Kabanata 5

31.7K 523 4
                                    

Kabanata 5

MALAKAS na ulan ang gumising kay Alegria. Dati-rati ay hindi siya nagigising sa ulan lang pero ngayon hindi siya mapalagay, ang lakas kasi ng hampas ng hangin at kahit na ba sabihing nasa ilalim sila ng tulay ay napakalakas pa rin ng impact ng hangin sa kanila. Para na ngang liliparin na ang tagpi-tagping dingding nila.

"'Nay, natatakot po ako..." nagising na rin si Lemuel at Lola Toryang.

"Huwag kang matakot, nandito lang si Nanay..." kinarga niya ang anak at marahan itong pinaghele para makatulog kahit na papaano.

"Naku hija,  may bagyo yata." Nag-aalalang sabi ni Lola habang pilit na sinisindahan ang kandila. "Basang-basa pala itong posporo natin."

"Hayaan niyo na po, Lola. Hindi rin siguro magtatagal ang ulan na ito."

"Kinakabahan ako, Hija." Napahawak na lang sa dibdib ang matanda na para bang nahihirapang huminga. Agad ay napalapit naman si Alegria rito.

"Lola..."

"Ayos lang ako, hija."

Napabuntong-hininga na lang si Alegria pagkuway hinimas ang likod ng matanda para kahit paano ay maging panatag ito.

Ilang sandali pa ay humina na rin ang pag-ulan kaya muli ay natulog sila pero wala pa yatang isang oras ay nakarinig sila ng mga sigawan ng mga tao. Una niyang inakala ay may nag-aaway lang pero nang i-apak niya ang kanyang paa sa lupa ay lubog na pala sa baha ang bahay nila. Halos ay kalahati na ng binti niya ang tubig. Mabilis niyang ginising si Lola Toryang pagkuway kinarga ang anak.

"Diyos ko, hija! Ano ba itong nangyayari sa atin?!" Nababaghang sabi nito.

"Sobrang lakas po ng ulan kanina kaya umapaw po ang tubig sa ilog. Tara na, Lola. Lumabas na tayo, tumataas na po ang tubig." Inakay na niya ang matanda palabas.

Sumunod sila doon sa mga kapitbahay nilang papunta sa mataas na lugar. Sinuong nila ang baha na patuloy pa rin tumataas dahil bigla na namang umulan.

"Hija, hindi ko na kaya..." naiiyak na sabi ni Lola Toryang.

"Lola naman, malapit na po tayo saka—" natigilan na siya dahil umiyak bigla si Lemuel. "Tahan na, anak."

Patuloy pa rin ang pag-ulan. Hindi na sila nakaalis doon sa pwesto nila. Abo't-baywang na ang tubig at kung hindi pa siya gagawa ng paraan ay malulunod sila. Sinubukan niyang manghingi ng tulong sa mga kapitbahay nilang gumagamit ng gulong ng sasakyan para makalutang pero hindi sila pinansin ng mga ito, mas inuna pa nito na isalba ang mga gamit kaysa ang tulungan sila.

Kaya wala ng nagawa si Alegria kundi ang kumapit na lang sa may puno para hindi sila maanod. Ang tanging magagawa nila ngayon ay ang maghintay ng mga rescuers. Sigurado na may darating pero lumipas ang kalahating oras ay wala pa din, umakyat na sila sa puno dahil lagpas tao na ang tubig.

"May makakakita pa po ba sa atin dito, 'Nay?" Naiiyak na sabi ni Lemuel habang todo ang kapit sa sanga.

"Meron anak. Magdasal ka kay Papa Jesus para magdala siya ng magliligtas sa atin dito."

"S-sige po..." marahan na ngang nagdasal ang bata. Napangiti na lang si Alegria habang pinagmamasdan ito.

"Lola, gusto niyo pong iakyat ko pa kayo?" Tanong niya sa matanda na nasa bandang baba niya.

"Hindi na, hija. Ayos lang ako dito."

Ngiti lang ang iginanti niya rito. Lamig na lamig na silang tatlo dahil kanina pa sila nakababad sa tubig. Naghintay pa sila ng ilang sandali at tila naman tumalab ang pagdadasal ni Lemuel dahil nakakarinig siya ng ugong ng papalapit ng helicopter.

Taking AlegriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon