Christmas is just around the corner. Usually, sa bahay kami nagce-celebrate ng Christmas at New Year. Hindi nga lang namin kasama sila Manang kasi umuuwi sila sa mga families nila bago mag-Christmas. After New Year na ang balik nila rito sa bahay. Kapag ganoon nga lang na wala sila Manang, araw-araw kaming nag-aaway nila Kuya noon. Lalo na kapag magtuturuan na kung sinong maghuhugas ng mga plato.
"Ang lamig!" niyakap ko ang sarili ko nang maramdaman ko ang malamig na hangin pagkalabas ko ng bahay. Naka-jacket na ako at lahat, giniginaw pa rin ako!
"Belle!" napatingin ako kay Kuya DJ na nakatayo sa gilid ng van. "Sumakay ka na sa loob at baka sipunin ka!"
Kaya lumapit ako sa kaniya habang yakap ko ang sarili ko. Sumakay ako sa van at umupo sa tabi ni Ate. Binaba ko ang tingin ko sa tummy niya. I still can't believe it! Hindi pa obvious ang baby bump niya pero totoong may baby na sa loob ng tummy niya! Ahhh! Tita Belle is soooo excited to meet you, baby Cali!
This week lang din namin nalaman na 2 weeks pregnant na pala si Ate. Nagtalo pa kami ni Kuya kung anong magandang gawin sa gender reveal. Si Ate naman, pinagtatawanan lang kami kasi malayo pa naman daw 'yon. Aba, kahit na! Excited na ako sa gender reveal at sa pagdating ni baby Cali!
"Ate, sumisipa na ba si baby?" tanong ko habang pinapatong ko ang kamay ko sa tummy niya.
Natawa naman si Ate. "Para kang si DJ! 'Yung totoo, ako ba talaga ang kapatid mo o siya?"
Ngumuso ako. "Malay mo, biglang may sumipa!"
"2 weeks pa lang si baby, wala pang sisipa!" tumatawang sagot ni Ate. "Kung gusto mo talagang may sumipa, magpasipa ka kay Joshua."
Ngumiwi ako. "Baka siya pa ang sipain ko!"
Tumawa si Ate sa reaction ko. Nagtanong na lang ako tungkol sa mga nararamdaman niya this past few days. Niloloko niya pa ako na may balak na raw yata akong magpakasal kaya ako nagtatanong! Grabe, nagtatanong lang naman talaga ako kasi curious ako! Nothing more, nothing less!
Nang makita kong lumabas na rin ng bahay sina Mommy, pumunta na ako sa likod ng inuupuan ni Ate. Madilim pa ang paligid pero ang tataas na agad ng energy ng mga kasama ko. Mga adik yata 'to, eh? Ay, charot! Magulang ko pala 'yung dalawa.
"Where's Belle?" rinig kong tanong ni Kuya. Nilalagay na nila 'yung mga gamit sa likod ng van.
"I'm here!" sigaw ko kahit hindi ko nakikita si Kuya. Bakit ba niya ako hinahanap? Gusto niya ba akong nakikita? Ako, ayoko siyang nakikita.
"Nasaan 'yung mga pagkain? 'Yung pinadala ko sa 'yo kanina?"
"Nandito sa tabi ko," sagot ko habang tinitingnan 'yung mga eco bag sa gilid ko na puro pagkain ang laman.
"Talagang tinabi mo sa 'yo, eh?" natatawang tanong ni Kuya.
Umirap ako kahit hindi niya nakikita. "Kung gusto mo, tabihan mo rin!"
"O, tama na 'yan! Kayong dalawa talaga!" saway agad ni Daddy. Tumawa lang si Kuya at kung ano-ano pa ang sinabi na hindi ko na naintindihan.
Pagkatapos nila roon, sumakay na rin sila sa van para makaalis na kami. Wala pang araw noong umalis kami sa bahay. Malayo kasi ang Antipolo kaya gusto ni Daddy, maaga kaming aalis para hindi kami maipit sa traffic.