"Belle, galit ka ba sa 'kin?"
Napatigil ako sa pag-kain ng grapes nang marinig ko ang tanong ni Donny. Nagtataka ko siyang nilingon. Nakanguso siya at parang iniisip niya talagang galit ako sa kaniya. Bakit naman ako magagalit? Okay naman kami, ah? Pinapansin ko naman siya. Hindi ko na nga siya masyadong inaaway. Wala akong maisip na dahilan kung bakit niya maiisip na galit ako sa kaniya.
"Ha? Hindi. Bakit naman ako magagalit?"
Humarap siya sa 'kin at hinawakan ang isang kamay ko. 'Yung isang kamay ko naman ay hawak pa rin 'yung isang piraso ng grapes na kakainin ko dapat kanina.
"Kasi hindi kita pinapayagan lumabas. Nandito ka lang lagi sa loob ng bahay. For sure, bored na bored ka na rito."
Kinain ko 'yung hawak kong grapes at dahan-dahang nginuya 'yon habang pinapakinggan ko ang sinasabi ni Donny. Hindi siya nakatingin sa 'kin pero halata sa itsura niya na nagu-guilty siya sa nangyayari. Bakit naman siya magu-guilty? Hindi naman ako nagrereklamo kasi naiintindihan ko naman.
"Talaga! Bored na bored na talaga ako rito!" natatawa kong sagot. "Pero hindi naman ako galit sa 'yo or whatsoever kasi naiintindihan ko naman. Ganito ka rin naman noong buntis ako kay Dave."
Simula noong medyo malaki na 'yung tummy ko at nahihirapan na ako gumalaw masyado, hindi na niya ako pinapayagan lumabas. Kaya kapag gusto kong makita ang mga kaibigan ko, sila ang pinapapunta ni Donny dito. Gold ako! Charot!
Pero naiintindihan ko naman 'yun. Ganito rin siya noong kay Dave kaya hindi na ako nagulat o nagalit. Alam ko namang iniisip niya lang din 'yung safety namin ni baby Ino. Kaya okay lang sa 'kin.
Bumuntong-hininga siya at lumapit sa 'kin bago ako niyakap. Ano ba 'to? Umaga pa lang, nag-eemote na. Mamayang gabi pa dapat para mas ramdam. Char!
"'Di bale, paglabas ni baby Ino, kahit sa labas ka na tumira," sabi niya bago tumawa. Tingnan niyo 'to! Kanina, nag-eemote. Tapos ngayon, mapang-asar na ulit. Daig pa mood swings ko, eh.
"Ikaw na lang kaya ang tumira sa labas tutal ikaw naman nakaisip?"
Tawang-tawa siya habang niyayakap ako. "Joke lang! Eto naman, sineryoso agad!"
Inirapan ko lang siya at pinagpatuloy ko ang pag-kain ng grapes kahit parang tarsier siyang nakayakap sa 'kin. Pareho kaming nasa tarsier era, kaloka!
"Nasaan nga pala si Dave?" tanong ko.
Kanina, pumunta siya rito sa 'kin noong pagdating nila galing School. Pinakita niya sa 'kin 'yung mga stars niya sa kamay. Very good talaga ang baby ko!
"Nanonood ng TV," sagot ni Donny. "Kinakain niya 'yung baon niyang cookies na hindi niya naubos."
Napangiti ako. Sabi ko kasi sa kaniya, 'wag siyang magtitira ng pagkain. 'Yung iba nga walang tsinelas, eh. Sige, isipin niyo ulit ang connect ng tsinelas. Charot!
Nakatingin lang kami ni Donny sa paligid habang nagkekwentuhan. Ang sarap kasi ng hangin dito sa veranda kaya gustong-gusto kong tumambay dito. Tapos nature pa ang view mo. Feeling ko tuloy, mas fresh pa sa fresh air ang nalalanghap namin dito.
"Hindi pa ba sumasakit ang tummy mo?" tanong niya.
Ngayon week na ang due date ko. Kaya sa guest room na ulit kami natutulog. Kasama rin namin si Dave sa room kasi ayaw namin siyang iwanan mag-isa sa taas. Siya lang tao roon kapag dito kami sa guest room matutulog.
"Hindi pa naman," kalmado kong sagot. Mas kalmado ako ngayon kumpara noong kay Dave. Siguro dahil 2nd pregnancy ko na 'to kaya hindi na ako masyadong kinakabahan.