Chapter 74

88 1 0
                                    

MASAYANG-MASAYA si Kris dahil ngayong araw na ang kanilang kasal ni Lester. Katatapos lang siyang ayusan ng make-up artist at ngayon ay nakatayo na siya sa labas ng pintuan ng simbahan, kung saan gaganapin ang kanilang kasal. Isa-isang naglakad patungo sa harapan ng altar ang kaniyang mga flower girls, ring barer, at mga abay sa kasal. Ang gandang pagmasdan ng mga ito habang nakasuot ng kulay asul na gown.

Nang siya na ang maglalakad patungo sa harapan ng altar — kung saan nag-aabang si Lester ay nagbigay pugay ang mga honor guard sa kaniya at itinaas ng mga ito ang sword na hawak-hawak ng mga ito. Kay kikisig ng mga binatilyong may hawak na sword at ang guguwapo nilang tingnan sa kanilang uniporme.

Nang makalapit na siya kay Lester, tila wala na silang iba pang nakikita sa paligid kundi silang dalawa lamang. Kung hindi pa tumikhim si Rex, malamang na hindi na sila maglalakad pang palapit sa pari na naghihintay sa harapang bahagi ng simbahan.

"Lovers, mamaya na kayo magmatamisan. Tapusin na muna natin ang kasal ninyo nang makatsibog na ang mga bisitang kagaya ko," sabi pa ni Rex habang nakangisi sa kanila. Apat kasi ang bestman ni Lester dahil wala naman itong choice. Kaya apat rin ang maid of honor niya na mga asawa rin ng apat na pasaway nilang kaibigan.

Nagkangitian sila ni Lester saka sabay na naglakad palapit sa paring magkakasal sa kanila. Nang makatuntong na sila sa harapan ng pari, agad naman itong nag-umpisa ng sermon nito sa kanila at tinanong kung kusang loob ba silang nagtungo sa simbahang iyon. Sabay silang sumagot ni Lester ng 'Opo, Padre.'

"Bago natin umpisahan ang pag-iisang dibdib ng dalawang taong ito, may tumututol ba sa kasalang ito? Kung mayroon man, maaari ng magsalita bago ko umpisahan ang pagbabasbas sa kanila."

Napangisi siya sa paraan ng pagsasabi ng pari sa mga katagang iyon. Tila kasi nanghahamon ang pari at kung may tututol man ay parang handa itong ipatapon iyon sa labas ng simbahan. Pinisil ni Lester ang kaniyang kamay at buong pagmamahal siya nitong pinakatitigan.

"Walang sinoman ang makatututol sa kasal natin, Sweetheart," paniniyak nito sa kaniya. Nginitian naman niya ng matamis si Lester at halos maiyak dahil sa pagmamahal nito sa kaniya.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit, ngunit kakaiba ang kabang nadarama niya sa mga sandaling iyon. Tila may masamang mangyayari anomang sandali kaya naman mabilis niyang naipilig ang kaniyang ulo. Ano namang masamang kaganapan ang mangyayari? Heto nga at kasama niya lahat ng taong mahahalaga sa kaniya, lalo na ang mag-aama niya.

"Itigil ang kasal! Hindi sila dapat na makasal!"

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Kris nang marinig ang mga katagang iyon. Sabay silang napalingon ni Lester sa kanilang likuran at sa panggigilalas niya, nakita niya si Leslie na naglalakad papalapit sa kanila bitbit ang anak nito. Galit na galit at tila handang pumatay ang itsura nito, kaya naman napahigpit ang pagkakahawak niya kay Lester.

"Hindi ka maaaring ikasal sa babaeng iyan! Ako ang mahal mo — kami ng anak ko. 'Di ba nangako kang aalagaan mo kami? Na hindi mo kami pababayaan? Heto na kami ngayon, nagbalik na kami. Huwag mong pakasalan si Kris dahil hindi ka liligaya sa kaniya. Ako! Ako lang ang makapagbibigay ng tunay na kaligayahan sa iyo, dahil ako naman talaga ang mahal mo!" nagsusumamong wika ni Leslie kay Lester.

Lalo naman niyang hinigpitan ang pagkakahawak kay Lester at lumapit nang husto rito. Hindi siya makapapayag na ibigay kay Leslie si Lester. Mahal na mahal niya si Lester, at alam niyang gayon din ito sa kaniya.

"Tigilan mo na kami Leslie. Hindi ka mahal ni Lester, awa lang ang nararamdaman niya sa iyo at hindi pagmamahal!" matapang niyang turan sa babae.

"Hindi totoo iyan! Nalilito lang si Lester sa nararamdaman niya para sa iyo. Ako! Ako talaga ang mahal niya!" bulyaw ni Leslie habang nakaangkla na ito sa kabilang braso ni Lester.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon