Chapter 66

62 1 0
                                    

"Paano kayo nagkakilala ni Kris?"

Ayaw sanang mag-usisa ni Lester kay Leo, pero hindi rin niya napigilan ang sariling tanungin ang lalake. Kanina pa kasi talaga nagngingitngit ang kaniyang puso dahil sa mga nasaksihan niya kanina. Sobra siyang nasasaktan at nagagalit pero wala naman siyang magawa.

"Hmmm, four years ago, nakilala ko si Kris sa isang restaurant sa bayan. Malungkot siya noon at parang tuliro. Ako bilang mabuting mamamayan ng San Narciso, nilapitan ko siya at tinanong. Ayun, nalaman kong naghahanap siya ng bahay kaya tinulungan ko naman. Doon nag-umpisa ang pagiging magkaibigan namin, at pagiging..."

Hindi na niya hinintay na matapos nito ang anomang sasabihin. Ayaw niya kasing marinig mula sa bibig nito ang kumpirmasyong magkasintahan nga ito at si Kris. Nasasakan siya at naduduog kasi ang puso niyang malamang may bago ng nagmamay-ari ng puso ng babaeng minsang naging kaniya.

"Well, maganda naman itong lugar na napuntahan niya. May kalakihan at nasa sentro rin naman ng mga establisyamento, kaya siguradong hindi malulugi ang business," aniya sa lalake.

Ngumiti si Leo saka inilibot ang paningin sa loob ng coffee shop. "Hindi rin naman naging madali, pero kinaya ni Kris. Kaya nga hinangaan ko ang isang iyon e, napakatapang. Biruin mo, kahit na mag-isa, nakaya niyang tayuan ang sitwasyon niya at hinarap ang mga pagsubok na dumaan sa buhay niya." Bumaling ito sa kaniya saka nagpatuloy, "Ikaw, anong plano mo? Bakit ka pa nagpakitang muli kay Kris?" seryosong tanong ni Leo sa kaniya.

Nakipaglaban naman siya ng titigan sa lalake at ipinakita rito ang kaniyang determinasyong makuhang muli si Kris. "Plano ko? Plano kong itama ang lahat ng mga maling nagawa ko kay Kris noon. Gusto kong makabawi sa kaniya at sa mga anak namin. And I will do everthing to win them back," matapang niyang sagot sa lalake.

Napangisi naman si Leo saka sumandal sa upuan nito. Naiinis siyang makita ito sa ganoong itsura at tila ba sinasabi nito sa kaniyang hindi siya magwawagi.

"In that case, good luck! Matapos mong pabayaan si Kris, I think it will be hard for you to take them back. Hmmm, maybe the kids — yes, but Kris..." Leo shrugged his shoulder, parang sinasabi nito na hindi niya mapapaamong muli ang dating kasintahan.

"Are you saying that I can't make her come back to me?" kunot-noong tanong niya sa lalake.

"Well, iniwan mo siya noon 'di ba? Nasaktan siya nang husto dahil doon, kaya bakit ka pa niya babalikan?" nanghahamong tanong ni Leo sa kaniya.

"Hindi ko siya iniwan. I just gave her space, kaya lang siya ang lumayo," sagot niya sa lalake.

"Really? Kaya ba inabot ka ng apat na taon bago mo sila hanapin?" nang-uuyam na tanong nito sa kaniya.

Naikuyom niya ang kaniyang mga palad sa sinabing iyon ni Leo. Gusto niyang sapakin ang lalake sa mga oras na iyon, pero naisip niyang may tama naman ito. Kaya huminga na lang siya nang malalim saka muling sumagot sa lalake.

"I looked for her everywhere. Pinuntahan ko ang bahay nila, tinanong ko ang mga magulang niya, inistorbo ko ang pinsan at ate niya — lahat ng puwedeng gawin, ginawa ko. I almost gave up looking for her, but I chose not to. Alam kong isang araw makikita ko rin sila at maitatama ang mali. God knows how much I wanted to see her ahain and explain myself to her. Kaya ngayong nakita ko na siya, hinding-hindi ako basta susuko hanggang sa mapaamo ko siyang muli. Hanggang sa mapatawad at mahalin niya akong muli."

Hindi niya alam kung tama ba ang nakikita niyang ningning sa mga mata ni Leo. Para sa isang kasintahan, hindi dapat ito natutuwa sa kaniya ngayon. Hindi ba naisip nito na maaaring mawala si Kris sa piling nito? O masyado lang mataas ang kumpiyansa ng lalake sa sarili nito na kahit na anong gawin niya, hindi na muling babalik si Kris sa kaniya?

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon