ang tingin sa kanila. "They'll be expecting you soon. You should better get ready," anito sa kanila. "Mauna na ako sa inyo. Kita na lang tayo roon. Take care, both of you."

Bago pa man sila makaprotesta ay mabilis na nawala si Professor Sen sa paningin nila, papunta marahil sa Academy Area. Naiwan sila doon na natigagal.

"Bwisit! Gago talaga ang Sen na 'yon!" mura ni Rummstein na sinipa ang pinakamalapit na bench na gawa sa bakal. Sa sobrang lakas ay nabunot 'yon mula sa lupa at napatilapon sa ere, papunta sa malayo. "Gago siya, may oras talaga ang gagong 'yon sa akin eh!"

"Rummstein..." aniya.

"Wala talaga akong pakialam kung anong sasabihin sa akin ng mga bwisit na taga-High Council na 'yan eh. Lahat ng mga pesteng maharlikang 'yan--eh maano sa'kin kung makapangyarihan sila huh?" pumupuyos na sabi ni Rummstein. "Ang di ko lang matanggap, dinamay ka pa niya dito. Bwisit siya. Shit! Bakit ba kasi di ako nakatanggi agad?"

"Kumalma ka lang," aniya dito. "Pwede naman sigurong di tayo pumunta doon, diba? Tsaka, tingnan mo nga ang ayos natin o--syempre naman wala na tayong oras makapaghanda kaya siguro naman di na nila mamamasamain na di ka pupunta doon."

Dumilim ang mukha ni Rummstein at naikuyom ang kamao. "Hindi mo kilala ang taga-High Council, Verdandi."

"A-anong ibig mong sabihin?" aniya na biglang nagtaka sa tono ng pananalita doon.

"Sa oras na sinabi nilang dapat mong gawin ang isang bagay, gagawin mo," anito habang nakatingin sa malayo. "O kung hindi, tatanawin nila 'yon bilang pagsuway sa utos. At di mo magugustuhan ang gagawin nila. Dahil sa ginawa ng Sen na 'yon, alam na nilang eto lang ako naglalakad-lakad at walang balak na pumasok doon. Gago, gago talaga."

Naramdaman niya ang paglakas ng malamig na hangin at ang pagdilim ng kalangitan. Pinagmasdan niya ang determinadong mukha ni Rummstein. "Kung ganoon, anong plano mo?" tanong niya kahit kinakabahan siya sa magiging sagot nito.

"Bibili tayo ng damit. Mag-aayos ka," anito sa kanya at tiningnan siya ng diretso sa mata. Napalunok siya. "Pupunta tayo sa Royal Banquet, ngayon mismo."

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon