Chapter 75

249 3 0
                                    

ANG akala ng lahat ng bisita nila Lester ay biro lang ni Vanessa ang sinabi nitong kasalan na! Ang hindi nila alam, ngayong araw rin gaganapin ang kasal nila ni Kris sa mismong yateng iyon. Sinadya lang niyang mag-propose ngayon dahil siyempre nais din niyang bigyan ng magandang proposal ang kasintahan kahit pa tapos na silang mamanhikan ng kaniyang ama.

"Father, this way po," ani Vanessa habang iginigiya ang paring magkakasal sa kanila sa harapang bahagi ng sun deck. Matapos niyon ay mabilis nitong hinila si Kris at tinangay patungo sa dulong bahagi ng sun deck at inabutan ng bulaklak. Habang ang kaniyang mga kaibigan naman ay lumapit sa kaniyang kinatatayuan at naghintay sa paglapit ni Kris.

"Walang hiya! 'Di mo naman sinabi na ngayon din pala mismo ang kasal mo. Mabuti na lang at nag-ayos kami kahit papaano," kantiyaw sa kaniya ni Rex.

"Huwag ka ng magreklamo, alam mo namang sigurista itong si Captain Lester. Aba, baka mamaya takasan na naman siya ng mapapangasawa niya tayo na naman ang bulabugin nito," sabi naman ni Marc.

"Hoy, kayong dalawa, tumahimik na nga kayo. Suportahan natin itong kolokoy na ito at nang matapos na ang pagsisenti nito sa tuwing magkikita-kita tayo." Napapailing pa si Jeffrey saka tinapik-tapik ang balikat nito.

"Sorry naman mga 'tol. Alam niyo na, baka mamaya kapag sa ibang araw ko pa pakasalan si Kris umalis na naman ng walang paalam e. Mabuti na ito, sure na magiging misis ko na siya kaagad," excited naman niyang tugon sa mga kaibigan.

"Well, basta masaya ka, masaya na rin kami para sa iyo," wika ni Chino.

"Thanks man!" tanging naisagot niya saka kinamayan ang mga kaibigan.

Maya-maya lang, nag-umpisa ng maglakad si Kris palapit sa kaniya habang ang mga anak niya ay nakangiti ring naglalakad sa harapan ng ina. Si Kirsten ay nagsasaboy ng puting talulot ng mga roses, habang si Krister naman ay may hawak na maliit na unan na siyang kinaroroonan ng kanilang singsing. Nakasunod ang mga ito sa mga anak nina Chino at Jeffrey na siyang may hawak ng aras at isa pang basket na may mga talulot ng rosa.

Hindi mawala-wala ang ngiti sa kaniyang mga labi habang papalapit nang papalapit si Kris sa kaniyang puwesto. Napakaganda ng mapapangasawa niya kahit na wala man lang itong kahit na anong make-up sa mukha. Natural na natural ang ganda nito na bumagay naman sa babae at sa lokasyon ng okasyon.

Nang makalapit na ito sa kaniya, ay agad niyang hinalikan ang mga labi nito, nakatikim tuloy siya ng palo rito. Pinandilatan pa siya ng mga mata ni Kris at bahagyang namula ang pisngi dahil sa ginawa niyang iyon. Naghiyawan naman ang mga tao sa paligid lalo na ang mga siraulo niyang kaibigan.

"Sorry, Sweet. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili kong hindi ka halikan e," nakangisi niyang turan sa babae.

"Hus! Mahiya ka naman kay Father saka sa amin!" kantiyaw ni Marc na ikinatawa ng kanilang mga panauhin.

"Daddy, mommy, tapos na po ang wedding?" kunot noong tanong ni Krister sa kanila. Muli namang nagkatawanan ang mga tao sa kanilang paligid at maging sila ay natawa sa tanong ng kanilang anak.

"Not yet baby. Na-excite lang si daddy," sagot niya sa anak saka ginulo ang buhok nito.

"Krister, Kirsten, let's sit na. Mamaya na ulit ninyo kausapin sila mommy at daddy," yaya ni Vanessa sa mga bata. "Kayong dalawa, go, go na sa harap ni Father nang maikasal na kayo," pagtataboy nito sa kanila bago ito tumalikod at inakay ang kambal sa upuang nakalaan sa mga ito.

Nagsimula ang kasal at natapos na punong-puno ng masasayang ala-ala. Ala-alang babaunin nila habang buhay.

Nakatayo si Kris sa upper deck kung saan tanaw na tanaw niya ang kabuuan ng sun deck. Masayang nagkakainan, nag-iinuman, at nagsasayawan ang mga tao roon. Kagaya niya, hindi maitatago sa mukha ng bawat isa ang kagalakan.

Captain Lester - The Captain of the SeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon