[67] Voices

2.5K 104 23
                                    

EPISODE 67
Voices



Patuloy pa rin ang paghila ng taong pinaniniwalaan nilang si Kai sa katawan ng isa pa. Or at least, 'yon ang iniisip nila sa tunog ng dumadausdos na mabigat na bagay at dumudurog sa mga tuyong dahon at sanga sa ilalim. Pagkatapos ay muling tumahimik. Mukhang humahangin din sa paligid kaya nababalot ng kung anong tunog ang listening wax. Pagkatapos ay nakarinig sila ng pagaspas ng pakpak ng isang hayop.



Halos puro hangin na lang ang naririnig nila. Nagpatuloy ng ganoon sa loob ng ilang minuto hanggang sa mistulang parang lumapag ang hayop. May mga sumunod na tunog na hanggang sa hula na lang ang magagawa nina Verdandi. Maaaring sa mga oras na 'yon ay binaba na nito mula sa pagkakasakay sa hayop ang hula nila'y walang malay nang si Enrico. Hanggang sa muling bumalik ang tunog ng paghila ng katawan. Doon napakunot-noo si Hapi.



"Bakit niya hinihila si Enrico? Bakit hindi na lang niya kinarga?" anito. Ngunit tumahimik din ito at nagpatuloy sa pakikinig. Isang malaking pinto ang binuksan, at mukhang nagpatuloy sa paghila si Kai kay Enrico. Ngunit sa yabag na naririnig nila at sa impact nito sa kahoy ay hula nila'y sahig na ang tinatapakan ni Kai.



Nagpatuloy ang paglalakad. Hanggang sa may bagay ulit na binuksan, at sumara. Pinto, ani Verdandi. Muling nagpatuloy ang yabag at pagdausdos ng katawan. Ngunit hindi na tunog kahoy ang tinatapakan nila.



"Semento," ani Rummstein naman. "O baka naman bato?"



Tumagal ng maraming minuto na 'yon lang ang naririnig nila. Hila, dausdos, yabag. Hila, dausdos, yabag. May mga pagkakataong tumitigil ito na para bang nagpapahinga, at nagpatuloy ulit.



Hila, dausdos, yabag.



Nakarinig sila ng pagpihit ng seradura. Ng pagpukpok. At sari-sari pang tunog na di na nila marekognisa. Hanggang sa isa na namang bagay ang bumukas. Isang malalim, at mabagal na langitngit ng isang pinto.



May bumagsak.



Meron na namang mga tunog na para bang naglalakad si Kai habang hinihila si Enrico. Tumagal ng halos kalahating oras din 'yon. Halos inaantok na si Verdandi sa kahihintay kung anong susunod na mangyari. Hanggang sa di nagtagal, isang panibagong tunog na naman ang naririnig nila.



Lagaslas ng tubig.



May parang hinila sa tubig. Isang malaking bagay at hinihila ito papalapit sa kinaroroonan ni Enrico. Pagkatapos ay katahimikan na naman, maliban sa tunog ng tubig at mga patak na nagmumula yata sa itaas. May bumagsak na namang mabigat na bagay, at tunog kahoy ang kinabagsakan nito. Saka naman may tumapak sa kahoy at umupo malapit kay Enrico. Muling tumunog ang katawan ng tubig na para bang inaanod ito ng isang bagay. At doon lang napagtanto ni Verdandi na maaaring sakay na ang dalawa ng isang bangka.



Rinig naman ni Verdandi ang pagsagwan ni Kai sa tubig. Tumagal din 'yon ng maraming minuto. Nahahaluan lang ito ng ibang tunog, ngunit ang nangingibabaw ay ang tunog ng tubig na dinadaanan ng mga ito. Hinahawi ang tubig ng sagwan, at may tumutulo naman mula sa itaas.



Kung may tubig mula sa baba, ani Verdandi na napakagat-labi. At may tubig sa itaas. Anong klaseng lugar ang dinadaanan nila?



Mahirap magpakasiguro dahil halo-halong tunog ang naririnig nila. Pinipilit ngang inihihiwalay at iniintindi ni Verdandi ang bawat tunog na naririnig niya, maging ang tunog ng pagbangga ng isang mabigat na bagay laban sa kahoy--na siya namang sinasakyang bangka ng mga ito.



Nanlaki naman ang mga mata niya at napaawang ang bibig. Ngunit imbes na magsalita para sabihin ang naisip sa mga kasama ay nagpatuloy siya sa pakikinig. Mamaya na nila pag-uusapan ang mga nadiskubre at mga haka-haka nila.

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon