Soulles Chapter 64: Faith and Hope

311 8 0
                                    

Soulless Chapter 64:
Faith and Hope
~♛♛♛~

Narating ko ang silid kung saan tiyak kong maglalagi ang aking ama.

Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang makalat na aklatan. May mga papel sa bawat sulok, armas at libro. At sa gitna naroon siya, kasama ang ilan sa mga ranggo. Nagpaplano para sa Harilia, laban sa sarili naming bayan.

"Ama" isang salita ang binitawan ko na siyang nagpahinto sa kanila. Doon lang nila napansin na naroon na ako, at noon ko lamang rin nakita ang kabuuan ng aming Hari.

Malayo ang itsura niya sa haring nakikita ko sa aming palasyo noon. Sa maikling panahon, mas lalo siyang pumayat at sa maikling panahon na iyon bumabakas sa pisikal niyang anyo ang hirap na kinahaharap nila.

"Eloisa" tumikom ang bibig ko ng marinig ang pangalang iyon sa kaniyang bibig. Hinihintay ko ang reaksyon niya, isang tanda na masaya siyang makita ako.

Ngunit iba ang rumehistro sa mukha ng aking ama.

Pagtataka at paghahanap.

"Hindi mo kasama si Dylan?" Nawalan ako ng boses sa tanong na iyon.

Si Dylan ang hinahanap niya, at alam niya kung nasaan ako. Dapat ba akong matuwa? O dapat ba akong masaktan?

Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Pero hindi naman iyon ang mahalaga sa ngayon, hindi mahalaga kung maging masaya siya na narito ako. Dahil ang Harilia ang dapat naming isipin.

"Gusto ko kayong makausap, a-ama"

Ilang sandali siyang tumitig sa akin bago magbigay ng hudyat sa mga tauhan na kasama namin.

Bumukas din ang pinto sa likuran ko at ramdam ko ang prisensiya ni Athalia. Nang sumara ang pinto at maiwan kaming tatlo ay hindi na ako nag-aksaya ng oras.

Agad kong hiniling sa kaniya na tapusin na ang gulong ito, na bumalik na siya sa Harilia at mamuno tulad ng dati.

"Ama, pakiusap. Nagkakagulo ngayon ang buong bayan at kail-"

Isang malakas na hampas mula sa lamesa ang nagpahinto sa akin. Kitang kita ko sa mga mata ng aking amang hari ang galit.

"Tumahimik ka Eloisa! Naririnig mo ba ang sinasabi mo!"

Kulang ang salitang takot, para ilarawan ang naramdaman ko matapos niya akong sigawan. Sa buong buhay ko, hindi ako kailanman natakot sa kaniya at ni hindi ko nakita ang sarili kong natatakot sa kaniya. Kailanman ay hindi siya nagalit sa akin, ngunit alam kong hindi ko rin siyang naging kakampi.

"Tingin mo ba ay ganoon lamang kadali ang hinihingi mo! Lumaki ka na pinapanood kung papaano gumalaw ang konseho, kaya't dapat ay alam mo ang bagay na sinasabi mo ay isang kalokohan. Tingin mo ba kasing dali na lamang ang sitwasyon na ito sa tuwing gumagawa ka ng gulo noon!?" Napayuko ako sa sinabi niya habang ninanamnam ang bawat salita mula sa kaniya.

Ano bang mali sa hinihingi ko? Gusto ko lang ng kapayapaan. Gusto ko lang bumalik sa dati ang lahat, sa normal na buhay na meron kami. Sa buhay kung saan ako lang ang gumagawa ng problema para sa kanila.

Ilang minutong katahimikan ang bumalot sa amin, dinig ko ang pagpapakalma ni ama sa sarili niya, ngunit halos mabingi ako sa mga salitang binitawan niya.

"Wala ng ibang paraan kung hindi ang lumaban sa konseho!"

Umangat ang mga mata ko at ramdam ko ang galit sa bawat salitang iyon. "Pero magiging kalaban niyo rin ang buong bayan! Ang Harilia! Si Ina, si Tiyo! Lahat ng inosente na walang kaalam alam sa problemang binibigay natin sa kanila!"  Para akong sasabog, habang iniisip ang mga buhay na nasayang sa loob ng eskwelahan at mga masasayang dahil sa digmaang gusto nilang gawin. "Pamilya natin ang gumawa ng gulong ito, ikaw at ang bastarda mong anak!"

Sa isang iglap, tinawid ni ama ang pagitan namin. Isang sampal ang nagpaluhod sa akin.

"Kapatid mo ang tinatawag mong bastarda! Alam kong mali ang pagpapalaki sa iyo ni Cornelia, pero hindi ko alam na mas malala pa roon ang ugali mo! Matagal ng magulo ang Harilia at dapat noon ko pa ito ginawa! Hindi matatapos ang gulong ito kung hindi ako lalaban!"

"Pero paano sila tiyo Valdemor?" Lumingon ako kay Athalia, at kitang kita ko sa mga mata niya ang lungkot. Ngunit kinagat ko ang awa para sa kaniya upang magpatuloy. "Handa ka bang labanan rin siya?"

Hinihintay kong kampihan niya ako upang makumbinsi ang hari, ngunit ibang mga salita ang lumabas sa labi niya. "Hindi siya lalabanan ng iyong Ama, Eloisa. Dahil ikinulong siya ng buong konseho. Tumanggi si Ama na tumulong sa kanila matapos nila akong hatulan, natakot silang pumanig sa amin ang seer ng bayan kung kaya't ikinulong nila ang aking ama."

"A-ano?" Halos manghina ako sa balitang iyon. Ang aking tiyo, ang tumayong ama ko ay ikinulong ng konseho. Tuluyan akong napaupo, nanghina sa natuklasang iyon. Ang tiyo ko, ang pinsan ko at ang buong Harilia.

Sino nga ba ang dapat kong sisihin sa lahat? Si Ama? Si Alicia? O ang konseho?

"Kaya't nakikiusap kami sayo Eloisa, tulungan mo kami."

"Narinig mo ang pinsan mo Eloisa. Hinding hindi na maibabalik sa dati ang lahat kahit sumuko pa ako ngayon, walang ibang paraan kung hindi ang labanan sila. At ikaw bilang anak ko ay lalaban para sa tama. Tutulungan mo kami."

Tahimik akong umiyak, habang nakatitig sa sahig. Sa mga sinabing iyon ni ama ay tila nakita ko na ang maraming buhay na nakakalat sa lupa habang ang mga kamay ko ay puno ng dugo. Ang panaginip ko, ang kapalaran ko.

Parang unti-unti na silang nagkakabuhay dahil sa kaniya.

"Hindi! Hindi ko lalabanan ang bayan ko! Hindi ko kayo tutulungan!" Umangat ang tingin ko sa aking ama at alam kong nakikita niya ngayon sa mga mata ko ang galit at determinasyon. "Gagawa ako ng paraan para mabago iyon! Walang magbubuwis ng buhay para sa walang kwentang digmaan na ito!"

Hindi nagbago ang mga mata ng Hari at alam kong wala akong maasahan mula sa kaniya, sa kanila.

"At hindi ka rin makakalabas sa lugar na ito hanggang hindi natatapos ang gulo." Sa sinabi niyang iyon ay binuksan ni Athalia ang pinto, pumasok ang ilang rank.

At walang pagdadalawang isip na iginapos ang mga kamay ko.

"Dalhin niyo siya sa kaniyang silid, siguraduhin niyong hinding hindi siya makakalabas kahit anong mangyari."

Yumukod ang mga tauhan bago ako alalayan. Alam kong seryoso ang hari sa utos na iyon.

"Hindi! Hindi niyo ito pwedeng gawin sa akin! Pakawalan niyo ako! Athalia!"

Sinubukan kong humingi ng tulong sa kaniya, ngunit malungkot na ngiti lamang niya ang mga ibinigay niya sa akin.

"Mas magiging ligtas ka sa lugar na ito Eloisa, pangako ililigtas kita" hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Wala akong maintindihan dahil galit lamang ang nararamdaman ko.

Athalia's Pov

"Le vis'a vian" i murmured in the air while watching Eloisa's back. Sa isang iglap lamang ay tumahimik ang paligid. May pagtataka sa mga mata ng mga ranggo habang hawak ang walang malay na katawan ng pinsan ko.

Ngunit isang tango lamang ang ibinigay ko upang magpatuloy sila.

"Salamat. Pangako, makukuha natin si Valdemor." Lumingon ako sa Hari, at ngumiti.

May tiwala akong magagawa iyon ng Hari.

"Ginawa ko lamang po ang tingin kong tama. Alam kong pareho lang nating iniisip ang kaligtasan ng prinsesa."

Tumitig muli ang Hari sa daan kung saan dinala si Eloisa. Wala na sila ngunit tila naroon pa rin ang kaniyang anak, habang buhat ng mga ranggo. Kitang kita ang lungkot at pagod sa mga mata niya, at tiyak na iisa lang ang gusto namin.

Ang matapos na ito upang makabalik na ang lahat sa dati.

"Ayoko ng mawalan ulit ng isa pang anak, at kung kailangan kong ikulong si Eloisa upang hindi siya makuha ng konseho o ng kaniyang ina ay gagawin ko. Hinding hindi nila magagamit ang prinsesa sa kahit anong masamang balak nila." May galit sa mga mata ng pinuno at alam kong kailangan ng masimulan ang plano bago pa mahuli ang lahat.

Walang pagdadalawang isip akong nagbitaw ng pangako, pangako na hanggang kamatayan ay dadalhin ko.

"Ibabalik ko po si Alicia, kamahalan. Pangako, ililigtas ko ang mga prinsesa ng Harilia."

The Soulless Queen (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon