29. Pick Wisely

1.1K 30 2
                                    

CHAPTER 29
Pick Wisely

KAUUPO pa lamang ng alkalde sa harap ng kaniyang lamesa ng kaniyang opisina nang may maulinigang mahinang pagsigaw, dahilan para mabilis siyang muling mapatayo. Muli siyang sinalakay ng kaba dahil sa isiping may nangyari na naman sa anak.

Mabilis siyang naglakad palabas ng kaniyang opisina. Nang makarating sa sala, nakita niya ang ilang mga tauhan na mukhang narinig din ang pagsigaw.

Ang mabilis na paglakad niya ay naging takbo nang makarinig ng mga kalabog sa second floor. May mga bantay na nakabantay sa kuwarto ng anak niya, pero nag-aalala pa rin siya dahil alam niya na ang mga kayang gawin ni Ivy.

Mukhang hindi talaga titigil ang babae sa panggugulo kahit pa sa loob ng sarili niyang teritoryo. Ang ibig sabihin lang niyon ay ganoon kalakas ang loob nito.

Nang makarating sa tapat ng kuwarto ng anak, napatiim bagang siya nang makita ang mga bantay sa labas na wala nang mga buhay at kapuwa may mga butas sa noo.

Gumamit ito ng baril pero wala manlang silang narinig kahit isang putok, ibig sabihin ay gumagamit ito ng silencer.

Ang lakas ng kabog ng dibdib niya dahil posibleng nasa kapahamakan na naman ang anak na babae.

Sinenyasan niya ang isa sa mga tauhan na silipin ang loob ng kuwarto, at inutusan naman ang isa na pakalatin ang ibang mga tauhan sa buong mansiyon. Hindi niya na hahayaang makatakas pa ang babaeng iyon at muling tangayin ang anak niya.

Ang lakas ng loob mong pumasok sa teritoryo ko. Ngayon, sisiguraduhin kong hindi ka na makalalabas pa ng buhay!

“Boss.” Nanlalaki ang mga matang nilingon siya ng taong inutusan niyang maunang sumilip sa loob ng kuwarto. Kaya dali-dali siyang pumasok, at doon niya nabungaran ang kinuhang private nurse na nakahilata sa ibabaw ng kama, hindi na maitsura ang mukha dahil sa tadtad ng saksak. Gusto niyang masuka nang makitang halos lumuwa na ang mga mata nito.

Demonyo ang gumawa nito…

“Hanapin n’yo ang anak ko!” sigaw niya sa mga tauhan nang hindi makita ang anak sa loob ng kuwarto.

~*~

SISIPOL-SIPOL siyang naglalakad sa pasilyo ng second floor. Lahat ng nakasasalubong ay deretso niyang pinagbabaril sa noo. Isang tao, isang bala. Hilig niya talaga ang pagtitipid sa bala.

“Grab a cop gun kinda crazy, she's poison but tasty. Yeah, people say, run, don't walk away. ’Cause she's sweet but a psycho, a little bit psycho, at night she's screamin’, I’m-ma-ma-ma out my mind.”

Hindi niya mapigilang mapakanta ng paboritong kanta habang parang modelong naglalakad sa pasilyo. Napakalaki ng bahay na ito. Kung hindi mo alam ang pasikot-sikot, maaaring maligaw ka dahil sa dami ng puwedeng likuang pasilyo. Mabuti na lamang talaga at kabisado niya na ang bawat pasikot-sikot ng mansiyon.

Sayang lang dahil wala rito ang ilaw ng tahanan. Lumipad ito patungong states para bisitahin ang panganay na lalake. Mas masaya sana kung kumpleto ang mga Santiago. Napangisi na lamang siya sa naisip.

“See, someone said, don't drink her potion. She'll kiss your neck with no emotion. When she's mean, you know you love it, ’cause she tastes so sweet, don't sugarcoat it,” patuloy niya sa pagkanta, sabay putok ng baril sa nakasalubong na bantay.

“No, no, you'll play along, let her lead you o, o, on. You’ll be saying, no, no. Then saying, yes, yes, yes, ’cause she messin’ with your head.”

May biglang umatake sa kaniya mula sa likuran, dahilan para mahinto siya sa pagkanta, pero mabilis naman siyang nakaiwas dito. May dala itong mga baril, pero dahil walang mga silencer, iniiwasan ng mga itong magpaputok ng baril para hindi makaagaw pansin sa mga taong malapit lang sa mansiyon, at sinusubukang kalabanin siya ng hand to hand combat. Kaya sige, pagbibigyan niya ang mga ito.

Possessing Dr. SigmundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon