May ngiti sa mga labi ni Kris habang naglalakad siyang papasok sa kanilang bahay. Napapakagat labi pa siya habang iniisip ang maalab na paghahalikan nila ni Lester sa tapat ng kotse nito. Mabuti na lang at nasa loob na ang kaniyang mga magulang at nagpapahinga. Kung hindi, baka kung anong isipin ng mga ito sa kaniya.
"Kumusta naman kayo ni Lester?" Muntik pa siyang mapasigaw nang maulinigan niya ang tinig ng kaniyang ina.
"Ma naman e! Anong ginagawa mo riyan?" Nakahawak siya sa kaniyang dibdib habang kinakausap ang kaniyang inang nakaupo sa kanilang sofa sa sala.
"Wala naman, hindi pa ako makatulog e. Halika nga rito anak," anito saka ikinumpas ang kamay nito upang lumapit siya rito.
Tumalima naman siya at naglakad palapit sa kinaroroonan ng ina at naupo sa tabi nito. Hinaplos naman ng mama niya ang kaniyang buhok saka hinawakan ang kamay niyang nakapatong sa kaniyang kandungan.
"Kayo na ba ni Lester?" nakangiting tanong nito sa kaniya.
Bigla namang hindi niya alam ang isasagot sa ina. Hindi naman niya puwedeng sabihing oo, kasi sa pagkakaalam niya walang sila ng binata. 'Pero ginagawa ninyo ang mga gawaing tanging ang mag-asawa o magnobyo lang dapat ang gumagawa?' anang kontrabidang isip niya.
"Anak, malaki na kayo ni Lester. Alam na ninyo ang tama at mali. Gusto ko lang naman malaman mo na gusto ko ang nakikita kong Kris ngayon. Masaya at punom-puno ng buhay. Kung si Lester man ang dahilan niyon, ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sa kaniya. Masaya ako anak na nakikita kang masaya," malambing na saad ng kaniyang ina.
"Thank you ma. Pero sa totoo lang po hindi ko alam kung anong isasagot sa tanong ninyo e. Aaminin ko pong masaya ako ngayon at tama kayo, si Lester nga ang dahilan. Pero ang relasyong mayroon kami ay wala pang linaw," aniya sa kaniyang ina saka huminga nang malalim. Kung bakit ba naman kasi hindi niya kailanman naisip na linawin iyon sa binata.
'Maiisip mo pa ba naman iyon kung sa tuwing magkikitata at magkakasama kayo ay para kayong may mga sariling mundo?' sumbat ng kaniyang sarili.
"Basta anak, kahit ano pa iyang relasyong mayroon kayo ni Lester, sana masaya kayo. Gusto lang naman namin ng papa mo at ate mo na bumalik na ang dati naming Kris na masaya at masigla. At iyon naman ang nakikita namin ngayon. Pero... mas maganda pa rin kung magkakaroon ng linaw ang ralasyong mayroon kayo ng binatang iyon. Well, kung kami naman ang hihingian mo ng opinion, we like him for you. He seems like a good man," litaniya ng kaniyang ina.
Napangiti naman siya sa sinabi ng ina. Masaya siyang kahit wala pa naman silang formal na relasyon ni Lester ay boto na ang kaniyang pamilya sa binata. "Thank you ma!" tanging nasabi niya saka niyakap nang mahigpit ang kaniyang ina.
"Naku, ang baby namin umiibig nang muli," anito habang hinihimas ang kaniyang likuran.
Gumaan naman ang kaniyang pakiramdam sa pagkakayakap na iyon ng kaniyang ina. Kahit papaano kasi may napagsabihan siya tungkol sa relasyon nila ng binatang kapitan. Isa na lang ang kailangan niyang gawin, iyon ay ang komprontahin ito at linawin kung ano bang mayroon sila nito.
Habang si Lester naman ay masaya ring nagpatuloy sa pagmamaneho pauwi sa kaniyang condo. Walang ibang laman ang isip niya kundi si Kris. Ang magandang ngiti nito, ang maaliwalas na mukha nito, at ang matamis na halik ng babae. Hindi nga niya alam kung makatutulog ba siya kaagad ngayong gabi dahil ito ang unang gabing hindi niya katabi sa pagtulog ang babaeng iniibig.
Nang makarating na siya sa kaniyang unit, bigla siyang nakaramdam ng kalungkutan. Bukod sa nakabibinging katahimikan, nami-miss na niya si Kris. Parang gusto na tuloy niyang bumalik na lang sila ulit sa barko ng babae. Nagulat pa siya nang biglang umalingawngaw ang tunog ng kaniyang telepono sa buong unit niya. Mabilis siyang lumapit doon at agad na sinagot ang tawag.
BINABASA MO ANG
Captain Lester - The Captain of the Sea
RomantikLumaki si Lester na kulang sa pagmamahal at atensiyon ng kaniyang mga magulang. Kaya nang makilala niya si Leslie Ann, inakala niyang ito na ang babaeng magpupuno sa pagmamahal at atensiyon na matagal na niyang ninanais. Ngunit nagkamali siya, dahil...