Hindi na matandaan ni Kris kung ilang vodka spritz na ang naiinom niya, basta ang alam lang niya parang wala namang tama sa kaniya ang alak na iyon. Ngunit nang tumayo siya upang sana magtungo sa banyo ay muli lang siyang napaupo, dahil umikot bigla ang kaniyang paningin.
'Shit! Traydor pala ang inuming ito,' bulong niya sa kaniyang sarili saka uminom ng tubig.
Kinawayan niya ang waiter 'di kalayuan at sinenyasan ng bill. Babayaran na niya ang kaniyang bill bago pa siya tuluyang masapian ng alak. Well, may sapi na nga siya ng alak. Pero ang ibig niyang sabihin ay bago pa siya tuluyang makalimot at makatulog sa kalasingan, mabayaran man lang niya ang bill niya.
Matapos mabayaran ay muli siyang tumayo upang magtungo banyo. Kailangan niyang maghilamos para magising. Umiikot na talaga ang kaniyang pangin pero pinilit pa rin niyang makarating sa banyo. Ngunit sa kaniyang paglalakad ay may bumangga sa ka kaniyang likuran na dahilan ng pagkawala ng balanse niya. Dire-diretso siyang napaluhod sa sahig na naging dahilan lalo ng pagkahilo niya.
"Punyeta!" napapasinghap na saad niya habang sapo ang kaniyang ulo at nakayuko.
"Naku naman! Miss sorry! Hindi ka kasi nag-iingat Rex, nakabangga tuloy ako," paninisi ang lalakeng nakabangga sa kaniya.
"Sorry naman! Ayaw ko lang namang masukahan nitong si Lester e."
Pagkarinig niya ng pangalang iyon, lalo siyang nainis sa dalawang lalakeng nagtatalo. Para kasing nang-aasar ang mga ito sa pagbanggit ng pangalan ng kasintahan niyang ayaw pa niyang makita. Marahas siyang lumingon sa mga lalake kaya naman lalong naalog ang ulo niya. Imbes tuloy na bungangaan niya ang mga ito, suka ang isinalubong niya sa mga lalake.
"Oh, s*it!" narinig pa niyang saad ng lalakeng nasukahan niya. Dahil bahagyang naka-squat ito sa kaniyang harapan, nasalo ng balikat nito ang kaniyang suka. Napahawak naman siya sa kuwelyo ng lalake nang akmang tatayo ito at patuloy na nagsuka.
"Anak ng tipaklong! Sige lang miss, ilabas mo lang lahat ng sama ng loob mo sa akin. Sige pa, 'wag kang titigil hangga't 'di lumalabas ang bituka mo ha?"
Ang sarap sanang sapakin ng lalake pero wala siyang lakas para gawin iyon. Nanlulupaypay siyang napasandal sa dinding habang pinapahid ang kaniyang bibig na panay suka. Hinawi pa niya ang kaniyang buhok na tumakip sa kaniyang mukha dahil naiinitan siya ng sobra at hindi makahinga ng maayos.
"Miss, okay ka lang ba?" narinig niyang tanong ng lalake. Tumango lang siya rito habang nakapikit at tinatantiya ang sarili.
"Uyyy Marc, parang kilala ko ito," narinig niyang saad ng isa sa mga lalake. Gusto sana niyang lingunin ang mga nag-uusap pero hinihila na siya ng antok. Kaya hindi na niya alam kung anong nangyari matapos iyon.
"O, sino ba iyan?" tanong ni Marc saka sinilip ang mukha ng babaeng ngayon ay tila tulog nang nakasandal sa dinding.
"Si Kris iyan! Iyong girlfriend nitong si Lester. Huyyy, 'tol, gising!" ani Rex sa natutulog ring si Lester. Inalog-alog at tinapik-tapik pa nito ang kaibigan sa pisngi para lang gumising ito, pero tanging ungol lang ang itinugon nito sa kanila. "Lester, gumising ka! Narito ang jowa mo at mukhang lasing din kagaya mo!"
"Teka nga Rex, paano mo naman nasabing si Kris nga ito?" kunot-noong tanong ni Marc habang tinititigang mabuti ang mukha ni Kris.
"Teka," anito saka dinukot sa bulsa ng pantalon ni Lester ang cellphone nito. Pinindot ni Rex ang power button saka ipinakita sa kaniya ang screen saver photo ni Lester. Bigla namang umaliwalas ang mukha ni Marc at napangising ibinalik kay Rex ang cellphone ng kaibigan.
Taas-baba pa ang kilay nitong tumingin kay Rex habang nakangisi. Tila may naiisip na namang kalokohan si Marc. "Naiisip mo ba ang naiisip ko, B1?"
Sa una ay nakakunot ang noo ni Rex pero ilang saglit lang ay malawak na rin ang pagkakangiti nito at nakipag-appear pa sa kaniya. "Mukhang pareho tayo ng iniisip ngayon B2."
BINABASA MO ANG
Captain Lester - The Captain of the Sea
RomanceLumaki si Lester na kulang sa pagmamahal at atensiyon ng kaniyang mga magulang. Kaya nang makilala niya si Leslie Ann, inakala niyang ito na ang babaeng magpupuno sa pagmamahal at atensiyon na matagal na niyang ninanais. Ngunit nagkamali siya, dahil...