"What the hell?"
Hindi ko alam kung anong una kong mararamdaman. Pinagpawisan ako sa panaginip na 'yon kahit nakabukas naman ng aircon dito sa room ko! Kakaloka! Hindi ko kinaya ang panaginip na 'yon! May confession pang naganap?! At bakit ang harot ko sa sarili kong panaginip?!
Kinuha ko ang phone ko para tingnan kung anong oras na. Wow! Nauna ako sa alarm ko ng 5 minutes! Achievement 'to! Pero hindi rin ako natutuwa lalo na't naaalala ko ang panaginip ko kanina!
Hindi ko na maalala 'yung ibang nangyari sa panaginip ko pero malinaw na malinaw 'yung confession part! Goodness! Bakit naman ganoon ang panaginip ko?! Hindi ko naman iniisip 'yon bago ako matulog, ah! At mas lalong hindi ko iniisip si Donny!
Panaginip lang 'yon pero 'yung pang-aasar ni Criza sa 'kin na may crush na raw ako kay Donny, totoo 'yon! I mean, totoong inaasar niya ako, ha! Pero hindi totoong crush ko si Donny! Hindi ko rin naman iniisip ang bagay na 'yun, 'no! Pero dahil sa panaginip ko, naiisip ko na tuloy!
What if totoo nga? Na may crush na ako kay Donny? Naramdaman ko kasi 'yung kilig kahit sa panaginip lang. Kainis, bakit panaginip lang 'yon? Char! Bakit parang disappointed pa ako na panaginip lang 'yon?! Anak ng pating naman!
Belle, calm down. Panaginip lang 'yon. Sabi nila, para raw hindi magkatotoo ang panaginip natin, ibulong daw natin sa puno? Hindi ko alam kung totoo 'yon. Pero sabi naman ng iba, kung ano raw ang nangyari sa panaginip, kabaliktaran daw ang mangyayari sa totoong buhay.
Ah, basta! Bahala na nga! Panaginip lang naman 'yon! Wala naman sigurong ibig sabihin 'yon! Malay natin, DonBelle shipper lang din 'yung tadhana kaya ganoon ang panaginip ko!
Hinintay ko pang tumunog ang alarm ko kahit gising na ako. 5 minutes din pala akong nag-iisip. Pinagpatuloy ko rin ang pag-iisip hanggang sa pagligo ko.
Paano ko haharapin si Donny mamaya kapag nagkita kami? Hmm... bakit ba ako kinakabahan? Eh, wala naman siyang alam sa panaginip ko?! Just act normal, self. 'Wag mo na kasing isipin 'yung panaginip mo! Goodness, kinikilig ka ba?!
Pero kinilig ako roon sa jacket part, ha. Ay, erase erase! No, hindi ako kikiligin kay Donny! That's not allowed! Guard your heart, sismars!
Teka, bakit may pa-guard your heart pa akong nalalaman dahil lang sa panaginip ko? Panaginip lang naman 'yon kaya hindi ko dapat isipin masyado!
Masyado tuloy malalim ang iniisip ko habang nagsisintas ako ng sapatos ko. PE class kami ngayon. At hindi ko alam kung bakit ako na-excite! Basketball kaya ang lesson namin ngayon! Hindi naman ako ganoon kahilig sa basketball, eh! Kaya bakit ako excited? Okay lang ba ako? Hayup na panaginip 'yon, ah! Parang buong sistema ko ang nawala sa katinuan dahil doon!
Hinatid ako ni Daddy sa School. Pagkapasok ko pa lang ng gate, narinig ko na agad ang malakas na boses ni Criza!
"Belle!"
Paglingon ko, nakatayo sila nina Joao sa gilid ng bulletin board. Ang aga naman nilang magharutan!
"Ano? Nagda-date na naman kayo? Pasok-pasok din sa klase, aba!" pang-aasar ko nang makalapit ako sa kanila.
"Gaga ka! Para namang hindi kami pumapasok! Simula nga noong naging kami ni Joao, tumalino na ako ulit, eh. Ang good influence mo talaga!" ang bruhang si Criza, kinurot pa si Joao sa cheeks. Ano ba naman 'tong bumungad sa 'kin pagpasok?!
Sira rin talaga 'tong si Criza, eh. Anong tumalino na ulit siya? Matalino naman siya, tinatamad lang mag-aral!
"Matalino ka naman talaga. Bobolahin mo pa 'yang si Joao, eh!" sagot ko.
Patawa-tawa lang si Joao sa gilid habang nagba-bardagulan kami ng bebe niya.
"Stop it, girls," saway ni Joao habang natatawa. "Tara na sa court. Baka ma-late pa tayo."