[75] The Only Way Out

3.3K 106 41
                                    

EPISODE 75 BU
The Only Way Out

Kanina pa malakas ang hangin at madilim ang kalangitan, pero para yatang nagpipigil ang bagyo na dumating o baka naman talaga wala lang itong kasamang ulan. Kumikislap ang ningas ng mga lampara at sulo sa pasilyong nasa labas ng selda. Kahit nga ang mga gwardya sa labas ay tumungko na at namaluktot sa sobrang lamig ng panahon.

Nakita nilang balot ni Azrielle ang sarili ng suot nitong manipis na school cloak. Gumagalaw pa ito maya't-maya kaya lang ay parang nahihirapan ata itong makatulog dahil sa sobrang lamig. Habang ang mga gwardya naman ay nakaupo rin sa labas ng rehas, balot ng cloak at kumot, na mukhang nakatulog na sa kababantay nila sa nag-iisang bihag sa loob ng selda.

"Kung alam lang natin na natutulog lang pala ang mga 'yan eh di sana di na tayo naghirap na magcosplay bilang mga daga," ani Dardy. "Pst. Oy. Hindi pa ba tayo papasok? Konting galaw lang ni Hapi dito mahuhulog na tayong lahat."

Naramdaman naman ni Verdandi ang paggalaw nina Hapi at Dardy sa tabi niya, kaya naman mas kumapit siyang mabuti sa rehas ng maliit na bintanang kinaroroonan nila.

"'Wag nga kayong magalaw," sita sa mga ito. "Baka pati ako mahulog na rin sa kakasiksik niyo. Dardy!"

Kahit di naman sila maririnig o maintindihan ng mga nasa loob dahil nasa anyong daga sila, hininaan niya pa rin ang boses. Baka ay biglang magising ang mga gwardya dahil sa ingay na ginagawa nila.

Tumigil naman ang mga ito sa paggagalaw kahit dahan-dahan pa ring dumudutdot si Hapi papunta sa kanya.

Sa likod naman nila ay mataas na ang buwan. Natatakpan man ito ng makakapal na ulap na nagbabadya ng ulan, ay para bang sinisikap nito na tumagos ang liwanag nito para umabot sa mga taong nasa ibaba.

Naroon sila ngayon sa labas ng selda ni Azrielle. Nakatayo sila sa makipot na semento sa labas ng maliit na bintanang de rehas. Nasa pinakamataas na tore ito dinala, at sa oras na madulas sila ay ang matarik na ibaba ang kababagsakan nila.

"Mabuti na rin 'to, dahil kahit tulog na ang mga 'yan, panigurado marami pa ring bantay sa baba ng Administration's Building," ani Rummstein naman sa kanan niya. "Lalo pa't wala si Steravnosky para i-monitor ang galaw ng mga estudyante."

"Tsk," puna naman ni Dardy. "At kinulong nila dito si Azri dahil lang siya ang huling kasama nito? Di dapat inilagay na nila dito ang lahat ng mga taong huling kasama noong mga dinukot at nawawalang estudyante. Namimili naman sila eh."

"'Wag mong kakalimutan na ikaw ang huling kasama ni Sean Starkomir," ani Rummstein. "Pasalamat ka na lang at di ka nila inilagay diyan."

"Magkaiba 'yon," depensa naman ni Dardy. "Tsaka kung hindi ako pinatakas ni Sean baka isa na rin ako sa nawawala ngayon."

"'Yon na nga. Magkaiba ang sitwasyon niyo," ani Rummstein. "Hindi gaya niyo, hindi magkaibigan sina Steravnosky at Morrigan. Ilang beses niyo na ring nakabangga si Steravnosky. At isa pa, hindi mo sila masisisi kung naghihinala sila. Nakita nila si Morrigan sa silid ni Stervanosky na hinahalungkat ang mga gamit doon."

"Hindi pa ba talaga tayo papasok?" ani Dardy. "Oy, PB?"

"H-huh?" ani Verdandi na napalingon dito.

Kanina pa kasi siya nakatitig kay Azrielle na nakatungko lang sa isang gilid, habang nakayuko at tinatakpan ng cloak ang mukha. Hindi niya alam kung tulog ba ito o gising dahil kanina pa ito hindi gumagalaw sa kinaroroonan nito.

"Hindi tayo pwedeng basta-bastang pumasok doon dahil pwedeng magising ang mga gwardya anumang oras," sabi ni Verdandi. "Siguraduhin muna natin na hindi sila makakapansin na pumasok tayo."

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon