"Patingin ng pang-creative shot mo, buddy!"
Kanina pa kinukulit ni Limer si Jim tungkol sa dalang costume ni Jim para sa creative shot mamaya. Eto namang si Jim, natatawa na lang. Hindi ko alam kung inaasar niya ba si Limer o natatawa siya sa dinala niyang costume.
Kaya kami may dalang costume ngayon dahil ngayon lang naman ang graduation pictorial namin. Hooray! Wala na talagang atrasan 'to! Ilang months na lang, ga-graduate na kami! At konti na lang din, tapos na ang OJT namin. Nagday-off lang kami ngayon dahil ngayon nga ang schedule ng graduation pictorial namin.
"Coat nga lang ang dala ko, buddy," sagot naman ni Jim habang yakap-yakap ang paper bag niya. Doon kasi nakalagay ang dala niyang damit.
"Patingin lang!" pamimilit ni Limer. 'Yung costume kasi ni Limer, kanina niya pa pinapakita sa 'min. Proud siya sa korean look niya mamaya. Oo, korean vibes siya sa creative shot niya.
"Coat nga lang 'to, buddy! Sabi ko naman sa inyo, 'di ba, magco-coat lang ako sa creative shot."
"Bakit coat lang? Anong ganap mo mamaya, buddy? CEO ng kompanya?" tanong naman ni Miah.
"Hindi, buddy! Magco-coat lang ako kasi si Daniel Padilla ako mamaya. Coat lang naman ang kulang sa 'kin para maging kamukha ko siya."
Ayan na naman po si Jims Reid. Naghahasik na naman ng malakas na hangin! Matatangay na nga kami, eh. Ebarg!
Hindi naman nakaligtas si Jim sa pambabara ni Ashley. Ang malas lang ni Jim dahil nakikinig pala si Ashley sa mga sinasabi niya.
"Daniel Padilla na napabayaan version."
Nagtawanan kami sa sinabi ni Ashley. Nilingon siya ni Jim at sinamaan ng tingin.
"Nandito ka na naman?" tanong ni Jim. "Alam mo, Ashley, umamin ka nga. Crush mo ba ako?"
Si Limer na umiinom ng tubig, ayun! Nasamid! Talsikan pa sa 'min ang naibuga niyang tubig.
"Limer!" reklamo ni Criza habang pinupunasan ang pants niya na may mga patak ng binugang tubig ni Limer. Buti na lang, naiwas ko agad ang paa ko noong bumuga siya ng tubig. Katapat kasi namin sina Limer habang naghihintay dito sa labas ng room kung saan inaayusan ang lahat at pinipicture-an.
Per section ang pagpasok sa loob para ayusan. Kami na ang susunod sa section na nasa loob kaya rito kami sa labas ng room naka-upo.
"What? Are you out of your mind?" tanong ni Ashley kay Jim. Tawa nang tawa sina Dalia sa bardagulan ng dalawa. Actually, lahat kami ay natatawa.
"Ashley, I'm sorry," madramang sinabi naman ni Jim. Si Limer, tumawa na lang nang tumawa sa gilid. "Alam kong mahirap, pero kalimutan mo na ang nararamdaman mo para sa 'kin. Magkaibigan kami ni Gello at ayokong masira 'yon dahil lang nagustuhan mo ako."
Bilib talaga ako sa self-confidence ni Jims Reid, eh. Pang-malakasan!
"What?" nakangiwing tanong ni Ashley. "Ang nararamdaman ko lang para sa 'yo ay galit at inis. And I won't forget that."
"Sorry, Ashley. May iba akong gusto," pagpapatuloy ni Jim sa drama niya. Tawa kami nang tawa habang seryoso naman ang mukha ni Jim. Parang pinipilit pa nga niyang maiyak, eh. Feeling niya siguro, nasa Kdrama siya.
Natawa na lang si Ashley at umiling. Si Sophie naman, nangingibabaw ang tawa. Masaya siguro siya dahil hindi siya ang iniinis ngayon ni Jim.
"Si Sophie, tawang-tawa," sabi ni Gello. Etong si Gello, tumatawa na lang din, eh. Parang noon, namumula agad siya kapag binubuking namin siya kay Ashley. Ngayon, mukhang chill lang siya at relax. Ano kayang nangyari?