19. His Plan

1.4K 36 0
                                    

CHAPTER 19
His Plan

HINDI niya alam kung paano niyang makakausap si Ivy. Punong-puno ng surveillance camera ang bahay at clinic niya. Kahit saan siya magpunta ay may nakasunod sa kaniyang bantay.

Hindi niya alam kung paano gagawin ang plano; ang kaniyang planong pakikipag-usap kay Ivy, at ang pagsama rito kapalit ng kaligtasan ni Andy.

Pero alam niyang sa kabila ng mahigpit na pagbabantay sa kaniya ni Detective Hanson, nakabantay rin sa kaniya si Ivy. Alam niyang nalalaman din nito ang lahat ng kilos niya.

Ang hindi niya na lang alam ay kung paano maipararating dito ang mensahe niya nang hindi malalaman ni Detective Hanson.

Kailangan niyang maipaalam kay Ivy na gusto niyang makipagkita. Pero paano? Isang beses niya pa nga lang itong nakaharap.

Malalim siyang napabuntong-hininga at padabog na bumangon sa kaniyang kama.

Muli niyang isinara ang clinic at kinansela ang lahat ng appointments niya, dahil hindi niya magagawang magtrabaho nang ganito ang lagay niya.

Dahil mukhang ang sarili niya ang nangangailangan ng counseling. Pakiramdam niya ay unti-unti na siyang masisiraan ng bait.

Mabilis siyang naligo at nag-ayos ng sarili, bago tuluyang nilisan ang kaniyang bahay. Hindi niya alam kung saan siya pupunta, basta ang gusto niya lang ay matakasan ang mga sumusunod na bantay sa kaniya.

Namalayan niya na lamang ang sarili sa isang parke, habang nakaupo sa isang upuang bato at nakatulala sa kawalan.

Mukha lang siyang nag-iisa, pero alam niya na ang ilang nakasibilyan sa paligid niya ay tao ni Detective Hanson na nagbabantay sa kaniya.

Parang bigla ay gusto niyang ulitin ni Ivy ang ginawa nito sa Callen Hill Resort at siya naman ang kunin. Mapait siyang napangisi sa naisip. Talagang nababaliw na nga yata siya.

Sandali lang siyang nag-stay sa parke, bago naglakad pabalik sa kaniyang sasakyan. Pero nang akma niya nang bubuksan ang pinto ng driver seat, nahinto siya nang makita ang isang diyaryo sa bubong ng kotse.

Kunot noo niya itong kinuha. At agad na nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mukha ni Ivy Dela Peña rito na may pilat sa mukha.

Kasunod na nahagip ng paningin niya ay ang mga ginuhitang salita sa ilalim ng retrato nito.

Want

to

see

her

?

Ivy

is

coming

!

Pasimple niyang inilibot ang paningin sa paligid, bago dali-daling pumasok sa loob ng kotse niya.

Ang bilis ng tibok ng puso niya. Gusto niyang sumagot sa mensahe nito. Pero paano?

Ivy is coming...

Ano ang ibig nitong sabihin? Binabalak na ba nitong magpakita sa kaniya?

Kung ganoon, naaayon iyon sa plano niya. Ang kailangan niya na lamang gawin ay umisip ng paraan para matakasan ang mga bantay niya.

Muli ay mabilis siyang nagmaneho palabas ng lungsod. She is watching him, at alam niya na kung paano maipararating dito ang sagot niya sa mensahe nito nang hindi mahahalata ng mga bantay niya.

Possessing Dr. SigmundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon