Chapter 51

59 3 0
                                    

Isang linggo ang matuling lumipas. Papunta na si Lester sa bahay nina Kris nang may humarang sa kaniyang sasakyan. Ilang beses niyang binusinahan iyon, pero hindi man lang natinag ang may-ari ng sasakyang iyon. Kaya naman lumabas na siya ng kaniyang sasakyan upang sana harapin ang kung sinomang may-ari ng sasakyang nakaharang sa daan. Mabuti na lang at malimit daanan ang lugar na iyon kaya walang ibang maaabala.

Napahinto si Lester sa paglapit sa sasakyan nang lumabas mula roon si Adam kasama ang tatlo pang mga lalakeng malalaki ang katawan. Kinabahan si Lester sa paraan ng pagkakatingin ng mga ito sa kaniya, lalo na nang paikutan siya ng mga ito. Naging alerto siya sa bawat kilos ng mga ito at napaatras sa kaniyang sasakyan. Alam niyang may binabalak gawin sa kaniya ang mga lalake, at nararamdaman niyang hindi iyon maganda.

"Kumusta ka na, Lester?" nakangising bati ni Adam sa kaniya. May kung anong hawak ito sa kamay na nilalaro-laro ng lalake.

"Anong kailangan mo sa akin? Bakit niyo ako hinaharang?" Kinakabahan man ay lakas loob niyang tinanong ito.

Humakbang namang palapit sa kaniya si Adam habang nakangisi pa rin ang lalake. Bagamat nakangisi ito, kitang-kita naman niya ang panlilisik sa mga mata ng lalake.

"Huwag kang mag-alala, mag-uusap lang naman tayo," wika pa nito sa kaniya.

"At ano naman ang pag-uusapan natin?" matapang niyang tugon habang alerto pa rin sa maaring pag-atake nito sa kaniya.

"Tungkol kay Leslie."

Napakunot-noo naman siya habang nakatingin ng diretso sa lalake. "What about her?"

"Hmmm, nakarating lang naman sa akin na buntis daw siya at... ikaw ang ama!" ang kaninang nakangising lalake, ngayon ay parang tigreng handang sumugod sa kaniya.

"Sandali! Oo buntis nga si Leslie, pero sinisiguro ko sa iyong hindi ako ang ama ng ipinagbubuntis niya!" mabilis niyang tugon sa lalake.

"Talaga? Ulol! Huwag mong bilugin ang utak ko, dahil ipinakita sa akin ni Leslie ang resulta ng paternity test na ginawa ninyo!" galit na galit na wika ni Adam saka siya sinugod nito. Isang suntok ang pinakawalan nito na mabilis naman niyang nailagan.

Malakas niyang itinulak si Adam upang makalayo ito sa kaniya. Ngunit hindi niya napaghandaan ang dalawang lalake sa kaniyang gilid. Hinawakan siya ng mga ito at sabay na binigyan siya ng suntok sa kaniyang tagiliran. Napaigik siya sa sakit at tila babaliktad ang kaniyang sikmura nang sundan ng ilang suntok ni Adam ang kaniyang mukha at sikmura. Halos mawalan siya ng ulirat sa lakas ng pagkakasapak sa kaniya ni Adam, pero nilabanan niya iyon. Lupaypay siyang napaluhod sa harapan ni Adam bago siya nito tinadyakan ng ilang ulit, hanggang sa mapahiga siya sa sementadong sahig.

"Sa susunod, aalamin mo muna kung sino ang tinatalo mo!" sabi pa nito saka siya dinuraan nito.

Nagtatawanang umalis ang mga ito saka mabilis na pinaharurot ang sasakyang humarang sa kaniya. Hinang-hina siya at nananakit ang buo niyang katawan. Halos hindi na siya makakilos at malalawan nang malay sa tindi ng sakit na nadarama niya. Kahit anong laban niya na hindi mapapikit, hindi niya iyon nagawa. Tuluyan na siyang nawalan ng malay at pahandusay sa nakahiga sa mainit na sementadong sahig.

Mangiyak-ngiyak naman si Kris habang nagmamadaling magtungo sa ospital kung saan dinala si Lester. Ngayong araw sana sila sabay na kukuha ng cenomar ni Lester at kakausapin ang simbahang paggaganapan ng kanilang kasal, pero magtatanghali na ay wala pa rin ito sa kanila. Kinakabahan na siya dahil ilang beses din niyang sinubukang tawagan ito, pero hindi naman sinasagot ng kasintahan ang tawag niya. Hanggang sa makatanggap siya ng tawag mula kay Chino — ang matalik na kaibigan ni Lester.

Sinabi ng lalake na nasa ospital nga ang kasintahan at ginagamot. Hindi na masyadong naidetalye ni Chino ang mga pangyayari dahil wala na rin naman siyang maintindihan. Basta ang nais na lang niya sa mga sandaling ito ay ang makarating kaagad siya sa ospital upang makita ang binata.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon