Unfortunately, wala na talagang bukas na Dunkin' Donut na malapit lang sa 'min. Ayoko namang papuntahin si Donny sa malalayong lugar para lang bumili ng donut. Bakit naman kasi ganitong oras pa ako nagutom at naghanap ng Dunkin' Donut?
"O, akala ko ba nagugutom ka?" tanong ni Donny nang makita niyang humihiga na ulit ako.
"Ayoko na kumain."
"Hindi ka pwedeng matulog na gutom, Belinda."
"Umaga na rin naman. Magbe-breakfast na rin tayo later."
"Kumain ka kahit bread lang or something. Ano bang gusto mo? Ikukuha kita sa baba."
Hinila ko na rin siya para humiga na siya. Wala naman siyang nagawa kaya humiga na rin siya at tumabi sa 'kin.
"Hindi naman ako super gutom," sagot ko. "Tsaka gusto ko na ulit matulog, ang sakit ng ulo ko."
Hinawakan niya ako sa noo. "Kahapon, nahilo ka. Ngayon naman, masakit ang ulo mo. Magpacheck-up ka na, babe. Sasamahan kita."
Lumayo ako nang bahagya at tumingin sa kaniya. "Natatakot ako magpacheck-up."
"Ha? Bakit naman?"
"Paano kung may malubha akong sakit tapos hindi na magagamot?"
Bigla akong hinila ni Donny at niyakap nang mahigpit. "'Wag ka ngang mag-isip ng mga ganiyan. Tsaka 'wag kang matakot, sasamahan naman kita. I won't leave your side. Never."
"Tsaka paano kung---"
"Ssshhh. Wala kang sakit, okay? Malay mo, tama ako."
"Saan?"
"Na buntis ka."
Tumingin ako sa kaniya. Nakatingin din siya sa 'kin at nakangiti. Hindi pa nga kami sure kung buntis nga ako, pero 'yung expression niya ay parang nanganak na ako at karga na niya 'yung anak namin. Napangiti na lang ako at niyakap siya nang mahigpit.
"We'll find out tomorrow."
Nakatulog pa kami ng ilang oras bago kami tuluyang nagising dahil umaga na. Masaya pa ngang bumangon si Donny, eh. Excited daw siya pumuntang Ob-gyene. Na-convince niya akong sa Ob kami dumiretso dahil malakas daw ang kutob niya na buntis ako. Natawa na lang ako sa kaniya.
Pagdating namin sa hospital, pumila agad kami. Buti na lang at maaga kaming pumunta. Maikli pa lang ang pila noong dumating kami.
"Sa mga kaibigan natin, si Rhys lang ang kunin nating Ninong, ha!" sabi ni Donny habang naka-upo kami sa waiting area. Nakahawak siya sa kamay ko habang nakasandal ang ulo ko sa balikat niya.
Natawa ako. Tingnan niyo 'to, nasa Ninong na agad!
"Bakit naman?"
"Wala akong tiwala kanila Joao! Baka kung ano pa ituro ng mga 'yon sa anak natin!"
Mas lalo akong natawa. "Si Joao, Tiktok ang ituturo niya sa anak natin, 'no!"
Lumingon siya sa 'kin at ngumiti nang nakakaloko. "Anak natin," pag-ulit niya sa sinabi ko. "Ang sarap pakinggan kapag ikaw nagsasabi."
Hinampas ko siya sa hita gamit ang isa kong kamay. "Idol mo na naman ako!"
"Idol naman talaga kita. Hi, Idol!"
Umiling na lang ako at tumawa sa mga pang-aasar niya. Tumigil lang siya sa pang-aasar noong tinawag na ang pangalan ko. Natatawa pa ako dahil mas humigpit ang hawak niya sa kamay ko habang papasok na kami sa loob.
"Hello, Mr. and Mrs. Pangilinan!" bati agad ni Doc pagkapasok namin. "Ang cute niyo namang tingnan!"
Ay, ano ba, Doc, wala akong piso!