Chapter 56

64 2 0
                                    

Abala si Kris sa paggawa ng report sa kaniyang working table nang lapitan siya ni Jaja at lapagan ng kape sa kaniyang tabi. Saglit siyang napasulyap sa kaibigan saka ngumiti. Sa ilang buwan niyang pananatili sa barko, walang araw na hindi siya naging busy. Paano, doon na lang kasi niya ibinubuhos ang kaniyang oras at atensiyon para hindi maisip si Lester.

Inabala niya ang kaniyang sarili para makalimutan ang pagtatampo sa kasintahan. Hindi ito nakasampa sa barko dahil sa pagbabantay at pag-aalaga ng kasintahan kay Leslie. Hindi kasi maiwan ni Lester ang babae dahil sa kalagayan nito at dahil na rin sa muling pagpapakita at pagbabanta ni Adam. Kaya umatras nang umatras ang pagsampa nito hanggang sa hindi na nga ito nakasampa.

"Pst! Itigil mo na nga iyang pagtitipa mo riyan. Hindi naman tatakbo iyang trabaho mo 'no!" sabi ni Jaja sa kaniya saka iniurong ang tasa ng kape sa kaniya. "Magkape ka na muna, mamaya na iyang trabaho."

Napangiti naman siya saka nag-inat. Kinuha niya ang tasa ng kape saka inihipan iyon bago sumimsim ng kape. Nakaramdam siya ng masarap na pakiramdam nang dumaloy mula sa kaniyang bibig, patungo sa kaniyang lalamuna at sikmura ang mainit na likido ng kape.

"Ahhh! Ang sarap!" aniya kay Jaja matapos sumimsim ng mainit na kape.

"Hay naku! Kung hindi pa kita dadlahan ng kape rito, malamang hindi ka pa makakatikim niyan. Saka tumingin ka na ba sa salamin lately?" tanong ni Jaja sa kaniya.

Napakunot-noo naman siya saka napatango sa kaibigan. "Oo naman! Bakit mo naman natanong?"

"So, nakita mo kung gaano kalaki ng ibinagsak ng katawan mo?" nakataas ang kilay na usisa nito sa kaniya.

"Ha? Pumayat ba ako?" hindi naniniwalang tanong niya rito.

"Ay, opo! Ang laki nga ng ipinayat mo e. Mapapa sana all na lang ako sa iyo! Ano ba kasing nangyayari sa iyo at nagpapakasubsob ka na naman sa trabaho? Alam kong malapit na ang inspection, pero sa organize mong iyan, alam ko rin na naka-file lahat ng mga kailangan para sa inspection. So, spill!"

"Spill? Alin itong kape? Sa iyo?" biro niya sa kaibigan.

"Gaga! Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Kayo ba ni Captain Lester ay mag-jowa pa? Malapit ka ng umuwi lahat-lahat, hindi pa rin sumasampa ang isang iyon a," usisa ni Jaja sa kaniya.

Muli naman siyang sumimsim ng kape para itago ang biglang paglungkot ng kaniyang mukha. Kaya nga siya nagpapakasubsob sa trabaho para hindi maisip ang relayon nila ni Lester, tapos ito namang si Jaja bigla siyang tatanungin tungkol doon.

"Hoy, ano? Kayo pa ba ng kapitan natin?" untag sa kaniya ni Jaja nang hindi siya kaagad nakasagot dito.

"Huwag kang sumigaw," saway niya sa kaibigan. "Oo naman, kami pa. Bakit parang inaabangan mo ang paghihiwalay namin?" Nakataas ang isang kilay niya habang nakatingin kay Jaja.

"Weeehhh! Kayo pa? E bakit parang hindi naman?" hindi naniniwalang saad nito sa kaniya.

"Bahala ka kung ayaw mong maniwala, basta sinasabi ko sa iyo ang totoo. Kami pa ni Lester at kaya hindi pa siya sumasampa, dahil may importante pa siyang inaasikaso. Isa pa malapit na akong umuwi kaya he decided na hintayin na lang ako sa Pilipinas para sabay na kami next contract na makabalik."

Nginitian niya si Jaja kahit na sa likod ng mga ngiting iyon, hindi na rin siya sigurado kung sila pa nga ni Lester. Sa totoo lang dumalang na ang pag-uusap nila ng binata at abalang-abala ito sa pag-aasikaso kay Leslie. Ilang beses na rin siyang nakakita ng mga larawang magkasama ito at si Leslie habang namamasyal, o di naman kaya ay kumakain. Recently lang ay nakita pa niyang nagluluto si Lester ng pagkain sa bahay ni Leslie. Nakangiti ang mga ito sa pictures at hindi maipagkakailang masaya ang mga ito.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon