Soulless Chapter 71: Cage and Voices

192 3 0
                                    

Soulless Chapter 71:
Cage and Voices
~♛♛♛~

I stared directly on the eyes of the queen.  Of my own mother.

Nakangiti siya ngunit alam kong hindi totoo ang ngiting iyon. Nakangiti lamang siya dahil nakapaligid ngayon sa amin ang mga konseho. Si tiyo Valdemore at tiya mella na lamang ang kulang at kumpleto na ang konseho. Maging ang ama ni dylan ay narito rin ngayon, sa bulwagan na inilaan lamang ng aking ama para sa mga mahahalagang pagtitipon.

"Hindi ba't sinabi ko na sa inyo. Babalik ang prinsesa natin. Babalik ang anak ko sa akin." Parang isang lason ang salitang iyon.

Anak, mapait akong napangiti. Wala talaga akong maramdaman sa tuwing sasabihin niya ang salitang iyon.

Umangat ang mga mata ko sa mga konseho at gaya ng inaasahan ay hindi sila masaya na narito ako. Ang mga matatandang ito na walang alam gawin kung hindi ang kumapit sa kapangyarihan manatili lamang sa pyramid.

"Nakakatuwa, tiyak na masasaktan ang pinuno dahil sa desisyon mong ito binibining Eloisa. Napaka husay kamahalan." Narinig kong ang pilit na paghalakhak ng ilan sa kanila sa sinabing iyon ng baliw na doktor.  Tanging siya lamang ang may pinakamalakas na tawa sa lahat.

Biglang pumasok sa isip ko ang babaeng iyon, at kusang nabuhay ang galit sa dugo ko.

Nanginginig sa galit ang mga kamay ko at gusto kong hablutin ang buhay paalis sa baliw na bampirang iyon. Ngunit pinigilan ko ang sarili ko, kailangan kong pigilan ang sarili ko. Hindi ako bumalik sa bayan na ito sa paraang alam nila, bumalik ako upang pigilan ang anumang digmaang gusto rin nilang lutuin, bumalik ako upang itama ang bagay na posibleng gawin rin nila laban sa pinuno ng bayang ito. Ang maaaring gawin ng aking ina laban sa aking ama.

Iyon ang nasa isip ko ng bumalik ako sa bayang ito, ngunit hindi ko mapigilang hindi lingunin ang baliw na doktor at alam kong matalim na matalim ngayon ang mga mata ko dahil sa galit, posibleng nagpalit na rin iyon ng kulay, ngunit agad iyong naglaho ng mahagip ng mga mata ko ang ama ni dylan.

Hindi siya tumatawa gaya ng iba at nakatingin lamang siya ng diretso sa mga mata ko. Doon ko lang napansin na tanging siya lamang ang may bantay na mga ranggo sa kaniyang likuran.

Kusang bumaba ang mga mata ko sa sahig at hinayaan na lamang ang lahat. Naririnig ko ang palitan nila ng pag-uusap tungkol sa aking ama, tinatawag pa rin nilang pinuno ngunit tila lason naman sa pandinig ang bawat salitang iyon. Naririnig ko ang tawanan nila ngunit wala akong magawa para patigilin sila.

Wala pa akong magagawa.

"Pakiusap, huwag nating pag-usapan ang mga bagay na iyan sa harapan ng aking anak. Tiyak akong nasasaktan rin siya sa isiping tinalikuran niya ang pinuno para sa atin." Umangat muli ang tingin ko sa reyna at gaya ng inaasahan, may munting ngiti na naman sa kaniyang labi. "Masaya akong bumalik sa atin ang prinsesa, iyon na lamang ang paghandaan natin sa ngayon. Maari ba?"

Sumang-ayon ang lahat at gaya noon, nagawa na naman niyang baguhin ang paksa. Nagawa na naman niyang pagaanin ang loob ng mga konseho.

Wala akong nagawa ng hingin ng reyna na tumayo ako sa tabi niya. Para akong hangin lamang habang nakikinig sa mga walang kwentang pinag-uusapan nila. Mga problemang may kinalaman sa pagbabago ng Harilia.

Sinusubukan nilang baguhin ang Harilia sa paraang gusto nila, sa paraan ng reyna. Nakita ko ang mga pagbabago kanina lamang at alam ko na kaagad na walang mabuting naidudulot iyon sa mga mamamayan. Napupuno ng takot ang lahat at mas nakikita ang pagkadisgusto ng bagong patakaran sa ibang lahi. Pabor ang lahat sa mga bampira- pabor sa orihinal na plano ng reyna.

The Soulless Queen (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon