Chapter 54

56 1 0
                                    

Takot na takot si Leslie nang bigla na lang may mga lalakeng nagpunta sa bahay niya at nanggulo. Hindi niya alam kung saan sisiksik sa sobra niyang takot. Hinahanap ng mga ito si Adam dahil sa atraso ng kasintahan na hindi naman niya alam.

"Alam mo miss, mabuti pa sabihin mo na kung saan nagtatago ang tarantado mong kasintahan. Kung hindi, ikaw ang kukunin namin para mapalabas ang gagong iyon!" asik ng lalakeng maskulado. Galit na galit ang mga ugat sa braso nito habang hinahampas nito ang hawak na bat sa palad nito.

"Hindi ko talaga alam kung nasaan si Adam," nanginginig na saad ni Leslie sa lalake habang nakasiksik sa gilid ng cabinet ng kaniyang silid. Hindi niya alam kung paanong tatakasan ang mga ito, lalo na at may mga hawak na baril at bat ang mga lalake.

"A, gano'n! Sorry ka na lang miss, dahil hindi namin alam kung nasaan ang siraulo mong boyfriend, ikaw ang kukunin namin para mapalabas siya!" nakangising wika ng lalakeng may hawak na bat. "Sige, kunin siya at dalahin sa hide out! Tingnan lang natin kung hindi magpakita ang tarantadong Adam na iyon," wika pa nito saka tumalikod sa kaniya.

Dahil sa takot at sa kagustuhang makatakas sa mga lalake, binato niya ang mga ito ng figurine at kung anong mga bagay na maaring makasakit sa mga lalake saka mabilis na tumakbo sa loob ng kaniyang banyo. Mabuti na lamang at natamaan niya ang isa sa mga ito at napaatras, habang ang isa naman ay natuhod niya nang tangkain siyang hawakan nito. Doon siya nagkaroon ng pagkakataong makatakbo sa banyo.

Natataranta niyang ini-lock ang pintuan at nag-isip kung ano ang susunod niyang gagawin. Masyadong mataas nag bintana at hindi niya iyon basta-basta maaakyat iyon.

"God please help me," umiiyak niyang usal saka niya naalalang nasa bulsa pala niya ang kaniyang cellphone.

Mabilis niyang kinuha ang cellphone at idinial ang numero ni Lester. Napahagulhol pa siya nang hindi sagutin ni Lester ang unang tawag niya, kaya idinial nya ulit iyon hanggang sa sumagot ito. Nangangatal ang buo niyang katawan nang marinig niya ang mga kalabog sa pintuan ng banyo.

"Buksan mo itong babae ka!" sigaw ng lalake sa mula sa labas ng banyo.

Sobrang lakas na ng pagkabog sa kaniyang dibdib habang hinihintay na sumagot si Lester. Mabuti na lang at sa wakas sumagot na rin ito. Humingi siya ng tulong sa lalake habang patuloy ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Hindi niya alam kung paniniwalaan siya ni Lester, pero wala na siyang ibang mahihingian ng tulong kundi ito lang. Hanggang sa sunod-sunod na putok ng baril ang pinawalan ng mga lalakeng naghahanap kay Adam. Napatili na lang siya at nagsumiksik sa gilid ng inidoro habang nakatakip ang mga kamay sa kaniyang tainga.

"Sumama ka na lang kasi sa amin dahil wala ka ng mapupuntahan pa," sabi ng lalake sa kaniya. Nilapitan siya nito at pilit hinihilang patayo mula sa pagsusumiksik niya sa gilid ng toilet bowl.

"P*tang ina! Lintek kang babae ka! Sinong tinawagan mo?" galit na tanong ng lalakeng may hawak sa kaniyang kamay. Inagaw nito ang cellphone niya saka iyon tiningnan.

"P're, may natawagan na ang babaeng ito, kailangan na nating umalis," wika ng lalake sa kasama nito.

"Tinamaan ng lintek! Boss, may natawagan ang babae!" pag-iimporma ng isang lalake sa pinakalider ng mga ito.

"Ano pang itinatanga-tanga ninyong dalawa, kunin niyo na ang babaeng iyan para makaalis na tayo habang wala pang dumarating na tulong. Punyeta!" galit na turan ng lider ng mga ito.

"Halika na!" sabi ng lalakeng may hawak sa kaniya. Pilit siyang hinihila nito habang nilalabanan naman niya ang paghila sa kaniyang kamay.

"Huwag ka ng manlaban kung ayaw mong masaktan!"

Hindi siya nakinig sa lalake at pilit pa ring nilalabanan ito. Hindi siya maaring basta na lang sumama sa mga ito dahil wala pa ang tulong na inaasahan niya. 'Lester, please tulungan mo ako,' aniya sa kaniyang sarili.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon