BLACK EYED CHILDREN

582 149 12
                                    

Nangyari ito 3 taon na ang nakakalipas.

Lagi akong nakikinig at nagbabasa ng mga horror stories lalo na 'pag bago matulog partikular ang story na The Rake pero wala nang mas nakakatakot pa sa Black Eyed Children na napanaginipan ko.

Ewan ko ba pero pagkatapos kong basahin ang Black Eyed Children, kapag lumalabas ako ng gabi ay sinasama ko ang aking boyfriend dahil sa nararamdamang takot at panganib.

Alam kong hindi sila totoo pero ayoko rin namang maging kampante pero sa bawat paglipas ng araw, ang Black Eyed Children ay naging storya na lamang na katulad ng mga binabasa ko. Nakatago sa aking isipan.

Pero dito ako nagkamali.

Meron akong hika pero hindi naman gano'n kadalas ang atake. Ang masama pa, ang ka-roommate ko ay parang kapre kung manigarilyo.

Naalala ko pa na tag-lamig noon. Ito ang pinakamalamig na temperatura na naitala rito sa lugar namin kaya naman naglagay kami ng mga blanket sa bawat bintana para magsilbing pangharang at hindi masyadong malamig.

Nag-away ang ka-roommate ko noon at ang girlfriend niya at nakipag-break ito noong araw ding 'yon. At dahil siya ay brokenhearted, sigarilyo rito, sigarilyo roon.

Halos sunod-sunod at hindi ko na mabilang kung ilang pakete na ang naubos niya hanggang sa naramdaman ko na lang na naninikip na ang dibdib ko na para bang may nakadagan doong dambuhalang tao.

Habol-habol ko ang aking hininga at sa kasamaang palad, ang boyfriend ko ay nasa trabaho.

Ang roommate ko naman ay basag na basag dahil sa recent breakup nito kaya wala akong choice kung hindi lumabas at pumunta sa kotse para makuha ang aking inhaler. Doon ko kasi nilalagay ang inhaler para dala-dala ko ito palagi.

Hatinggabi na no'n.

Lagi kong nilalagay ang inhaler ko sa may passenger seat kaya naman ito ang unang-una kong tiningnan.

Halos tumutulo na aking mga luha dahil sa hirap sa paghahanap sabayan pa ng pagkahirap sa paghinga at sa sobrang lamig.

Wala ito sa passenger seat kaya sinimulan kong hanapin ito sa loob ng sasakyan.

Ang bahay na nirirentahan namin ay medyo malayo sa kabihasnan. Ang pinakamalapit na kapitbahay namin ay medyo malayo habang ang paligid naman ay napapalibutan ng malalaking puno.

Kinalma ko ang sarili ko para hindi ako magkaroon ng panic attack at mas lalong palalain ang sitwasyon kaya naman hindi ko narinig ang mga yabag ng paa na papalapit sa sasakyan.

"Pwede mo ba kaming tulungan?"

Huminto ako sa aking paghahanap at nanigas sa kaba. Dahan-dahan akong tumingin kung saan nanggagaling ang boses na iyon.

Dalawang batang lalaki at isang babae. Ang batang lalaki na nagsalita, siguro mga 10 ang edad at ang isa naman ay parang 8 taong gulang pa lamang, samantalang ang babae, sa tingin ko ay 5 taon na.

Dahil hirap pa rin ako sa paghinga, umiling ako sa kanila at itinuro ko ang bahay namin, nagbabakasakaling magising ang ka-roommate ko at isa pa, ayokong sayangin ang hangin ko sa pagsasalita kasi nga inaatake na ko ng aking asthma.

Dahil busy ako sa paghahanap, hindi ko napansin na kusa na pa lang nag-lock ang sasakyan at salamat sa Diyos, nangyari iyon. Ang bintana ay medyo nakaangat ng kaunti para makapasok ang kaunting hangin.

Ang batang lalaki ay lumapit sa sasakyan at ipiniling ang ulo at parang nagtataka kung anong ginagawa ko habang ang dalawang bata naman ay nasa likod niya lang na nakatitig.

Maya-maya pa, ang nakatatandang bata ay lumapit sa may bintana ng sasakyan ko at nagsalita. "Pwede mo ba kaming tulungan? Nasira kasi ang sasakyan ang namin. Kailangan namin ng telepono."

Umiling ulit ako at itinuro ang bahay namin.

Sa ilang sandali pa, nahanap ko na rin sa wakas ang aking inhaler. Natatakpan pala ito ng floor mat kaya kinuha ko ito agad at ginamit.

Matapos ng ilang pagpuff ng inhaler, medyo nakahinga na ko ng maayos.

Pumunta ako sa driver's seat at laking gulat ko dahil ang mga bata ay nakatayo pa rin doon. Hindi pa rin sila umaalis sa pwesto nila at para bang nakatitig sila sakin.

Ang mukha ng lalaki ay naka-flat na sa may bintana na para bang tinatanaw ang loob ng sasakyan.

Noong mga oras na 'yon, hindi ko naisip ang mga nabasa ko.

Para sa akin isa lang silang normal na bata na kailangan ng tulong. Pwede kong pahiramin sa kanila ang phone ko o hindi naman kaya ay ihatid ko na lang sila kung saan man ang nanay nila.

Tutulungan ko na sana sila ng bigla kong napansin ang ngiti ng batang babae. Isang itong nakakakilabot na ngiti.

Noong makita ko ito halos magtaasan lahat ng balahibo ko sa katawan at nagsimula akong mag-panic na siya namang dahilan ng isa pang asthma attack. Mistula namang naramdaman ng batang babae ang takot at pagkataranta ko.

"Kailangan mo kaming tulungan. Nasira ang sasakyan namin at nag-aalala na si Mama."

May kakaiba sa hangin no'n at parang may mali. Para bang nababalot ito ng kasamaan.

Sa kakaunting liwanag na binigay ng ilaw, napansin ko ang malademonyong nilalang.

Hindi ko ito nakita kanina dahil sa sobrang panic ko sa paghahanap ng inhaler pero ngayon, kitang-kita ko ang mga mata nila na purong itim.

Nag-trigger muli ang asthma ko at halos ang buong paligid ko ay umiikot na.

Ang mga Black Eyed Children, totoo sila at nasa harapan ko sila ngayon.

Mabuti na lang at nagbasa ako ng mga horror stories kung hindi ay malamang pinagbuksan ko sila.

Ang batang lalaki ay tinitigan ako ng masama habang ang batang babae naman ay nakatayo na parang bang nagsasalita pero hindi ko siya maintindihan.

Mabuti na lang talaga at na -auto lock ang kotse ko kaya lang kailangan ko pang i-start ang kotse para masara ng tuluyan ang bintana.

"Buksan mo ang pinto!" Bulalas na sigaw ng bata habang ang kamay nito ay parang nangingisay. "Kailangan mo kaming tulungan!" Dugtong pa nito pero umiling pa rin ako at halos maihi na ko sa takot.

Bigla kong naalala ang ka-roommate ko. Paano na lang kung pumasok sila sa bahay? Paano na lang kung kinuha ng mga ito ang puso niya at kinain? Alam kong pasaway siya pero hindi naman niya deserve na mangyari sa kaniya ang gano'n.

Wala akong nagawa kaya yumuko na lang ako at niyakap ang aking tuhod para maitago ang aking mukha at umiyak ng umiyak.

Mga ilang minto ang nakalipas, dahan-dahan kong tinaas ang aking ulo pero wala na sila.

Pero alam mo yung pakiramdam na nasa paligid lang sila? 'Yun ang nararamdaman ko.

Matapos nito, ang naalala ko na lang ay ang liwanag at ang init ng araw na tumatama sa aking mukha.

Nakatulog na pala ako sa sobrang takot at sa pag-alala. Masakit ang likod ko paggising dahil sa pwesto ng aking pagkakatulog.

Pagbukas ko ng pinto ng kotse, kumaripas agad ako ng takbo papunta sa bahay namin para tingnan ang aking ka-roommate.

Nakahinga ako ng maluwag. Sa kabutihang palad, tulog pa rin ang hinayupak.

Hindi ko kinwento sa kaniya ang nangyari kagabi kasi alam kong hindi siya naniniwala sa mga gano'n at paniguradong pagtatawanan niya lang ako.

Pero kinwento ko ito sa boyfriend ko at hindi ko alam kung talagang naniniwala siya.

Creepy FilesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon