.
"Oh, last trip na! Sakay na kayo!" sigaw ni manong habang iwinawasiwas ang kanyang kamay sa ere upang senyasan ang mga estudyanteng sumakay sa kanyang jeepney. Ilang mga estudyante ang patakbong tumungo sa paradahan ng jeepney na tila natatakot maiwanan ng byahe.
.
Habang naglalakad ako patungo sa jeep, ramdam na ramdam ko ang hapo sa maghapong pag-eensayo ng aming sayaw. Intramurals na at isa ako sa mananayaw na kasali sa pinakahihintay na Hip-Hop Competition. Dalawang araw na lamang bago ang aming kompetisyon kaya naman puspusan ang aming ginagawang ensayo. Tumingin ako sa aking cellphone at tinignan ang oras – alas sais na ng gabi.
.
"Oh, Miss, sakay ka na! Isa na lang at aalis na. Last trip na 'to!" sabi sa akin ni manong driver.
.
Nagdalawang-isip ako sa pagsakay.
.
"Baka naman kalahati lang ng pwet ko ang maiupo ko, Manong," pabiro kong sabi kay manong driver.
.
Napatawa ito nang bahagya. "Sige, pag kalahati lang ang upo mo kalahati lang ang bayad mo."
.
Nginitian ko ang driver. Agad na akong tumungo sa likuran ng sasakyan. Pagakyat ko ay agad naman akong binigyan ng pwesto ng mga estudyanteng kasabay ko malapit sa bukana ng jeepney.
.
"'Yun! Maluwang pa pala," nasabi ko sa sarili ko.
.
Isinandal ko ang aking ulo at doon ay unti-unti ko nang naramdaman ang pagod ng aking katawan. Halos pumintig ang aking mga ugat sa paa sa sobrang indak at padyak sa pag-eensayo.
.
Sa loob ng jeepney naroon ang mga tipikal na mga estudyante – maingay at masayahin. Maririnig ang halakhakan ng mga ito habang pinag-uusapan ang mga napanood nilang mga sports events kanina.
.
"Manong, bayad po," sabay abot ko ng siyete pesos na pamasahe sa aking katabi na siya naming ipinasa hanggang sa umabot kay manong driver.
.
Paglipas lamang ng ilang segundo ay binuhay ng driver ang makina ng kanyang sasakyan at tinahak na nito ang daan patungong bayan. Ang sasakyan ay pinuno ng sariwa ang malamig na simoy ng hangin kaya naman hindi ko naiwasang antukin sa byahe. Unti-unting pumikit ang aking mga mata ang sa isang iglap ay nakaidlip na ako.
.
Ngunit hindi pa tumatagal ang byahe ay biglang binalot ang sasakyan ng kakaibang lamig. Napilitan kong imulat ang aking mga mata dahil tagos sa aking kalamnan ang lamig. Tumingin ako sa labas ng jeep at napansin kong napakadilim na ng paligid. At hindi natural ang dilim na ito dahil ni isang ilaw sa labas ay wala akong matanaw. Tanging ang ilaw lamang na nagmumula sa jeep na aking sinasakyan ang aking naaaninag.
.
"Naku! Brownout pa yata," nasabi ko sa sarili ko.
.
Agad kong kinuha ang aking cellphone sa bag ko at tinignan ang oras – alas sais ng gabi. Dito na ako nagtaka.
.
"Huh? Alas sais parin? Sira ba itong cellphone ko?" tanong ko sa sarili ko. Ang buong pagkakatanda ko ay alas sais na bago pa ako sumakay ng sasakyan. Binalik ko ang aking cellphone sa bag at pinagsawalang bahala ko na lamang ito.
.
Ilang Segundo ang lumipas ay bigla akong may napansing mas kakaiba. Ang mga kasabay kong mga estudyante na kanina ay nag-gigitgitan at nag-haharutan, ngayon ay tahimik at walang imik na nakaupo. Ni hindi sila gumagalaw at nakatingin lamang sa sahig ng jeep. Bawat isa sa kanila ay tinignan ko ng maigi at ako ay nagimbal sa aking nakita: maputla ang kanilang mga balat na halos kulay yeso na sa puti at lubog at mapusyaw ang mga mata. Sinubukan kong hawakan sa braso ang aking katabi. Pagdampi ng aking kamay ay halos mapaso ako sa lamig ng kanyang balat.
.
Unti-unti akong binalot ng takot. Ang lamig na kanina ko pa tinitiis ay lalo pang tumindi. Hindi ko alam ang gagawin ko. Luminga-linga ako, humahanap ng kung sino mang taong makakapagpaliwanag nang kung ako ang nangyayari. Sa aking pag-linga ay napadako ang aking mga mata kay manong driver. Patuloy parin siya sa pagmamaneho.
.
"Ma... Manong. Na... nasaan na po tayo?" pautal kong nasambit, pinipilit na itago ang takot na aking nararamdaman.
.
Pagkasabi ko noon ay biglang napatingin ang driver sa salaming nakasabit sa kanyang harapan at nagtama ang aming mata. Bigla niyang inihinto ang sasakyan. Makikita sa kanyang mga mata na nagulat siya sa aking pagtatanong.
.
"HINDI KA DAPAT NARIRITO!" sambit ng driver, gamit ang boses na napakalaki at napakalalim. Ibinaling ng driver ang kanyang ulo sa aking direksyon at doon ko nakita ng mabuti ang itsura niya. Maputi ang kanyang balat tulad ng mga kasama kong pasahero. Ngunit ang kagimbal-gimbal na aking nakita ay ang kanyang mga mata – pula at nanlilisik.
.
Pagkakita ko sa kanyang mukha ay nagsitayuan lahat ng balahibo ko sa katawan. Tumindi lalo ang lamig sa paligid na tila binubuhusan ako ng nagyeyelong tubig. Hindi ko na maigalaw ang aking mga paa at kamay sa sobrang takot na aking nararamdaman. Gusto kong sumigaw... umiyak... ngunit hindi ko magawa. Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanyang mga mata. Ramdam kong nang-hihina ang buo kong katawan.
.
Sa mukha ng driver, isang makapanindig-balahibong ngiti ang gumuhit sa kanyang labi sabay sambit ng...
.
"Ngayon, akin ka na!"
.
Lalong nang-hina ang buong katawan ko. Pinilit kong labanan ito. Pinilit kong ilayo ang aking mga mata sa kanyang mukha... at ako'y nagtagumpay. Inipon ko ang natitirang lakas ng aking katawan at tumalon palabas ng jeep. Saktong pagbagsak ng aking katawan sa sementadong daan ay biglang...
.
Beep! Beep!
.
Pabigla akong nagising sa aking pagkakaidlip nang marinig ko ang malakas na busina ng jeep na aking sinasakyan. Hinahabol ko ang aking paghinga at basa ng pawis ang aking buong katawan. Tumingin ako sa paligid at nakita ko ang mga estudyanteng nagkukulitan sa loob ng jeep.
.
"Ate, ayos ka lang ba?" tanong ng isang estudyanteng kaharapan ko.
.
Hindi ako nakasagot agad. Hanggang ngayon ramdam ko parin ang panghihina ng aking katawan. Tumingin ako sa kanya, tumango ng bahagya at pinilit na ngumiti.
.
"Ma...Manong, para na po!" halos pasigaw kong nasabi.
.
Tumingin sa akin driver at ngumiti. Bigla kong naalala ngiti niya sa aking panaginip. Pagkahinto nang jeep ay halos patalon akong bumaba. Agad kong kinuha ang aking cellphone at tinawagan ang aking kaibigan.
.
"Pwede bang ma...makitulog na lang ako sa boarding house?"
.
Kinabukasan, wala man akong ganang pumasok ay pinilit ko paring pumunta sa eskwelahan. Hindi ako nakatulog ng maayos dahil hindi mawaglit sa isip ko ang nangyari kagabi. Bawat maalala ko ang makapanindig-balahibong ngiti at nanlilisik na mga mata ng driver sa aking panaginip ay hindi ko maiwasang matakot at mangilabot. Sa aking paglalakad ay nadaanan ko ang kumpol ng mga tao nakatayo malapit sa OSA. Bakas sa mga mukha nila ang lungkot. Sa di kalayuan ay nakita ko ang aking mga kaibigan. Tinanong ko kung bakit maraming tao sa OSA, at ako ay nagimbal sa narinig kong paliwanag...
.
"Hindi mo ba nabalitaan? 'Yung last trip kagabi nabangga ng truck! Namatay lahat ng sakay.

BINABASA MO ANG
Kilabot Secret files
Historia Cortabased on true story Kwentong nakakakilabot sa buhay at karanasan Please READ THE BOOK 2