Aaminin ni Lester na nasaktan siya nang ipamukha ni Kris sa kaniya na may asawa na ito. Para siyang tinadyakan ng isanlibong mga kabayo sa bigat ng kaniyang dibdib ngayon. Ilang minuto na siyang nakatayo lang sa tabi ng kaniyang sasakyan at hindi makaalis dahil sa panlulumong nadarama. Gusto na muna niyang kumalma bago sana siya magmanehong paalis sa bahay nila Kris.
"Kurimaw boy? Este, Lester?"
Bubuksan na sana ni Lester ang pintuan ng kaniyang sasakyan nang may marinig siyang magsalita. Lumingon siya sa pinanggalingan ng tinig na iyon saka tuluyang humarap nang makitang si Vanessa iyon — ang pinsan ni Kris.
"Anong ginagawa mo rito? Akala ko nakaalis ka na," usisa nito sa kaniya.
"A, wala," nakangiti niyang tugon sa babae. "Ikaw, anong ginagawa mo rito? Paalis ka na rin ba?"
"Oo sana. Kaso wala pa iyong rider na binook ko sa app e." Nagpalinga-linga pa ito saka yumuko sa cellphone nito at tila may hinahanap na kung ano.
"Kung gusto mo, puwede ka ng sumabay sa akin. Iyon e kung gusto mo lang naman." Alok niya rito.
"Talaga?" nangingislap ang mga matang tanong ni Vanessa sa kaniya. Napangiti naman siya dahil parang bata itong ipapasyal ng magulang sa amusement park dahil sa pagkinang ng mga mata nito.
"Saan ka ba pupunta?" tanong niya sa dalaga.
"Naku thank you in advance Kuri — este Lester sa pag-aalok ng sasakyan mo. Sa may Marquez Medical Hospital tayo, okay lang ba?" tanong pa nito sa kaniya.
"Sure, not a problem!" tugon niya rito saka pinagbuksan ng pintuan si Vanessa. Mabilis namang sumakay ang dalaga saka ngiting-ngiting inayos ang seatbelt nito. Walang kakeme-keme ito sa katawan at tila hindi uso ang mahiya sa dalaga. Kung kumilos kasi ito dinaig pa nito ang mga matagal na niyang kaibigan — masyadong kumportable.
Sasakay na lang siya sa kabilang panig ng sasakyan nang mamataan niya si Kris na tila nagmamadaling lumabas sa bakuran ng mga ito. Napahinto tuloy siya sa gagawing pagsakay at hinintay na makalabas ang babae.
"Nasaan na ba ang babaeng iyon?" narinig niyang tanong ni Kris habang dinudutdot nito ang sariling cellphone.
Hindi na naman niya napigilan ang sariling humanga sa babae lalo at kitang-kita niya ang makinis nitong mga hita at binti. Hindi naman kasi maputi si Kris, pero nakaaakit ang makikinis at mahahaba nitong mga biyas.
"Hello! Cous, may nakalimutan ka!" narinig niyang sabi nito saka napalingon sa kaniya. Halos tumalon pa ito nang makita siya ng babae. Hindi siguro inaasahan nitong makikita pa siya nito roon. Pero imbis na batiin siya nito, tumalikod lang ito at ipinagpatuloy ang ginagawang pakikipagusap sa telepono.
"Cous!" sigaw naman ni Vanessa habang nakangisi itong nakatayo sa passenger seat side ng kaniyang sasakyan. "Thank you! Akin na iyang precious bag ko!" sabi pa nito habang nakalagay pa rin sa tainga nito ang cellphone.
"Ikaw kaya ang lumapit dito! Saka ano ba iyang ginagawa mo riyan? Akala ko ba sabi mo may susundo sa iyo?" wika naman ni Kris na kagaya ng pinsan ay nakasalpak pa rin sa tainga ang cellphone habang nakikipag-usap dito.
"Inindiyan ako e! Mabuti na nga lang nandito pa si Kurimaw boy e!" Lumingon pa ito sa kaniya sabay peace sign. Natawa naman siya dahil mukhang nahihirapan itong tanggalin ang pagtawag nito sa kaniyang kurimaw boy.
Nagpatuloy sa pag-uusap sina Kris at Vanessa hanggang sa lumapit na nga si Kris sa pinsan nito. Si Kris na rin ang sumuko dahil sa kakulitan ni Vanessa. Ayaw kasing lumapit ni Vanessa sa pinsan dahil tinatamad daw ito. Isa pa para naman daw ma-exercise ang mga paa ni Kris na na-sprain.
BINABASA MO ANG
Captain Lester - The Captain of the Sea
RomanceLumaki si Lester na kulang sa pagmamahal at atensiyon ng kaniyang mga magulang. Kaya nang makilala niya si Leslie Ann, inakala niyang ito na ang babaeng magpupuno sa pagmamahal at atensiyon na matagal na niyang ninanais. Ngunit nagkamali siya, dahil...