Chapter 63: Once Alone, Always Alone

126 8 9
                                    

3RD PERSON

"Trev, sandali." umiiyak na saad ni Rin at akmang hahabulin niya si Trev nang umalis ito ngunit pinigilan siya ni Shawn.

May halong pagtataka at panghihinalang tinitigan ng magkakasama si Rin. Hindi rin sila makapaniwala sa nalaman nilang iyon.

"Ano na naman ba ito, Shawn? Akala ko ba tutuparin mo na ang pangako mo? Bakit hanggang ngayon ay may mga bagay pa ring hindi mo sinasabi sa amin??" ani Christian nang may halong galit at paghihinala.

"Pasensya na po." tanging nasabi ni Shawn.

"Bakit, ha? Bakit kailangan mo pang ilihim iyon sa amin?!" muling sambit ni Christian. Hindi nagsalita si Shawn.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko sayo. Pakiramdam ko'y pinagsisisihan ko na na pinagkatiwalaan ka namin." may pait na sambit ni Christian. Agad namang lumapit si Alicia sa kanya saka hinagod ang likod niya. Kung may isang bagay na makakapagpakalma kay Christian, iyon ay walang iba kundi ang kanyang asawa.

May galit na napasabunot si Christian sa buhok niya. Hindi na siya nagsalita pa kaya si Alicia naman ang nagsalita.

"Rin, bakit? Paano mo nagawa 'to? All this time inilihim mo sa amin iyon?" magkakasunod na tanong ni Alicia na ngayon ay na kay Rin naman ang atensyon.

Umiiyak na napayuko si Rin, walang balak na magsalita.

"Rin, sumagot ka naman oh." pahayag ni Christian ngunit hindi iyon naging sapat upang makumbinsi nilang magsalita si Rin.

"Rin, aasa akong sasabihin niyo ang lahat-lahat sa amin. Gaano na katagal 'yan? At... Sino ang ama niyan?" halos paiyak nang sambit ni Alicia. Agad naman siyang inakbayan ni Christian habang hinihimas ang likod nito.

"Ilang linggo na po 'yan," si Shawn ang nagsalita.

Agad namang napabaling ang atensyon nila kay Shawn. Ito ang inaasahan nilang sumagot dahil parang hindi kaya ni Rin na sumagot dahil panay ang pag-iyak nito.

Inakbayan ni Shawn si Rin bago muling nagsalita. "At... Ako po ang ama ng dinadala niya." seryosong pahayag ni Shawn.

Napaangat naman ng tingin si Rin sa kanya habang patuloy na lumuluha.

"S-Shawn..." tila gulat na sabi ni Rin. Hindi siguro nito inaasahan ang lantarang pagsagot ni Shawn.

Hindi bukal sa kalooban nila na tanggapin ang mga salitang binitiwan ni Shawn. Pero nangyari na. Wala na silang magagawa doon.

Napayuko si Christian saka napahawak sa kanyang ulo. Ilang iling ang ginawa niya dahil maski siya ay hindi matanggap ang nangyari. Si Rin na parang itinuring niya nang anak na babae ay naging ganito ang sitwasyon. Ang hindi niya pa matanggap ay bakit si Shawn pa ang ama ng dinadala niya? Bakit si Shawn pa na halos hindi nila gaanong kilala?

Iiling-iling siyang lumabas ng kwarto kasama sila Alicia at Margo.

Ilang hikbi ang pinakawalan ni Rin nang mapagtanto niyang iniwanan na siya ng mga kasama niya.

"B-bes..." pagtawag ni Rin kay Zoey na ngayo'y malungkot na nakatitig sa kanya. Maipipinta din sa mukha nito ang pagkadismaya at panghihinala.

Umiwas ng tingin si Zoey kay Rin. May galit naman niyang tinitigan si Shawn. Walang anu-ano'y lumapit siya kay Shawn saka sinuntok ang mukha nito. Agad na napahawak si Shawn sa pisngi dahil sa sakit na nadama dulot ng pagsapak sa kanya ni Zoey. Tinanggap niya din iyon kagaya ng pagtanggap niya sa mga suntok na pinaulan sa kanya ni Trev kanina.

Ilang luha ang dumaloy sa pisngi ni Zoey bago nila nilisan ni Kyle ang kwartong iyon. Maski siya ay hindi makapaniwala sa nalaman. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip ng kaibigan at bigla na lang itong nabuntis. Pero para sa kanya, mas higit na dapat na kagalitan si Shawn kaya naman hindi na niya napigilan ang sariling suntukin ito.

STRANGER: Zombie Apocalypse (Walkers#2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon