[41] The Vascillux of Dionysus

5.5K 191 70
                                    

EPISODE 41
The Vascillux of Dionysus

Napatingala si Verdandi nang makarating sila sa sinasabing hot spring nina Sean at Dardy. Akala niya ay nagbibiro lang ito dahil naisip niyang imposible talagang magkaroon ng hot spring sa loob ng Academy. Pero totoo pala talaga.

Isa itong may kalakihang, rectangular na building na nakatayo sa pusod ng kakahuyan, sa likod ng Greenhouse 6. Gawa pa ito sa bricks, adobe at halata na ang kalumaan nito dahil ang dati nitong off-white na color, ay nagmumukha ng khaki ngayon. May mga nakatanim sa mga palmera at mga niyog sa mga gilid nito, may maliit na fountain sa gitna at mukha tuloy itong isang villa sa loob ng eskwelahan. Or rather, isang inland resort.

"Pasok na tayo, hon? Naghihintay na ang kwarto natin sa loob--at ang mainit na langit," bulong sa kanya ni Sean. Sinamaan naman niya ito ng tingin at hinila pababa ang matangos nitong ilong. "A-ah--! Ang ibig kong sabihin naghihintay na sa loob ang h-hot spring. Ang hot spring. Ma--init--'yon."

Marahas niya itong binitawan at naglakad na papasok sa loob. Tawa lang ng tawa si Dardy at si Hapi nama'y nagbuntong-hininga lang. Nakasuot ang mga lalaki ng maluluwang na t-shirt. Habang siya ay nakasuot lang ng sleeveless na damit at shorts. May kanya-kanya silang dalang bag na naglalaman ng mga kailangan nila.

Pumasok sila sa pa-arko nitong pinto at ramdam na ni Verdandi ang maginhawa at mainit na aroma mula sa loob. Binati naman sila ng maliit pero matabang taga-bantay roon na nakasuot pa ng turban. Tinanong niya si Hapi kung bakit may ganitong establishimento sa loob.

"Ginawa kasi talaga ito para sa mga bisita ng Academy, pero kung walang bisita pinapayagan nila ang mga estudyante na gumamit dito," paliwanag ni Hapi. "Pero hindi sa lahat ng estudyante makaka-access nito."

Lumapit sila sa counter. "Magandang araw po, mga ginoo at binibini," nakangiting pagbati ng matabang lalaki. Napapintag naman si Verdandi dahil ang tinis at dulas ng boses nito. Kinumpas  nito ang kamay sa harap nila. "Pakibigay po ang inyong mga passes, mga ginoo at binibini. At maaari na kayong pumasok sa loob."

Nagulat naman si Verdandi. "P-passes? Bakit may passes? P-pero--"

Sinimangutan naman siya ng lalaki. Parang nag-iba bigla ang pakikitungo nito sa kanila. May sasabihin na sana ito ngunit marahang tinapik nina Sean at Dardy si Hapi.

"Ah--ah! Aaah, l-libre ko silang lahat," sabi ni Hapi na mukhang kinakabahan. "A-ang sabi ng lola ko, nagpareserve daw siya dito at maaari a-akong pumunta dito at mga kaibigan ko kahit anong oras. S-si Lady Andromache, ng Vallarya."

Tiningnan naman ng matabang lalaki ang isang napakakapal at lumang libro na may naka-engrave sa cover na 'Reservations, Appointments and all other Stuff'. Masusi nitong hinanap ang pangalan nila sa mga pinaglumaang pages. Ang iba nga ay naninilaw na, at ang iba ay naging kulay brown na sa kalumaan. Napakunot-noo si Verdandi. Gaano na ba katanda ang paliguang ito?

"Ah, nakita ko na. Lady--Maria Elizabeth Andromache de Rozancroiz Conissier, Protector of the East Atlantis, Heir of Eork, Q-q-queen of Vallarya, I-Inglesor--" Namutla naman ito ng konti pagkatapos basahin ang pangalan ng lola ni Hapi. Pati si Verdandi ay napalunok at napasulyap sa kaibigan na kiming nakatayo lang sa gitna nila. Tiningnan naman sila ng matabang lalaki at bumalik na ulit ang ngiti at sigla nito na nawala sandali. "Ah, pasensya na, pasensya na sa inasal ko Prince Inglesor. Maaari na kayong pumasok sa loob."

Sinamahan naman sila ng nagbabantay papunta sa paliguan. Napatingin si Verdandi sa mga dekorasyon ng pasilyong dinadaanan nila. May mga lumang tapestries ulit na nakakabit sa pader na gawa sa adobe bricks at mga bato. Sa itaas ay may mga nakaguhit na mga ancient patterns at designs: square spirals na parang nagmumukhang alon. Mukhang gawa din sa marmol ang sahig na nilalakaran nila. Napalunok ulit si Verdandi. Iba na talaga ang mayaman, aniya sa sarili at tinuon ang sarili sa paglalakad.

Ang bango dito, sabi naman niya na nilanghap ang amoy ng rosas at myrrh sa hangin. Nakakahiya naman dito. Pero minsan lang 'to, kaya sunggaban na.

"Ah, Hapi?" untag niya kay Hapi nang may maalala bigla. Nilingon naman siya ng kaibigang may pulang buhok. "Kailangan ba talagang maging mayaman ka o galing sa isang royal family para m-makapasok dito?"

"Hindi naman," sabi ni Hapi. "Kailangan lang na maging First Class o Second Class student ka para maka-access ka dito. Isa sa mga rewards na binibigay iyon na binibigay sa mga estudyante dito. Once to twice a month ang makukuha na passes dito, pero tanging mga First Class students lang ang pwedeng magsama ng iba."

"Talaga?" aniya na na-disappoint ng konti. "Ang lungkot naman. Pero di ko alam na may Class system pala ang Academy. Ilang Classes ba meron?"

"Tatlo. At halos lahat ng mga estudyante nasa Third Class. Ang iba naman, Second Class. At kokonti lang ang nasa First Class. Bawat Classes may kanya-kayang rewards at pribilehiyo kang makukuha. Bawat Class naman ay nahahati sa mga levels, at bawat Trimesters pwedeng umakyat o bumaba ang level mo," sagot naman ni Hapi. Ngumiti naman ito sa kanya. "Second Class ako, pati sina Sean at Dardy kaya di namin pwedeng magamit ang reward na 'yon kasi iisang passes lang ang maibibigay."

"Ah," aniya at tumango na lang. Parang alam na ni Verdandi anong Class siya nabibilang kahit di niya pa tingnan ang Handbook niya. "Eh sina Emi at Azrielle?"

"Si Emi, Second Class, Level A," ani Hapi. "Pero kaunti na lang ang kulang at aakyat na siya sa Third Class. Si--Azrielle naman, First Class student. Level S."

"Whoa, iba talaga si Azri no?" ani Verdandi naman. "Di na nakapagtataka siya ang pinipilit ni Emi na maging Queen. Eh may iba pa bang First Class na classmate natin?"

Tumango si Hapi. "Oo. Si K-kai, pati na rin si Grimmcaster. Si Lamia Fray. At pati na rin si Sebastien--kasi kahit nalaglag siya sa Top Honors, consistent naman ang grades niya. Maliban na lang noong huling dalawang taon namin, h-hindi na masyado."

"Ah, ang saya siguro mapunta sa First Class o kahit Second Class man lang, andaming libre," nakangiting sabi ni Verdandi. Ngumiti lang din si Hapi sa kanya. "Susubukan kong umakyat ng Class Level. Sana naman maging okay ang grades ko ngayong unang trimester."

Nang makarating na sila sa paliguan ay naghiwalay na sila. Magkaiba kasi ang paliguan ng mga lalaki at babae. Medyo maingay nga lang ang hotspring doon sa side ng mga lalaki, at mukhang maraming okupante doon.

"Nasa kabilang bahagi lang kami ng pader, Verdandi," sabi naman ni Dardy sa kanya. Ngumisi ito sa kanya. "Kung sakaling naghahanap ka ng kasama, pwede ka namang umakyat sa pader o kami ang aakyat sa inyo--"

Binatukan niya ang lalaki. "May mainit na tubig sa loob. Gusto mo bang ilublob kita sa sabaw, Dardy? Ang sasabaw ng hirit niyo ni Sean," aniya sa dalawa. Tumawa lang ang mga ito at napailing lang si Hapi. Kailan ba titigil ang dalawang ito sa pag-aalaska sa kanya? Kung ang ibang babae siguro madadala sa mga biro ng dalawang ugok na ito, siya hindi. At dahil hindi, kaya mas lalong kampante ang mga itong biruin siya.

"Diyan na nga kayo!" aniya sa dalawa. Si Hapi na lang ang nilapitan niya. "Hapi, salamat dito sa libre mo ah. Buti ka pa, ang bait mo talaga--di gaya ng dalawa diyan!"

Nang nagpaalam na ang tatlo sa kanya ay siya naman ang pumasok sa liguan ng mga babae. Hinubad niya ang tsinelas at sa pagpasok niya ay sinalubong siya ng mainit-init at nakakaginhawang singaw mula sa spring. Maluwang ang espasyo sa loob at malaki-laki ang parisukat na pool. Sa isang gilid, malayu-layo sa pool, ay nakahilera ang mga kabinet na gawa sa kahoy. Naroon nakalagay ang mga tuwalya, pang-scrub, mga extrang damit at kung anu-ano pa.

Wala siyang nakitang ibang babae roon.

"Aba, solo ko ang lugar?" aniya sa sarili. Nanlabi siya. "Sayang naman at wala sina Azrielle at Emi."

Nilagay niya ang mga gamit sa isang bangko doon. Hinubad niya ang lahat ng kanyang damit at binati naman ang kanyang balat ng mainit na hangin mula sa tubig. Medyo naiilang pa siyang maglakad doon na walang kahit anong suot.

First time niya sa isang public bath, at wala talaga siyang ideya anong gagawin doon. Siguro lulublob lang naman ako diba? aniya sa sarili na nagsisi ng kaunti na wala man lang napagtanungan. Ah, pero mas awkward pala kung magtatanong ako, bawi naman niya sa isip, magmumukha yata akong engot. At tutuksuhin na naman ako ng dalawang 'yon. Bahala na nga.

Nagpunas na muna siya sa isang maliit na banyo roon para maglinis ng katawan. Saka siya naglakad papunta sa isang may kalakihang pool at nilublob ang paa ng dahan-dahan. Maligamgam ang tubig ngunit kaya naman, kaya dahan-dahan siyang lumublob sa tubig. At nang umabot na sa leegan niya ang tubig ay saka na siya nag-relax.

Ang sarap sa pakiramdam, aniya sa sarili. Sinandal niya ang ulo sa haligi ng pool at hinayaan ang mainit-init na tubig na lumukob sa katawan niya. Pwede akong makatulog dito.

Habang naroroon ay naisip niya ulit sina Azrielle at Emi. Unang beses niyang nakitang nagkaroon ng seryosong pagtatalo sa loob ng grupo nila. Napagtanto din niyang--hindi pa pala niya ganoon kakilala ang mga kaibigan. Tama sila, ano nga bang alam ko sa mundong ginagalawan nila? aniya sa sarili na nasaktan ng kaunti. Ilang buwan pa lang ako dito. At kakaunti pa lang ang bagay na alam ko tungkol sa kanila--at sa mundong ito.

Naisip din niya paano nga kaya kung magtatagal siya dito. Paano kung hindi na ako makauwi sa mundo ng mga Morgor kahit kailan? tanong ulit niya sa sarili habang pinagmamasdan ang kisame. Gaano kaya katagal bago ako masanay dito?

Ibang-iba ang buhay nila kaysa sa buhay na kinagisnan niya. Sa pinanggalingan niya, walang mga taong tinatawag na prinsipe at prinsesa. Wala siyang alam tungkol sa diplomasya sa pagitan ng mga bansa. Minsan, di alam ni Verdandi kung saan ilulugar ang sarili niya.

Pakiramdam niya, naiipit pa rin siya sa dalawang mundo.

Pinikit niya ang mga mata, ngunit maya-maya pa'y nagmulat din siya. At patuloy na pinagmasdan ang bilugang kisame. Magagandang larawan ang nakapinta dito--ngunit antigo na at may mga bitak na. Pamilyar sa kanya ang larawan kaya tinitigan niya itong mabuti. Ang Aegis ni Achilles, aniya nang maalala ito. Ito 'yung mga larawang nakapinta sa shield ni Achilles noong lumaban siya sa digmaan ng Troy. At sa gitna nito ay bust ng isang magandang babae, na parang gumagabay sa mga kababaihang naliligo roon.

Di nagtagal ay may kakaiba siyang nakita sa kisame. May mga guhit roon na mga letra na mukhang hindi natural sa mismong painting. Para bang--ginuhit o sinulat lang ito roon kamakailan.

Tumayo siya ng kaunti para maaninag ang nakasulat doon. Binasa niya ito.

"King Syrius Stoneheart was here, lovely ladies," basa niya. "King? Syirus Stoneheart? May lalaki bang nakapasok dito--?"

Kasasabi niya pa lang ng mga salitang iyon nang biglang may bumulaga mula sa ilalim ng tubig. Napasigaw si Verdandi at muntik nang nadulas--buti na lang nakahawak siya sa isang haligi roon na nababalutan ng vines. Napanganga siya nang makitang isang walang malay na babae ang--nakadapa sa tubig! Nakalutang ito at hindi gumagalaw!

"P-p-p-p-p-patay--? T-tu-tulong!" nagpapanic niyang sigaw. Nakalublob pa rin sa tubig ang mukha ng babae, at pinagmasdan ni Verdandi ng mabuti ang tubig at baka pumula ito. Ngunit nanatili lang ang kulay nito--at wala namang nangyari sa loob ng ilang minuto.

Nang bigla na lang itong bumangon.

"Aaaaaahhh!/ Arrrghhh--haaaaagh--" tili ni Verdandi, ngunit sumabay naman ang paghikab nito. Napaatras siya at napaupo sa sahig, ngunit tumayo lang ang babae at patuloy na naghikab. Inunat pa nito ang dalawang pormadong braso at ngumiti. Nang mahimasmasan ito ay napamulat ito ng mga mata at tumingin sa kanya.

"A-anong ginagawa mo dito?" gulat nitong tanong. Napaatras din ito.

Habang siya naman ay pinulot ang pinakamalapit na batong panglinis para depensahan ang sarili kung sakali.

"Ikaw nga ang dapat kong tanungin niyan eh!" tili niya na napaiyak ng kaunti sa gulat. "A-anong nangyari sa'yo? At sino ka? Bakit--bakit ka nawalan ng malay sa tubig? O baka naman patay ka na na biglang nabuhay! Bigla ka na lang sumulpot eh!"

Maang lang na nakatingin ang magandang babae sa kanya. Ngunit maya-maya pa'y tumawa lang ito ng mahinhin. "Ah, ganoon ba? Sorry. Mukhang nakatulog yata ako."

Siya naman ang napamaang dito. Binaba naman niya ang batong hawak at tiningnan ito ng masama. "Nakatulog? Paano ka biglang nakatulog ng ganyan? Dito? At ilang minuto ka na sa ilalim ng tubig na mainit pa, nakakamatay 'yun, alam mo ba? Buti nga nabuhay ka pa!"

Tumawa lang ulit ito at kinumpas ang kamay sa direksyon niya. "Ah-hah, ang cute mo naman magalit. Pasensya na kung pinag-alala kita. Madalas kasi talaga akong nakakatulog kahit saan nang di ko namamalayan--pero so far hindi pa naman ako napapahamak ng sobra, aha-aha-ha!"

Baliw yata ang babaeng ito, aniya sa sarili. Sayang maganda pa naman.

"I-ikaw, anong ginagawa mo dito?" anito naman. Piniga nito ang mahaba at alun-alon na buhok. Parehong kulay brown ang mga mata at buhok nito, at mukha itong anghel sa lupa. Mukha siyang isang Brazillian model o actress na napapanood niya dati sa mga teleseryeng pang-hapon noon. Iniling ni Verdandi ang ulo. Hindi naman siya nato-tomboy, pero mukhang mas maganda pa ang babaeng ito kaysa sa mga primadonang sina Bridgit at Lamia. Joke.

Nahiya naman siya nang makita ang maganda nitong pigura. Nakakahiya namang tumabi sa babaeng ito, aniya sa sarili. Ang ganda talaga niya.

"Naliligo din ako dito," aniya na natutuksong idagdag ang salitang 'malamang'. "Di ko naman alam na may iba pa palang tao dito bukod sa akin."

Umupo ito sa isang gilid ng pool malapit sa kanya.

"Pasensya na talaga kung nagulat kita ha," tatawa-tawang sabi ng babae. Mukha naman itong mabait--pero may kung ano ditong pinagtataka ni Verdandi. Para bang medyo wala ito sa sarili. Naalala niya tuloy si Lissa, ang third year student na babaeng kaibigan yata ni Rummstein na mukhang palaging nininerbyos. "Ikaw lang ba mag-isa? Wala ka bang kasama?"

"May kasama naman ako, pero nandoon sila sa kabila," sagot naman niya. Tumango naman ang kausap niya na mukhang naintindihan ang gusto niyang sabihin.

Bigla itong ngumisi. Isang ngisi na mukhang may balak na hindi maganda.

"Talaga? Narinig kong, punuan daw ang males' pool ngayon. Interesting," pabulong na sabi naman nito sa kanya. Napataas ito ng kilay. Napangisi ito na para bang may binabalak itong hindi maganda. Napa-alerto tuloy si Verdandi na baka may gawin itong di masama. Hindi naman siguro niya planong--

"Kaya pala may mga naglalakas loob na tumawid mula doon papunta dito!" pasigaw na sabi nito at mabilis na dinampot ang isang batong panlinis. Lumipad ito mula roon papunta sa isang ulo na nakasilip sa ibabaw ng pader. Napadaing naman ang di-kilalang lalaki at natumba ito. May nagsigawan naman sa kabilang pader at hula niya'y may iba ring nagtatangkang manilip doon.

"Subukan lang nila ulit at paduduguin kong lalo ang mga ilong nila," anito pa.

Napamaang na lang si Verdandi sa natuklasan. Napatingin naman siya ulit sa babaeng kasama na prenteng nakaupo sa gilid ng pool. Ang cool niya, bulong niya sa sarili.

"P-pasensya na, sa sinabi mo, akala ko kasi--"

"Plano kong manilip sa males' quarters?" diretsahang sabi nito sa kanya. Tumawa lang ito ng malakas. "Swerte lang nila no! Alam mo ba kung bakit kokonti na lang ang babaeng naliligo dito? Dahil kasi sa mga 'yan."

"Kaya natatakot na silang maligo dito, dahil sa mga mambobosong 'yun. Kaya pala," pagsang-ayon naman ni Verdandi. "Madalas ka ba rito?"

"Oo. Ako at ang mga kaibigan ko. Pero ngayon, ako na lang ang pumupunta dito," anito sa matigas na boses. Ang astig talaga niya, ani Verdandi na lalo pang humahanga dito. "Ikaw, unang beses mo dito, no?"

Nahihiya siyang tumango. "Oo eh," amin niya. "Ang lungkot palang mag-isa dito. Buti na lang may kasama ako--pero di ko naman akala na manggagaling siya sa ilalim ng tubig."

Tumawa lang ulit ang babae at gamit ang kamay nito ay kinumpas nito ang isang kahong nakapatong sa bangko. Pinitik nito ang mga daliri. "Summoneris!"

Sa isang iglap ay lumipad ito papunta sa gilid ng pool, at sa tabi ng babae. Binuksan nito iyon at nakita ni Verdandi na nag-uumapaw ito sa grapes na kulay berde, lila at pula. Kumuha ito ng isang palumpong at sinubo nito iyon.

"Kumuha ka," imbita nito sa kanya. Nag-alangan pa siya dahil sa hiya ngunit tiningnan lang siya nito ng seryoso. "Sige na, 'wag ka ng mahiya. Magtatampo ako sa'yo kapag hindi ka kumain."

"A-ah, s-salamat," aniya at kumuha ng tatlong ubas. Pero nag-insist ito ng kunin niya ang isang buong kumpol ng berdeng ubas. Kaya kinuha na lang niya iyon at nagsimulang kumain. Napamangha naman siya.

"Ang sarap naman nito! Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong kasarap na grapes," aniya sa dito. "Pasensya na sa pagtatanong, pero saan mo nabili mo ang mga 'to?"

Nagtaas ito ng isang kilay.

"Hindi ka makakabili ng ganyang ubas, kahit saan."

"B-bakit naman hindi?"

"Dahil ako mismo ang nagtanim at umani niyan," anito sa kanya. "Tinatanim ko 'yan dito sa loob ng Academy, doon sa Greenhouse. Special permission galing kay tandang Poppies--ah. A-ang ibig kong sabihin, kay Professor Poppies."

Napatawa na lang siya sa pagkadulas nito. Sa kabila ng mala-anghel nitong itsura, may tinatago palang ka-pilyahan ang babaeng ito. Patunay na rin siguro ang elaborate na tattoo ng ahas na nakapulupot sa isang pinecone staff sa isang braso nito.

Nagpatuloy sila sa usapan ng babae. Kahit saan-saan pa napupunta ang usapan nila hanggang sa naubos na rin nila ang mga ubas at di na niya kayang kumain pa. Medyo nahihilo na nga siya sa dami ng kinain niya. Hanggang sa napunta ang usapan nila sa Ceremony of Crowns.

Nagtaka naman siya nang biglang dumilim ang mukha nito.

"Hmp, eh wala namang nagawang maganda ang bagay na iyan eh," anito sa kanya sa mapaklang tono. Humigpit naman ang hawak nito sa huling kumpol ng ubas na kinakain nito.

"Bakit naman?" tanong niya. Tiningnan naman siya nito at agad namang dinipensahan ni Verdandi ang sarili. Napataas naman siya ng kamay. "A-ah, pasensya na. L-lumaki kasi ako sa Morgor World, kaya di ko naman alam masyado, ahahahahaha--"

Natahimik ito sandali sa sinabi niya. Nag-alala tuloy si Verdandi at baka nagalit niya ito. Ngunit ngumiti lang ito at napailing. "Ang cute mo, gusto kita."

Eh? takang-tanong naman niya dito ngunit tumawa lang ito ng konti. Natawa na lang din siya kahit hindi niya alam bakit ito napatawa.

Maya-maya pa'y umahon na rin sila sa tubig at nagsimula nang maglinis ng katawan. Nagpalit na rin siya ng damit doon pagkatapos niyang punasan ang buhok at katawan. Pagkatapos ay hinanda na niya ang gamit para umalis na. Doon na lang niya hihintayin sa labas sina Hapi.

Sumabay na rin sa kanya sa paglabas ang babae. Sa paglabas nila ay nakita niyang nandoon na sa lobby ang mga kaibigang lalaki.

"O? Kanina pa ba kayo natapos?" sabi ni Verdandi sa kanila. Sinalubong naman siya ng tatlo. Napansin naman niyang mukhang may nakain yatang masama ang receptionist na lalaki at matalim ang tingin sa mga kaibigan niya. "Anong nangyari?"

"Napaaway kasi kami eh," nakangising sabi ni Sean. Napasulyap naman ito sa kasama niyang babae at sabay kindat. Sikretong napailing si Verdandi. Di na nagbago ang malanding ito.
"Ha? Bakit? Paano nangyari iyon?" gitla naman niyang sabi.

"N-nagkasuntukan sila sa loob. May mga estudyante galing sa upper years kasi ang nanilip sa ladies' pool," sumbong ni Hapi. "Sinita nina Sean, kaya nagalit sila tsaka tuluyan na silang nag-away doon.

"Ano?"

"Syempre naman, di namin hahayaang may gawin silang masama sa aming bunsong si Verdandi, 'no. At sa isa pang lady na kasama niya. Itataya namin ang aming dangal para maprotektahan kayo," sabi naman ni Dardy. Napailing na lang siya na napapangiti. Alam niyang kahit parang maloko magsalita ang dalawa, di naman nito tinotooo ang mga 'yon.

Sakto namang may dumaang isang lalaki sa tabi nila. May benda ito sa ulo at pamilyar kay Verdandi. Ito 'yung lalaking nanilip kanina na binato ng babaeng kasama niya. Nang makita nito at ng mga kasama nitong iba pa sina Sean at Dardy na masamang nakatingin sa mga lalaki, ay namutla ang mga ito at nagmamadaling umalis.

"Kaya lang, dahil sa nangyari, kailangan na muna naming pumunta sa opisina ni Professor Stegosaurus--Steravnosky pala, para magbigay ng report sa nangyari. Naunahan na kasi kami ng may-ari na magsumbong," nangingiting sabi ni Sean. "Kaya, mauna ka na lang muna sa dorms, ha? Kita tayo mamaya, darling. At--"

Lumapit ito sa kanya at bumulong. "Paki-hingi ako ng pangalan at section ng hottie na kasama mo, ha? Pero loyal pa rin naman--"

Binatukan ito ni Verdandi ng malakas. "Oy! Tumino ka na sa buhay mo! Umalis na nga kayo!" pasigaw na sabi niya dito. Tumawa lang ang babaeng kasama niya. Nagtakbuhan naman sina Sean at Dardy, at sumunod naman si Hapi. Nagpaalam na ang tatlo sa kanya. Kumaway lang din siya hanggang sa mawala na ang mga ito sa paningin niya.

Binaba na niya ang kamay at nang bigla siyang may maalala.

Nilingon niya ang babaeng kasama. "Ah. Siya nga pala, anong pangalan mo?"

Ngunit ganoon na lang ang pagkabigla niya sa nakita. Napalitan ng pagkamaang ang kaninang ngiti niya. Nawala lahat ng kulay sa mukha niya nang makita kung sino ang kaharap niya ngayon. Ganoon pa rin naman ang suot na damit nito mula noong nagbihis sila kanina, pero--

"Ako si Winea," nakangiting sabi nito sa kanya. Pero kung kanina malambing at mabini ang boses nito, ngayon, baritono na pero pinatunog bakla. May bigote na ito. At kilalang-kilala niya.

"Nice to meet you," anito pa pero wala nang naririnig si Verdandi.

"R-r-ru--" nanghihinangsabi niya na parang kinapos bigla ng hininga. "R-rummstein--"

At ang huling nakita niya ay ang natatarantang pagsalo nito sa kanya bago siya nawalan ng ulirat.

***

Ang unang namalayan ni Verdandi ay may nakadungaw sa kanya at mahinang tinatapik ang pisngi niya. Unti-unti niyang minulat ang mata, at ang una niyang nakita ay mukha ng isang lalaking may alun-alon na buhok at bigote't kaunting balbas. Ang gaganda ng mga mata nito, at muntikan nang naisip ni Verdandi na baka ito na ang santong nagbabantay sa tarangkahan ng langit--

Ngunit agad din niyang naalala ang lahat ng nangyari at nasuntok niya ng malakas ang mukha nito.

"A-aray--!" daing nito na napaatras at natumba pa sa damuhan. Tumayo naman siya mula sa bench kung saan siya nakahiga kanina. Sinugod niya ito na parang isang leon. "T-teka lang, kalma lang, ano ba! Ipapaliwanag ko anong nangyari--o-oy! Oy!"

Nagdidilim talaga ang paningin niya. Sinakmal niya ito at kinwelyuhan. "Gago ka! Pinagkatiwalaan kita! May Winea-winea ka pang nalalaman, walanghiya ka!" nanggagalaiting sabi niya. Pakiramdam ni Verdandi ay inagawan siya ng kung ano ng taong ito. "Walang hiya ka talaga! Nagpapanggap kang babae at pumapasok sa liguan ng mga babae, para ano--? Para mamboso ng malapitan, huh? Mas malala ka pala sa mga lalaking nanilip kanina! May pabato-bato ka pang nalalaman! Walanghiya ka, walanghiya ka!"

"Magpapaliwanag ako, magpapaliwanag ako!" anito sa kanya. "Ano bang ginawa ko sa'yo? Para namang inanakan kita tapos tinakasan--"

"Tumahimik ka! Walanghiya ka--walanghiya ka--" aniya na pinagsusuntok pa rin ito. Napayuko siya at tiningnan naman siya ni Rummstein na mukhang natatakot at baka umiyak na siya. Pero nagpatuloy pa rin siya sa pagsusuntok dito. "Papatayin kita dito, papatayin talaga kita dito!"

"Gawin mo. Kaya mo? Magpapaliwanag nga ako eh," mahinahong sabi naman nito na dinakip ang parehong braso niya. Pagkatapos ay yumuko ito sa kanya. "Pasensya na sa nangyari."

Hindi naman siya nagsalita pero nakakuyom pa rin ang mga kamao niya. Muli naman itong tumayo ng tuwid at nagbuntong-hininga.

"G-ganito kasi, mahabang kwento, pero tulad ng sabi ko kanina noong anyong babae pa ako--"

"So ikaw nga 'yon!"

"Oo na, ako nga 'yon. Inatake mo na nga ako, o. Ganito nga kasi, di ko naman alam na mayroon palang babaeng maliligo roon," anito na napakamot ang ulo. Sasagot pa sana siya pero nagpatuloy lang ito sa pagsasalita. "Matagal na rin kasi mula noong may naligong babae doon, eh--"

"At bakit di ka na lang sa men's pool pumunta, huh? Bakit kailangan mo pang mag--mag-anyong babae at doon sa ladies' pool maligo, huh?" sunod-sunod na tanong niya. Nagsalubong ang kilay niya. "Kasi, gusto mo ngang maghanap ng mabibiktima!"

"O-oo--"

"Totoo nga--!" aniya na iniumang ulit ang kamao dito.

"H-hindi! Ang ibig kong sabihin, hindi. Hindi talaga. N-noon, pero hindi na ngayon. Dahil tulad nga ng sinabi ko, wala ng babaeng naliligo doon! Kaya doon ako naliligo. Sabi ko nga diba, punuan palagi ang men's pool at ayokong makisiksik pa doon. Tutal wala namang babaeng naliligo na doon, di doon na lang ako sa kabila. 'Yun. Tapos, n-nakatulog ako. Tsaka, paggising ko, nandyan ka na pala," anito. Pinilit nitong 'wag mapangiti ng pilyo pero nahalata pa rin ni Verdandi ang pamumula nito kaya sinakal niya ito. Napaubo naman ito at pinilit alisin ang mga kamay niya.

"Makinig ka muna, please?" anito. "Hindi ko naman intensyon na lokohin ka, 'lam mo 'yun? Aksidente lang."

Bumuga ito ng hangin. Mukha naman itong nagsisisi talaga pero ayaw pa ring patawarin ni Verdandi ang ginawa nito.

"Pero dahil nandun na, eh ano pa bang magagawa ko. Tsaka mukha kang malungkot kaya--sinamahan na kita. Oy, di lang ikaw ang unang babae na nakasabay ko sa isang public bath, pero--ikaw ang unang nakatuklas na, nag-aanyong babae lang ako. He-he. Aalis na naman talaga ako eh, tapos nakalimutan ko na limang oras na pala at mawawalan na ng bisa ang Genderbending Spell ko, kaya--ayun. Bumalik na ako dati kong anyo nang di ko namalayan."

Napalunok ito. "Pasensya na ulit."

"Kung ganoon," malamig na sabi ni Verdandi. "Palagi mo na pala itong ginagawa."

"O-oo. At sa loob ng maraming buwan, ikaw ang kauna-unahang babaeng naligo doon," anito naman. Mas tumalim ang tingin niya dito, at mukhang kinakabahan ito. "Tsaka, hindi lang naman ako ang nakagawa nun 'no! 'Yung kaibigan ko siya ang nagturo sa akin ng spell na ito. Siya nagdadala sa akin dun sa ladies' pool noon, pero wala naman kaming intensyong masama talaga. Ako pala, wala. Siya, meron. Medyo. Pero noon 'yon--"

"Ang kaibigan mong 'yan na sumasama sa Pervescapades niyo," nanunuksong sabi niya. "Siya ba, si Syrius Stoneheart? Si 'King' Syrius Stoneheart?"

Namutla bigla si Rummstein. Pati ang labi nito ay parang nawalan ng dugo. Na para bang isa 'yong lihim na ayaw nitong pakawalan. Pero di agad 'yon napansin ni Verdandi.

"Paano mo nalaman?" anito na lumamig bigla ang tono. "Kilala mo ba siya?"

"Hindi, pero nakita ko ang v-in-andal niyo sa napakagandang painting sa kisame ng ladies' pool. 'King Syrius Stoneheart was here, lovely ladies'," aniya na ginaya pa ang boses ng isang lalaki. Tiningnan niya si Rummstein. "Hinulaan ko lang."

Napalunok naman ito, at mabilis din namang nakabawi sa matinding pagkabigla nang marinig ang pangalang 'yon. Tumawa ito. "Ah, ganoon ba? Oo, kaming dalawa nga 'yon. Pero--sikretong malupit lang natin 'yon, ha? Pinky promise? Ha?"

Tinaas naman nito ang isang hintuturo sa harapan ng labi niya at ngumisi ng malapad. Pinalo lang ni Verdandi ito at kinwelyuhan na naman siya. "Kung akala mong palalampasin ko ito, nagkakamali ka, ha--!"

"Verdandi!"

Sabay pa silang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Mula sa maliit na kalsadang papunta sa Academy Area, ay pumasok sa kakahuyan papunta sa kinaroroonan nila si Osiris.

"Osiris," tawag naman niya dito. Seryoso itong nakatingin sa kanila, ngunit matalim itong nakatingin kay Rummstein. Nakangiti lang naman ang si Rummstein sa bagong dating niyang kaibigan.

"Anong nangyayari dito?" anito sa kanila. Bumitaw naman si Verdandi sa pagkakakwelyo kay Rummstein. Nakatitig ito sa mukha ni Rummstein na puno ng pasa. May bukol na rin sa ulo nito. Mula sa lalaki ay bumaling ang tingin nito sa kanya.

"Verdandi, nananampal ka na naman ba?" gulat na bulong nito. Napanganga naman siya sa sinabi nito. Bumaling naman ito sa isa pang lalaki. "Pasensya na sa ginawa niya, Mr. Rummstein."

Yumuko pa ito sa isang lalaki at sumagot naman si Rummstein. "Ayos lang, ayos lang--

Ngunit di na nito natuloy ang sasabihin nang si Osiris na naman bumatok dito.

"Aray naman, Grimmcaster hijo--"

"Ginawa mo na naman ba ang bagay na 'yon?" madilim na sabi nito. "Diba nangako kang di mo na gagawin ang 'yon? Na di mo na gagamitin ang psychus mo para magpanggap na babae at maligo sa ladies' pool?"

"Mahabang kwento, Grimmcaster hijo, pero--"

"Teka, paano mo nalaman?" sabat naman niya sa usapan ng dalawa. "Magkakilala ba kayo?"

"Hindi masyado. Isang beses lang. Nalunod siya doon sa ladies' pool noong nakaraang buwan. Nakatulog yata sa kalasingan. Dinala ko siya sa infirmary," ani Osiris sa kanya na pinanlisikan pa rin ng mata si Rummstein. Naawa na ng konti si Verdandi sa itsura ni Rummstein ngayon at medyo nakunsensya na siya sa pambubugbog niya dito. "Doon ko nalaman ang lahat."

Tumango na lang siya bilang sagot. Pero nang mapansin niyang may kakaiba sa sinabi ni Osiris ay nagtaka siya. "Teka lang, kung ganoon, anong ginagawa mo, sa ladies' pool noong mga oras na 'yon?"

Kunot-noo naman itong napatingin sa kanya. "N-nagkataon lang."

"Nagkataon?" ulit Verdandi na nilagay pa ang isang kamay sa ilalim ng baba. Tiningnan niya mula ulo hanggang paa si Osiris at naglakad ng dahan-dahan palibot dito. "Nagkataon? Alam mo naman sigurong, hindi napapasok ng basta-basta ang ladies' pool kung hindi mo sasadyain, diba?"

Halata ang paglunok nito. "Pero--"

"Grimmcaster hijo, naliligo ka rin ba sa ladies' pool?" diretsahang sabi niya. "Sumagot ka."

Napaatras ito ng konti, at nagsasalubong na naman ang kilay nito. "Minsan lang naman. Tsaka wala naman ding naliligong babae doon, kaya--!"

Binatukan niya naman ito. Napadaing naman ito sa sakit.

"Tsk. Nagmamalinis ka pa, isa ka rin palang kriminal," aniya dito at pinagpag ang mga kamay. Narinig naman niyang natawa ng kaunti si Rummstein. Nakita naman ni Verdandi na parang isang milagro, ay unti-unting gumagaling ang mga pasa nito sa mukha.

Nagsimula na itong maglakad papalayo.

"O? Saan ka pupunta?" tawag ni Verdandi dito.

"Bakit, ire-report mo ba talaga ako kay Professor Steravnosky?" anito naman sa kanya. Nag-pout lips pa ito. "'Wag na, please? Alang-alang sa new friend mong si Winea hija, please?"

"Tumigil ka, o dagdagdagan ko 'yang pasa mo," banta niya dito. Tumawa lang ulit si Rummstein. Gusto niyang mainis dito pero di niya magawa. Mukha naman itong mabait sa kabila ng 'kapintasan' nito.

"Alam mo, may naaalala talaga ako sa iyo. Ah, sa inyong dalawa pala talaga," ani Rummstein sa kanilang dalawa. "Parehong-pareho ang ugali ninyo sa dalawang iyon--ganyang-ganyan din mag-away silang dalawa, pero sa huli, suko na lang 'yung isa."

"Sino?"

"'Yung dalawang matalik kong kaibigan," tumalikod na ito. Pero nakatingin pa rin ito sa kanila. "'Sila ang King at Queen noong nakaraang Ceremony of Crowns. Tch--parang nakikita ko tuloy sila sa inyong dalawa."

Naglakad na ito papalayo. Nagtataka naman itong sinundan ng tingin ni Verdandi. Habang si Osiris naman ay nakatitig lang dito. Pero may isang tanong na bumabagabag kay Verdandi. At mukhang hindi siya matatahimik hangga't di niya natatanong 'yon kay Rummstein.

"Teka lang!" habol niya dito. Tumigil naman si Rummstein. "May itatanong ako, sana di ka magalit. Ayos lang ba?"

Nang binigay naman nito ang permiso sa kaniya, ay sinabi na niya ang tanong. Pagkatapos niyang sabihin ito ay natahimik ang paligid. Humangin ng malakas at nagliparan ang mga tuyong dahon. Akala niya ay magagalit si Rummstein, pero ngumiti lang ito ng malungkot at sinagot ang tanong niya. At nang marinig nilang dalawa ang sagot, ay nanlaki ang mga mata ni Osiris. Habang si Verdandi naman, ay para siyang sinuntok sa may dibdib sa kung anong dahilan.

***

Sa isang napatag na kaburulan sa tabi ng dagat, kung saan payapang iniihipan ng hangin ang mga matataas na damo, ay nakaupo si Azrielle Morrigan sa harap ng isang bloke ng semento. Ang lugar na 'yon ang tinatawag nilang Sagradong Lupain ng Perean Town. Kanina pa siya doon at wala pang planong umuwi sa dorms. Kahit iniisip niya pa rin ang sinabi ni Emi kanina, ay may nabuo ng plano sa isip niya. Isang bagay na lang hinihintay niya para masimulan niya na ang balak niya.

Tahimik niyang kinakain ang mga kiwi at apple na pinitas nila ni Caramel sa daan. Habang ang alaga naman niyang griffin, ay payapang nakahiga sa ibabaw ng bloke ng semento. Dinig na dinig naman niya ang hampas ng alon mula sa malapit.

"Uy, kanina pa ako naghihintay dito, leader," mahinahong sabi niya sa hangin. "Ano na? Ano nang desisyon mo? Alam kong nagmumukha na akong tanga dito at pinagtitinginan na ako ng mga alpaca at sheeps sa malapit, dahil nagsasalita ako ng mag-isa. O baka naman nakikita ka nila? Wala namang ganyanan leader, lalo pa't baka mukha kang tanga diyan na tawa ng tawa sa harap ko."

Mas lalo lang lumakas ang ihip ng hangin at naglakad naman papalayo ang ang mga alpaca at karnero. Nag-iingay pa ang mga ito.

"Leader," aniya. "Kailangan namin si Ate Lissa. Leader--"

Umihip ang hangin sa kinauupuan niya kaya nayugyog ng konti ang pinagkrus na kahoy sa harap niya.

"Sumagot ka naman o," aniya dito na nakagat ang labi. "Alam kong masyadong mabigat at selfish pakinggan ito, pero ito na nga ako o, humihingi ng permiso sa'yo. Maniwala ka sa hindi, matandang manyak naming Leader, malaki ang respeto ko sa'yo kaya di ako gagawa ng hakbang na ikapapahamak niya.

"Pero--ito na lang ang tangin paraan natin, Leader eh, para di masayang lahat ng pinaghirapan mo noon. Si Ate Lissa ang pinakamalaking pag-asa na meron kami ngayon. Tutulungan ko naman si Ate Lissa. Marami kaming tutulong sa kanya. May bago nga kaming recruit, ayos siya Leader, matatawa at matutuwa ka sa kanya. Para siyang pinaghalong Power Plant sa dami ng psychus energy niya at Gatling Gun dahil maingay din siya gaya ni Ate Lissa. Pero mabait siya."

Nawala naman ang hangin at napalitan 'yon ng ambon. Maya-maya pa'y nagsimula ng pumatak ang ulan doon sa kinalalagyan ni Azrielle. Naghintay pa siya nang naghintay, hanggang sa basang-basa na siya. Nagising si Caramel at tumakbo papunta sa kanya na parang basang sisiw, at naghahanap ng masisilungan. Nilagyan niya naman ito ng armor house, gamit ang psychus niya.

Malungkot siyang napangiti. "Kung 'yan ang desisyon mo, rerespetuhin ko, Leader."

Tumayo na si Azrielle ngunit nanatili pa rin siyang nakatayo doon. Hanggang sa isang nakarinig siya ng kulog at kumidlat sa malayo. Di niya pinansin 'yon. Mukhang hindi naman 'yon ang hinihintay niyang senyales, kaya dahan-dahan siyang naglakad papalayo. Nang, biglang isang pamilyar na tunog ang dumaan sa ulunan niya.

Napatingala siya. Isang agila. At bumaba ang agila na iyon sa pinagkrus na kahoy na nakaharap sa kanya. May inihulog na kung ano ang agilang 'yon sa lupa. Pinulot naman ito ni Azrielle na nagtataka. Napangiti si Azrielle at yumuko sa harap ng puntod nito bilang paggalang at pasasalamat bago sumakay kay Caramel para maghanap ng masisilungan sa paparating na bagyo.



"A-ang King niyo, si Syrius Stoneheart ba? At si Lissa ang Queen? Nasaan na ba si Syrius Stoneheart ngayon?" tanong ni Verdandi sa papalayong si Rummstein.

"Ah, si Syrius Stoneheart ba? Sa kasamaang palad, wala na siya. Namatay siya apat na taon na ang nakakaraan. Naalala mo naman kung bakit ganoon na lang ang pag-aalala ni Lissa sa'yo noong akala namin nawala ka, diba? Doon siya nakita sa Forbidden Tower, at hanggang ngayon hindi pa namin alam kung paanong nangyari 'yon. Si Syrius--madalas niya talagang tawaging King ang sarili niya kahit noong mga bata pa kami. Sige, kita na lang tayo--ingat kayong dalawa."

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon