KAIBIGAN

27 1 0
                                    

KAIBIGAN

Hello po sa inyong lahat diyan. This is Faith from Pampanga, once again. Salamat sa lahat ng mga nagbabasa ng aking mga  kwento, sa mga nagko-comment ng positibo man o  negatibo, I THANK YOU!

Ang kwentong ko ngayon ay nangyari sa aking pinsan. Ang pangalan nya ay Leng (di tunay na pangalan). Maganda itong si Leng at maputi, matangkad sya kumpara sa mga ka - edad nya. Mabait si Leng at may sakit siya sa puso, kaya alagang-alaga sya ng pamilya nya.

Maraming nakapansin sa pamilya nya na laging may kausap si Leng sa kanyang paglalaro, minsan tumatawa, minsan parang naiinis.

Hanggang isang araw ng tanghali, labasan sa school, sinundo ng kanyang Ina si Leng. Aling Penny ang kanyang pangalan .  Pagdating ay nanood ng TV si Leng pero sabi ng Nanay nya dapat kakain na kasi may pasok pa sa hapon. Kaya inakay siya ng kanyang Ina sa kusina. Iniwan siya sa mesa saglit habang nilalaro ni Leng  ang biniling goma sa school. At kanyang binuksan ang bentilador at tinapat sa bata. Diretso sa may stove para isandok ng pagkain. Iniluto nya ang paboritong sinigang na liempo ni Leng. Pagkakuha ng kanin ay nilagyan agad ng sabaw at ulam ang pinggan, humarap na siya para lapitan nya sa mesa ang anak. Nagtaka sya  dahil wala si Leng, bukas pa ang bentilador at nasa mesa ang mga gomang tinitirintas lang kanina ni Leng.

Hinanap ng nanay nya ang bata sa mga bahay ng mga anak na may asawa (bale compound kasi sila). Wala si Leng kaya pati mga kapatid at mga asawa nila ay naghanap din. Dumating ang Tatay nya mula sa bukid na isang magsasaka at nalamang nawawala ang bunso nya kaya naghanap din ito.

Yung kuya nyang isa pinuntahan ang dulo ng barangay nila sa kabila, at yung isa ay sa kabilang dulo naman. Ang mga ate nya ay nagbahay-bahay. Ang Nanay nya'y histerikal na. Ang Tatay nya naman ay naghanap sa mga bukid at baka daw kasi nagpunta doon, pati mga water pumps ay sinilip ng ama nya, maging ang mga tosang sa kanal na may mga umaagos na tubig.

Umabot ang takipsilim ay hindi pa rin nila nakita si Leng. Kumalat sa buong barangay ang nangyari. At nai-report na din nila sa pulis ang pagkawala nito. Hanggang sa gumabi ay di pa rin siya nakita.

Hindi nakatulog ang kanyang mga magulang magdamag, alalang - alala sila at takang-taka sa biglang pagkawala ng kanilang bunso.

Umabot ang 24 oras ay wala pa ring lead ang mga pulis. Patuloy pa rin sa pag-iyak ang kanyang ina. Iniisip pa rin nya paano bigla nalang nawala si Leng eh ilang minuto lang siyang nalingat. Paano nagka-ganun? Sobrang sinisisi nya ang sarili nya sa nangyari. Iyak sya ng iyak.

Hanggang sumapit ang alas sais ng hapon, madilim na yun. Biglang napabalikwas ang kanyang Ina habang itoy nananangis. May narinig siyang iyak ng bata, at tila ba ito'y ka-boses ni Leng. Pinakinggan nya itong mabuti kasi baka imahinasyon lang nya yun. Si Leng nga! Umiiyak ito ng walang patid, may kasama ng sinok na tila ba kaytagal nya ng umiiyak.

Tumayo siya at agad-agad tumakbo kung san nagmumula ang tinig, si Leng nga! Ang bunso at pinakamamahal nyang si Leng! Nakaupo dun sa mesa kung san nya ito iniwan kahapon. Iyak ng iyak ang bata.

Tumakbo siyang pasugod kay Leng at niyakap ito. Nagsisigaw si Aling Penny sa sobrang tuwa at nagtakbuhan ang kanyang mga anak at kapitbahay. Walang patid ang iyak ng bata. Mabilis na ikinuha ng tubig at pagkain ng kanyang ate si Leng. At habang pinapakain ni aling Penny ay tinanong siya ng mga ito kung saan ba siya galing. Ang sabi ni Leng sa kanyang patigil tigil na pagsasalita gawa nga ng pagsinok, may kaibigan daw siyang maliliit na may sumbrerong matulis, may sapatos na matulis at sinama sya nito sa lugar nila. Ang ganda daw doon maraming mga masasarap na pagkain at puro kulay yellow ang nasa paligid,  (sabi ng mga nakikinig ay baka ginto.) Maraming bulaklak at tila ito'y nakikita nya sa mga palabas na fairies sa TV. Pina-pakain daw siya pero di siya kumain, naglaro lang sila at ng magsawa ay naalala ang Nanay nya. kaya umiyak daw ito ng umiyak. Sinabi daw sa kanya na gagawin syang prinsesa kasi nga napakaganda nya. Ayaw ni Leng at ang tanging gusto nya ay umuwi nalang. Dahil sa tingin ng mga duwende ay hindi siya titigil sa pag-iyak at alam nilang may sakit siya sa puso ay ibinalik nalang siya ng duwendeng kaibigan nya.

Itinuro ni Leng sa kanila kung saan sila pumasok ng duwende at kung saan din sila lumabas kanina. Doon mismo sa imbakan ng kanilang palay.

Laking pasasalamat ng kanyang pamilya dahil ibinalik  ng mga duwende ang kanilang anak. At nag-alay sila ng pagkain para sa mga ito.

Ito yung pangyayaring kagimbal-gimbal na naganap nung kabataan pa ni Leng. Sa kasalukuyan, siya ay nakapag-asawa ng isang businessman at hindi sila biniyayaan ng anak dahil sa kanyang sakit. Dahil kung manganganak siya ay maaring manganganib ang buhay nya. Pero hindi naman naging hadlang  yun para hindi siya maging ina. Umampon sila at sila ang nag-shoulder sa expenses ng Nanay ng baby.

Ang pagiging ina ay wala naman yan sa dugo. Basta handa kang magbigay ng pagmamahal, pagkalinga at magpaka-ina sa bata. Ang bata naman ay lumaking mabait at mapagmahal, hindi itinago ni Leng sa kanya ang totoo. Ivan ang pinangalan ng bata.

Salute po sa mga kababaihan na kahit di biniyayaan ng anak ng Dios ay hindi sila sumuko bagkus hinanap nila ang purpose nila dito sa mundo. God bless!

Hugs and Prayers,
FAITH



📜Spookify
▪︎2020▪︎

[3] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon