Hindi ko alam kung matatawa ba ako o magugulat nang mga dinosaurs ni Dave ang bumungad sa 'kin pagbukas ko ng pinto. Nakahilera pa sila na parang mga elementary students sa flag ceremony! In fairness naman kay Dave, ha! By height pa ang pila ng mga dinosaurs niya. Natawa na lang ako habang pinupulot isa-isa ang mga dinosaurs.
Iniwan ko sila ni Donny sa room ni Dave kanina kasi may kinausap ako sa phone. Hindi pa namin pinapatulog si Dave nang mag-isa sa room niya kasi baby pa naman siya. Tsaka na siya matulog mag-isa sa room niya kapag 20 years old na siya. Charot!
Pagpasok ko sa room ni Dave, hindi ko na napigilan ang tawa ko. Nakita ko kasi si Donny na nakahiga at natutulog. Tapos nasa tabi niya si Dave na pinapalibutan siya ng mga dinosaurs. As in, buong katawan ni Donny, pinalibutan niya ng mga dinosaurs. Hindi pa nga siya tapos at nandoon na siya sa may leg part ng Daddy niya.
Nang makita niya ako, binitawan niya ang mga hawak niya at tumakbo papunta sa 'kin. Kinarga ko naman agad siya at pinanggigilan.
"Mommy! Bee-bee!"
'Mommy' at 'Daddy' pa lang 'yung nasasabi niya nang malinaw. Kapag nagsasalita naman siya, naiintindihan naman namin kahit hindi pa buo 'yung mga words niya. Ang bilis niya nga makapagsalita, eh. Parang chismoso 'to paglaki. Char!
"Ha? You want bee-bee?"
Bee-bee means Jollibee. Favorite niya 'yung spaghetti at fries ni Jollibee. Hindi naman namin siya pinapakain ng ganoon araw-araw kahit araw-araw niya hinahanap.
"Bee-bee!" sabi niya at pumalakpak pa. Aba, may sinabi na ba akong bibili kaming Jollibee?
Tumawa ako at pinanggigilan ulit si Dave. Ang cute-cute!
"Gusto ko rin ng bee-bee! Iwan na natin si Daddy dito," sabi ko habang lumalabas na kami ng room.
Pumunta muna kami sa room namin para kunin ko 'yung wallet at phone ko. Naka-pajama pa si Dave. Pero okay lang naman kasi magdrive-tru lang naman kami.
"Ate, kapag hinanap po kami ni Donny, sabihin niyo na lang po na may binili lang kami," sabi ko kanila Ate Mei nang makita ko sila sa labas ng bahay.
"Sige po, Ma'am!"
Sinakay ko sa backseat si Dave at nilagyan ko na rin ng seatbelt para safe na safe siya roon. Habang nagda-drive naman ako, palakpak nang palakpak si Dave.
"Where are we going, baby?"
"Bee-bee!"
Tumawa ako kaya tumawa rin siya. Buti na lang, may malapit na Jollibee rito sa village namin kaya nakarating agad kami. Medyo mahaba nga lang ang pila sa drive-tru.
Kahit mahaba ang pila, mabilis namang gumalaw ang pila kaya mabilis din kaming naka-order. Binilhan ko na rin ng food 'yung mga nasa bahay lalo na si Donny. Para naman hindi 100% siyang magtatampo kasi iniwan namin siya.
Binigay ko na agad kay Dave ang fries niya. Tuwang-tuwa naman niyang kinuha 'yon at sinimulan na kainin. Mamaya na niya kainin at spaghetti niya at baka maligo lang siya ng spaghetti kapag kinain na niya 'yun ngayon.
Habang pauwi na kami, biglang tumunog ang phone ko. Nang makita kong si Donny ang tumatawag, natawa na agad ako. Wow, gising na siya.
[Nasaan ka?]
"May binili lang."
[Kayo ni Dave?]
"Oo," sagot ko. Nakatigil kami sa traffic light kaya lumingon muna ako kay Dave. "Baby, si Daddy, oh! Kausapin mo."
[Anong ginagawa ni Dave?]
"Kumakain. Ayaw kang kausapin," sabi ko bago tumawa. Hindi kasi ako pinansin ni Dave. Focus siya sa fries niya.