"Magkamukha talaga kami," sabi ni Donny habang pinagmamasdan namin si Dave. Karga niya si Dave habang nakatayo kami rito sa may pool. Every morning, pumupunta kami rito para paarawan si Dave. Sabi nila Mommy, gawin daw namin 'to tuwing umaga, eh. Kaya pati sarili namin, pinapaarawan na rin namin. Goals 'yan?
"Mas magkamukha kaya kami," pakikipagtalo ko. Ipaglalaban ko 'to!
"Tingnan mo kasi 'yung buong mukha niya."
"Sa mata pa lang, magkamukha na kami. Kaya ako ang mas kamukha niya!" sabi ko habang hinahawakan ang paa ni Dave. Ang cute kasi, ang liit!
"Hindi ako papayag!"
Habang nagtatalo kami kung sinong mas kamukha ni Dave, nakatingin lang sa 'min ang anak namin. Siguro iniisip niya kung seryoso bang kami ang parents niya? Charot!
"'Di ba, baby? Kamukha mo si Mommy?" tanong ko sa anak ko habang hinahawakan ko ang maliit niyang kamay.
"Mas kamukha mo si Daddy, baby. 'Wag ka maniniwala sa Mommy mo. Palagi niya akong inaaway," sabi naman ni Donny habang nakatingin kay Dave.
"'Wag kang magpapaniwala sa Daddy mo, Dave! Ang dami niyang alam! Puro kalokohan naman!" sabi ko sabay irap. Talagang sinisiraan namin ang isa't-isa sa harap ng anak namin, 'no?
Buti na lang, natapos din kami sa usapang 'yon. Mamaya na lang ulit namin pagtatalunan kung sino ba talaga ang mas kamukha ni Dave. Nangalay na rin kami sa pagkatayo kaya umupo kami sa malapit na bench. Ganda ng view mula rito. Kitang-kita 'yung sunrise.
"Magiging playboy kaya siya paglaki niya?" biglang tanong ni Donny habang nakatingin kay Dave.
Tumawa ako. "Hindi siya magiging playboy kung hindi mo tuturuan," biro ko.
Mabilis naman siyang tumingin sa 'kin at masama pa akong tiningnan. "Excuse me, Belinda Pangilinan! Paano ko siya tuturuan kung hindi naman ako playboy?"
"Sus!"
"Aba, napaka-loyal ko kaya sa 'yo! Hindi ako marunong mambabae, 'no!" pag-eexplain niya. "Ikaw, Belle, umamin ka nga sa 'kin. May pinagseselosan ka ba at ganiyan ka magsalita?"
Tumingin ako sa kaniya at natawa. "Wala, 'no!"
"Weh? Totoo?"
"Wala nga!" natatawa kong sinabi.
"Buti naman. Wala naman kasi akong ibang babae bukod sa 'yo."
Tumawa ako at hinampas siya. "Dapat lang!"
"Ganoon ka dapat, Dave, ha! 'Wag ka magpapaiyak ng mga girls kahit napakagwapo mong bata," sabi niya pa sa anak namin. Nakatingin lang naman sa kaniya si Dave tapos para natatawa pa. Pinagtitripan yata siya ni Dave, eh!
"Inaasar ka yata ni Dave," sabi ko bago natawa.
Ngumuso si Donny habang nakatingin kay Dave. Tapos nagmake-face siya na parang baliw. Pati 'yung mga wacky pose niya kapag nagse-selfie siya, ginawa niya rin. Ang ending naman, kaming dalawa ang tuwang-tuwa sa ginawa niya. Pagtingin namin kay Dave, tulog na. Tinulugan kami.
"O? Inaantok ka rin?" tanong ni Donny nang ipatong ko sa balikat niya ang ulo ko. "Pasok na tayo sa loob, matulog ka rin."
"Hindi naman ako inaantok," sabi ko pero humikab naman ako pagkatapos.
"Hindi pala, ha?" pang-aasar niya. "Matulog ka na rin. Hindi ka nakatulog nang maayos kagabi."
"Ikaw din naman."
Paano naman kasi, kapag umiiyak si Dave sa gabi, pareho kaming bumabangon. Kaya kung puyat si Dave, puyat din kaming dalawa. At 'yon ang tinatawag na family goals. Cheret!
