Naalimpungatan si Kris nang marinig niyang sumara ang pintuan ng kanilang silid. Agad niyang kinapa ang kaniyang tabi at natagpuang wala roon si Lester. Kaya naman kunot-noo niyang kinuha ang kaniyang cellphone at sinipat ang oras mula roon. Ala una y media. Pupungas-pungas siyang umupo mula sa kama at sinubukang tawagan ang cellphone ni Lester, pero walang sagot mula sa binata.
Dahil inaantok pa, muli na lang siyang nahiga upang matulog. Naisip na lang niyang baka nagpahangin lang ang kasintahan o may tawag na kailangang gawin at ayaw siyang maabala nito. Ngunit nang magising siyang muli ay wala pa rin ang kasintahan sa kaniyang tabi. Kaya naman kahit tinatamad na bumangon ay napilitan na rin siya upang hanapin ang kasintahan.
Pababa na siya ng kanilang silid nang masalubong niya si Lester. Tila nagulat pa ito nang makita siya nito. "Sweetheart! Anong ginagawa mo rito?" tanong nito sa kaniya nang makalapit na siya rito.
"Hahanapin ka sana. Nagising kasi ako na wala ka sa tabi ko e. Saan ka ba nagpunta?" tanong niya rito saka humikab. Kumapit siya sa braso ni Lester at sumandal doon habang nagpapatuloy na sila sa paglalakad pabalik sa kanilang silid.
"Ahm, nagpahangin lang ako saglit. Hindi kasi ako makatulog e," tugon nito sa kaniya.
Bakit parang pakiramdam niya ay hindi nagsasabi ng totoo si Lester? Pakiramdam niya may itinatago sa kaniya ang kasintahan.
"Hindi ka na dapat bumangon pa, mapupuyat ka niyan e," masuyong turan nito sa kaniya.
"E, kasi naman bigla-bigla ka na lang nawawala sa tabi ko. Nag-alala lang naman ako na baka kung saan ka na nagpunta. Baka mamaya nambabae ka na pala tapos 'di ko pa alam," pasaring niya rito. Bigla namang natisod si Lester at maninang napamura. "O, sweet, okay ka lang ba?" kunwa ay tanong niya rito.
"O-oo naman. Natisod lang ako. Hindi pala pantay iyong sahig dito," tugon ni Lester sa kaniya saka siya nito inakbayan. "Halika na, bumalik na tayo sa kuwarto para makatulog na tayo," sabi pa nito saka siya hinalikan sa kaniyang noo.
Nagtataka, sumabay na lang siya sa paglalakad ng kasintahan pabalik sa kanilang kuwarto. Wala sana siyang balak kumprontahin ito pero parang naamoy niyang iba ang amoy ng binata. Kaya habang naglalakad sila ay isinubsob niya ang ilong sa balikat nito. Amoy cherry blossom ang amoy ng damit nito na alam naman niyang hindi pabango ng kasintahan iyon.
"Sweet, anong ginagawa mo? Sa kuwarto mo na ako papakin, baka may makakita sa atin dito," natatawa pang sambit nito sa kaniya.
"Sira! Inaamoy lang kita, para kasing iba ang amoy mo e. Amoy cherry blossom." Muli niyang sininghoy ang balikat ni Lester kung saan niya naamoy ang kakaibang amoy na iyon.
"H-ha?" sabi naman nito saka inamoy ang sarili. "Hindi naman a," anito matapos amuyin ang sarili.
"Oo! Amoy cherry blossom nga. Teka nga!" Pinigilan niya sa muling paghakbang si Lester saka inamoy ang katawan nito. Hindi siya maaaring magkamali, amoy iyon ng isang produktong pambabae. Hindi siya sigurado kung pabango, pero sigurado siyang pambabae ang amoy na iyon.
"Sweetheart, baka naman iyong fabcon ang naaamoy mo? Ang mabuti pa, bumalik na tayo sa kuwarto nang maipagpatuloy na natin ang pagtulog. Huwag mo ng isipin ang amoy ko, magbabanlaw na lang ako kung ayaw mo ng amoy ko ngayon. Okaya?" muling yaya ni Lester sa kaniya saka hinila ang kaniyang kamay at nagpatuloy na sa paglalakad. Gusto sana niyang pigilan ito pero hindi na lang niya ginawa. Isa pa, baka tama naman ito, baka nga fabcon lang ang naaamoy niya.
Nang makapasok na sila sa kanilang silid, agad na nagligo ang kasintahan kagaya ng sinabi nito. Iniwan nito ang cellphone sa ibabaw ng kama kaya nadedemonyo siyang buksan iyon upang tingnan. Pero bago pa man niya mahawakan iyon ay nakalabas na sa banyo si Lester. Eksakto rin ang pag-ilaw niyon dahil sa bagong mensaheng dumating. Hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataong makita kung kanino galing iyon dahil agad nang nadampot ni Lester ang cellphone nito.
BINABASA MO ANG
Captain Lester - The Captain of the Sea
Roman d'amourLumaki si Lester na kulang sa pagmamahal at atensiyon ng kaniyang mga magulang. Kaya nang makilala niya si Leslie Ann, inakala niyang ito na ang babaeng magpupuno sa pagmamahal at atensiyon na matagal na niyang ninanais. Ngunit nagkamali siya, dahil...