Chapter 4

181 5 0
                                    

Mabilis na lumipas ang panahon. Ngayon nga ay isa ng ganap na Kapitan ng isang cruise ship si Lester. Siya ang isa sa mga mapalad na Pilipinong Kapitan sa pampasaherong barko. At hanggang ngayon, iisang babae pa rin ang laman ng kaniyang puso. Si Leslie Ann Santos. Walang araw sa loob ng mahabang panahon na hindi sumagi sa kaniyang isip ang dalaga. At wala ring oras na hindi niya pinangarap na muling makita ito.

Kaya naman ngayong araw, muli niyang susubukang magtapat ng pag-ibig sa itinatangi ng kaniyang puso. Siguro naman by this time, tatanggapin na siya ni Leslie Ann. Lalo na at tapos na siya sa kaniyang pag-aaral at isa na siyang matagumpay na kapitan, na may matatag na trabaho. Wala naman na sigurong dahilan para tanggihan nito ang kaniyang pag-ibig.

"O, may lakad ka?" takang tanong sa kaniya ni Chino nang datnan siya nitong abala sa pag-aayos ng kaniyang sarili.

Sinulyapan lang niya ang kaniyang kaibigan saka nakangiting ipinagpatuloy ang pag-aayos ng kaniyang damit sa harapan ng salamin sa kaniyang silid. Wala pa kasing ilang oras na nakalilipas nang dumating siya sa Pilipinas, tapos aalis na naman siya.

"Siyempre naman 'tol. May date ako," tugon niya sa kaibigan.

Sa Casa Vielle Condominium pa rin sila nakatira ni Chino. Kahit na pareho na silang kapitan, hindi pa rin sila umaalis sa condo nila. Nasanay na kasi sila roon at pareho naman silang walang pamilyang uuwian. Kaya napagkasunduan nilang doon na lang manatili habang wala pa silang sariling mga pamilya.

"Wow! Totoo ba iyan? Ikaw may date? Sino naman ang malas na babaeng iyon?" nakangising tanong ni Chino sa kaniya.

"Siraulo! Nag-iisa lang naman ang babaeng hanggang ngayon ay hinahabol-habol ko e," tugon niya sa kaibigan.

Tumawa naman si Chino sa kaniyang sinabi. Hindi naman kasi lihim sa kaibigan ang tungkol sa kanila ni Leslie dahil ito rin ang karamay niya noong basted-in siya ni Leslie noong unang beses siyang mag-propose sa dalaga.

"Ang tibay mo naman 'tol! Hanggang ngayon pala si Leslie pa rin ang itinatangi mo!" wika nito saka tinapik ang kaniyang balikat. "Well, good luck! Sana this time matamis na oo na ang matamo mo sa kaniya," sabi pa nito.

"I'll make sure of that 'tol. Anyway, I don't see any reason now para hindi niya ako gustuhin. Malayong-malayo na ako sa totoy na si Lester, at may matatag na akong trabaho ngayon. Maibibigay ko na sa kaniya ang buhay na deserve niya," confident naman niyang sagot dito.

"Well, all the best! Nandito lang ako kapag kinailangan mo ng sparing sa inuman. Wala naman akong pasok for two days, so we can be drunk all we want. Puwede ko ring tawagan ang ibang kaibigan natin if you wish to. Magsabi ka lang," nakangising saad pa ni Chino sa kaniya. Kung makapagsalita ito akala mo naman sure na sure na itong uuwi siyang bigo.

"Baliw! Ito lang ang titiyakin ko sa iyo, pag-uwi ko rito mamaya, isang magandang balita ang dala ko sa iyo." Kinindatan pa niya si Chino saka tinapik ang balikat ng kaibigan saka niya dinampot ang kaniyang coat.

"Tiyakin mo lang na magandang balita nga iyan ha? Baka mamaya hindi ako makapaghanda ng timba at tabo, bahain tayo rito," biro ni Chino sa kaniya.

"G*go! Sige na mauuna na ako sa iyo. See you later," paalam niya sa kaibigan saka nagmamadali ng lumabas ng kanilang unit. Isang malutong na tawa lang naman ang isinagot sa kaniya ni Chino na kaniya lang ikinailing.

Hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman niya ngayong nalalapit na ang oras ng pagkikita nila ni Leslie Ann. Sa tagal kasi ng panahon, ngayon lang ulit sila magkikita ng dalaga. After that night matapos siyang mag-propose kay Leslie noon, hindi na sila madalas na magkita nito. Iniwasan din kasi niya ang dalaga dahil na rin sa nasaktan siya noon. Ang buong akala kasi niya may unawaan na sila nito, iyon naman pala siya lang ang nag-assume ng bagay na iyon.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon