Chapter 37

72 2 0
                                    

Nagulat si Kris nang sabihin ni Lester kung saan sila pupunta nito. Sa dinami-rami kasi ng pupuwede nilang puntahan, bakit sa sementeryo?

"Bakit nga ba tayo rito nagpunta?" hindi nakatiis na tanong niya kay Lester nang humimpil na ang sasakyan ng binata sa gilid ng pathwalk kung saan maaaring iwan ang sasakyan.

Sumulyap sa kaniya si Lester habang nagtatangal ng seatbelt at ngumiti. "Basta," tugo lang nito sa kaniya saka siya kinindatan nito.

Naguguluhan man ay nag-alis na rin siya ng seatbelt at lumabas ng sasakyan. May kinuha lang na dalawang basket ng mga bulaklak si Lester sa likurang bahagi ng sasakyan nito saka siya binalikan ng binata. Ginagap nito ang kaniyang kamay at saka naglakad patungo sa bandang itaas ng sementeryo. Huminto sila sa isa sa mga museleyong nadaanan nila at doon inilagay ni Lester ang isang basket ng bulaklak bago ito nagsindi ng kandila. Malinis ang museleyo na halatang alaga sa linis.

Tahimik lang sila ni Lester na nakatayo sa harapan ng puntod habang nakatunghay roon. Palaisipan pa rin sa kaniya kung sino ba ang nakalibing doon. Nabasa lang niya na kaapelyido ito ng binata. Maya-maya lang ay nagsalita si Lester.

"Few years ago bago mamatay si mama, saka lang siya nagbalik sa amin ni papa." Umpisa nito. "I was in grade school when they got separated. Wala kasi silang ginawa kundi ang mag-away nang mag-away. Si mama umalis ng bahay, at hindi man lang nagsabi kung saan siya pupunta. Habang si papa naman, ayun naging busy sa mga negosyo namin. So sa madaling sabi, lumaki akong ang yaya at mga kaibigan ko lang ang kasa-kasama ko."

"Sorry," mahinang sambit niya habang nakatingin sa binata.

Ngumiti naman si Lester saka ginagap ang kamay niya. "Don't be. Okay naman na sa akin iyon. Well in fact, habang lumalaki ako nasanay na rin naman akong wala sila sa tabi ko."

"Hindi mo ba sila nami-miss noong mga panahong iyon?" tanong niya rito.

"Nami-miss. Pero wala naman kasi akong magagawa e. Si papa, palagi niyang sinasabi na ginagawa niya lahat ng ito para sa future ko. Pero ngayon kahit na may trabaho na ako, hindi ko pa rin siya mapatigil sa pagtatrabaho. Ang excuse niya naman ngayon, magkakasakit raw siya kapag huminto siya. Kaya hinayaan ko na lang. Kaya pasensiya ka na rin kung si mama lang muna ang makikilala mo," nakangiting sambit nito sa kaniya.

"Hi ma'am, nice meeting you po. Alam ninyo masuwerte kayo sa anak ninyo. Napakalayo na ng narating niya sa buhay. Kung nabubuhay lang po sana kayo, alam kong magiging proud kayo sa kaniya. Naabot na kasi niya ang pangarap ninyo para sa kaniya," kausap niya sa puntod ng magulang nito.

"Actually, it's not their dream for me. Pero anyway, I know that wherever mama is, masaya na siya para sa amin ni papa," wika ni Lester.

Nakaramdam ng kurot sa puso si Kris habang pinagmamasdan ang mukha ng binata. Kitang-kita niya ang pagbahid ng kalungkutan sa mukha nito. Kaya naman niyakap niya si Lester upang ipadama rito na hindi na ito nag-iisa ngayon. Na naroon siya sa tabi ng binata at hindi niya ito iiwan.

Gumanti naman sa pagkakayakap niya si Lester at hinalikan ang tuktok ng kaniyang ulo. Kasabay niyon ay ang pag-ihip ng hangin na tila nakikiyakap din sa kanila.

"Halika na?" maya-maya ay untag sa kaniya ni Lester.

"Saan?" kunot-noong tanong niya rito.

"Sa puntod ni Bryan," nakangiting saad ni Lester sa kaniya saka siya hinila nitong palabas ng museleo ng mga Guiaya.

Nabibigla man ay sumunod na lang siya kay Lester at naglakad na ngang patungo sa puntod ng dating asawa. Doon lang din niya napagtanto na kaya pala dalawa ang dala nitong basket ng mga bulaklak. Ang isa pala roon ay para sa yumao niyang asawa. Nang makarating sila sa puntod ni Bryan ay tahimik na inilapag ni Lester ang basket sa puntod nito.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon