[Magtatampo talaga ako kapag hindi ka pumunta, Belinda!]
Eto na naman tayo sa mga paganito ni Donato na tinatawanan ko lang. Sinabi ko namang pupunta ako ngayon pero hindi pa rin siya mapakali hangga't hindi niya ako nakikita na nandoon nga sa venue.
Tumawa ako. "Pupunta nga ako!"
['Wag kang tumawa, Belle! Seryoso ako! Magtatampo talaga ako sa 'yo! Hindi kita papansinin ng mga 1 hour kapag hindi ka pumunta!]
Napa-facepalm na lang ako. Mas lalo pa akong natawa sa mga bulong niya at mga side comments na rinig na rinig ko naman. Ano ba 'tong si Donny?!
"Chill! Pupunta nga kasi ako!"
[Nasaan ka na ba?]
May naririnig na akong mga talbog ng mga bola sa background ni Donny. Hindi ako siguro kung nagsisimula na ba ang laro nila. Pero mukhang hindi pa naman. Kausap ko pa si Donny sa phone, eh. Unless, kaya niyang sumagot ng phone call habang naglalaro ng basketball.
"Bahay," sagot ko. "Hinihintay ko na sina Sophie."
[Dapat sinundo na kita kanina, eh!]
Ramdam ko hanggang dito ang frustration ni Donny. Hindi ko rin alam kung bakit siya nafu-frustate, eh, pupunta naman talaga ako. Babatukan ko nga 'yun mamaya.
Maya maya ay may narinig na akong bumusina sa labas. Mukhang sina buddy na 'yon, ah? Kaya tumayo na ako at lumabas ng bahay.
"Sige na, nandito na yata sina buddy!"
[Sabihin mo kay buddy, ingatan ka, ha! Mas mahal pa kita sa buhay ko!]
Natawa ako sa sinabi niya. Pahirapan pa sa pagbubukas ng gate dahil may hawak pa akong phone. Eto namang si buddy, busina nang busina. Mamaya lumabas na lahat ng kapitbahay ko dahil sa pagbusina niya nang walang tigil.
Paglabas ko ng gate, nakita ko agad ang sasakyan ni buddy. Tumigil na rin siya sa pagbusina. Nantitrip na naman ang taong 'yon!
Nagpaalam na rin ako kay Donny. Narinig ko rin kasi sa background na may tumatawag na sa kaniya. Baka magwawarm-up na sila o kung ano man. At least, mapapanatag na siyang pupunta talaga ako. Parang timang talaga 'yun minsan, eh. Pupunta naman talaga ako! Saan ba niya nakuha na baka hindi ako pupunta ngayon?
Binati ko sina buddy at Sophie pagsakay ko ng sasakyan. Nagbabardagulan pa sila noong pumasok ako. Sabay silang tumingin sa 'kin at binati ako pabalik bago pinagpatuloy ang bardagulan habang nagda-drive si buddy. Ibang klase! Multi-tasker!
"Kailangan nating magmadali," sabi ni buddy habang nagda-drive. Mabilis siya magpatakbo at para akong aatakihin sa puso tuwing nago-overtake siya. Si Sophie na nasa front seat, ayun at pinagsisigawan si buddy.
"Bakit ka ba nagmamadali?!" reklamo ni Sophie.
"Hindi pwedeng magsimula ang laro nang wala ako! Kailangan ako roon!"
"At bakit?!" grabe, ang lakas ng boses ni Sophie! "Hindi naman nila kailangan ng mascot!"
Biglang bumagal ang takbo namin at tawa naman ako nang tawa sa backseat. Aliw talaga ang bardagulan ng dalawang 'to. Bardagulan kasi namin ni Donny, nauuwi sa pikunan. Mas madalas siyang mapikon pero mas grabe naman akong mapikon!