OH MANDY
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 46-47
Unedited...
"Akala ko ba, kayo ni Kuya? Bakit nagpakilala ka na sa pamilya ni Liam?" sumbat ni Jairah.
"Walang kami!"
"Mandy naman, kung ayaw mo sa kaniya, sana hindi mo na inanunsiyo noon na may relasyon kayo! Nagpa-presscon ka pa! Hindi porket mayaman ka, kaya mo nang gawin ang lahat ng gusto mo!" Hindi na niya kayang tiisin ang nararamdaman dahil sa nakikita niyang kalagayan ng kapatid. Hindi ito lumalabas ng kuwarto. Kung lumalabas man, kapag kakain lang. Tahimik sa loob ng silid pero kaninang umaga, nakita niyang umiyak ito habang kumakain.
"May pera ako kaya gawin ko ang lahat ng gusto ko! Huwag mo akong pangunahan, buhay ko 'to!" nakapamewang na sabi ni Mandy. Nasa tambayan sila. Bumalik lang siya para magpapirma ng clearance.
"Buhay mo? Pero nakakasira ka ng buhay ng iba!"
Naningkit ang mga mata ni Mandy sa narinig. Dinuro niya si Jairah, "Huwag mong sabihin sa akin 'yan dahil wala akong sinirang buhay! Ang buhay ko ang sinira ng kapatid mo kaya kung miserable man ang buhay niya ngayon, siya ang may kagagawan nu'n! Now, get out of my sight!" singhal ni Mandy na nanginginig ang buong katawan dahil sa galit, "At ano ang pakialam mo kung magpakilala ako sa pamilya ni Liam? Naiinggit ka? E di magpakilala ka rin!"
"Mahal ka ni Kuya! Kaya nasisira ang buhay niya dahil mahal ka niya! Hindi mo ba naiintindihan--"
"Buwesit na pagmamahal 'yan!" galit na sabi niya at nakipagtitigan kay Jairah, "Hindi ko kasalanan kung bakit nasisira ang buhay niya dahil ne minsan, hindi ko hiniling na mahalin niya ako!" pagmamalaki ni Mandy. Hindi siya ang taong magpapakalimos para lang mahalin ng ibang tao. Natutunan na niya kung paano mamuhay na walang nagmamahal maliban sa pamilya.
"Ganoon na ba katigas ang puso mo?" malungkot na sabi ni Jairah, "W-Wala na ba talagang chance na mahalin mo siya?"
"Namamalimos ka ba para sa kuya mo?" balik-tanong ni Mandy.
"Y-Yes, puwede bang mahalin mo ang kuya ko? Pareho lang naman kayo, pakiramdam niya, wala ring nagmamahal sa kaniya dahil palagi mong isinisigaw na ampon lang siya," naiiyak na sabi ni Jairah. Kahit na tahimik si Aron, pero alam niyang ito ang iniisip nu'n.
"Pasensiya na, hindi ko siya kayang mahalin dahil hindi ko alam kung paano magpatawad sa taong hindi humihingi ng kapatawaran, kung humingi man, huli na ang lahat."
"Talaga? Hindi ako humingi ng kapatawaran?"
Pareho silang napalingon kay Aron na nakasandig sa likod ng pintuan.
"K-Kuya? Kanina ka pa ba?" nag-alinlangang tanong ni Jairah. Hindi niya napansin ang pagpasok nito.
"Puwede bang lumabas ka muna, Jai? Mag-uusap lang kami ni Mandy," mahinang pakiusap ni Aron.
"S-Sige po," sagot ng dalaga at malungkot na sinulyapan muna ang kapatid bago lumabas.
"Alam kong marami akong mali at hindi nakakatuwa ang mga pinagsasabi ko noon kaya galit ka sa akin noon," panimula ni Aron na tumigil sa harapan ng babaeng nakatayo, "Pasensiya ka na kung hindi ko iniisip ang maramdaman mo noon."
"Tapos na iyon at huwag mo na akong istorbohin, Aron," walang emosyon na sagot ni Mandy, "Masaya na ako kay Liam."
Ngumiti si Aron, "Kayo na ba?"
"Hindi pa," honest na sagot ni Mandy, "Pero after ng live interview mamayang gabi, sasagutin ko na siya."
Hindi nagsalita si Aron. Napasulyap siya sa mga bulaklak na ibinigay niya rito na ngayon ay nasa basurahan na.
"Hayaan mo, pagkatapos nito, hindi na kita gagambalain pa, Aron. Pasensiya ka na, mapapatawad siguro kita kung noon pa man, humingi ka na ng sorry sa akin pero hindi e. Inuna mo pa ang pride mo."
Ngumiti si Aron, "Humingi ako na kapatawaran, hindi mo lang alam," mahinang sabi niya at pinagmasdan si Mandy. Nang hindi makatiis ay masuyong hinaplos niya ang pisngi nito. Ang dami na nilang pinagdaanan pero heto siya, bumabalik ang puso niya sa paghanga kay Mandy.
Hinayaan lang siya ni Mandy sa ginagawa. Pisngi niya ang hinahaplos ni Aron pero puso niya ang nakakaramdam ng mainit na palad nito. Hindi niya alam kung bakit pero bumagsak na lang ang mga luha niya. Lahat ng hinanakit, poot at galit ay tila nasama sa mga luhang kumawala sa kaniyang mga mata. Para siyang isang sanggol na walang lakas nang yakapin ni Aron.
"Huwag ka nang umiyak, Mandy, alam kong pagod ka nang maging malungkot," bulong niya at hinigpitan ang pagkakayakap sa humihikbing dalaga, "H-Huwag kang mag-alala, hindi kita pipiliting mahalin ako. K-Kung si Liam ang magpapasaya sa 'yo, nandito pa rin ako, h-handang hintayin ang araw na p-pakawalan ka niya."
"P-Paano kung hindi na niya ako bitiwan at m-masaya na kami? P-Paano ka?" umiiyak na tanong ni Mandy. Hindi rin niya maintindihan ang sarili.
Kumalas si Aron at pinagmasdan siya sa mukha. Gamit ang mga daliri ay pinahidan niya ang mga luha ni Mandy.
"Concern ka sa akin?"
"Hindi ah!" mabilis na tanggi nito saka sinamaan siya ng tingin kaya napangiti si Aron.
"Diyan ka na nga! Hinihintay na ako ni Liam sa labas!" Padabog na naglakad si Mandy patungo sa pintuan.
Mapait na ngumiti si Aron. Kagaya ni Mandy, sanay naman siyang hindi maibalik ang pagmamahal niya ng mga taong minamahal niya. Una, ang tunay niyang ina. Kahit kailan, hindi na niya puwedeng maramdaman ang mainit na mga yakap nito dahil hindi pa siya nagkakaisip, binawi na ng Panginoon ang buhay ni Stephanie. At pangalawa, si Mandy. Hindi na nito kayang suklian ang pagmamahal niya dahil may mahal na itong iba.
----------------
"Kumusta? Tapos mo na ba ang clearance mo?" tanong ni Liam nang maupo si Mandy sa tabi niya.
"Hindi pa. Hindi bumalik ang guro kaya hindi ko natapos. Ang galing din nila! Kami pa ang maghahabol sa pirma nila. Alam naman nilang marami ang magpapapirma, aabsent sila! Sinasayang lang nila ang bayad at oras namin!" hinaing ni Mandy kaya napangiti si Liam.
"Gano'n talaga. Teacher daw sila at estudyante lang kayo."
"Kami ang nagbababayad sa kanila kaya dapat lang na ayusin nila nag trabaho nila!"
Napasulyap siya sa box na nasa backseat.
"Para sa 'yo 'yan, white shoes para kahit ano'ng gown ang gamitin mo," sabi ni Liam nang mapansing napasulyap ito sa likuran kaya napawi ang pagkainis ni Mandy.
"Alam mo talaga kung paano ako pasayahin!" sabi ng dalaga. Nag-usap sila ng kung anu-ano pa. Paminsan-minsan ay mga plano ni Liam tungkol sa business na in-enjoy naman ng dalaga.
Napatitig si Mandy kay Liam habang tumatawa na nagmamaneho. Ang bait nito sa kaniya. Mabuting tao rin ang pamilya ni Liam, wala siyang problema dahil marunong makisama ang mga ito sa kaniya. Sa maikling panahong nagkakilala sila, naging masaya siya kasama ito.
Napabuntonghininga siya. Mamayang gabi, sasagutin na niya ito. Madali lang naman sabihin na naghiwalay na sila ni Aron dahil hindi sila compatible sa isa't isa. Kung ayaw maniwala ng iba, bahala sila. Hindi niya ugaling problema ang mga tsismosa sa kaniyang paligid. Kung tutuusin, hindi na siya lugi kay Liam dahil may supplier na siya ng sapatos at kaya na nitong ibigay ang lahat ng pangangailangan niya. Kapag si Aron, wala. May pera ito pero hindi kasing galante ni Liam. Mas mayaman ang mga Rodriguez kaysa sa mga Navarro pero ang kuripot ni Aron. Isa pa, ito ang naging dahilan kung bakit hindi na siya nakikipagkaibigan pa sa iba.
Pagdating sa tapat ng mansion, humalik siya sa pisngi ni Liam. Inabot naman ng maid ang sapatos niya kaya tuloy-tuloy siya sa loob ng mansion.
"Ang aga mo naman yata?" puna ni Cheska na nagpapa-manicure. Saktong alas dose na ng tanghali, "Kumain ka na?"
"Later, busog pa ako. Mom? Pakigising sa akin kapag dumating si Ice, gusto ko munang matulog," pakiusap niya. Alas sais ang interview kaya may time pa siyang mag-beauty rest ng ilang oras. Siya lang naman ang aayusan ni Ice. Buhok lang naman niya ang ipapaayos niya at light makeup, okay na siya.
Umakyat siya sa kuwarto niya at nagpalit ng damit. Mamaya na siya maligo pagkagising.
Paghiga niya sa kama, napatili siya.
"Mommy? Si Pooh nasaan?" sigaw niya habang pababa ng hagdan. "Where's my Pooh?" Magkamatayan na pero hindi puwedeng mawala si Pooh dahil hindi siya makakatulog.
"Ang ingay mo!" reklamo ni Cheska, "Nasa sampayan!"
"Bakit ba mahilig kang makialam ng gamit ng may gamit?" naiinis na sabi niya.
"Mabaho na nga kasi! Manang, pakikuha nga ng laruan niya sa labas at pakisaksak sa baga ng batang ito para hindi na magtatalak!" naiinis na sabi ni Cheska. Mabuti na lang dahil hindi nagulat ang manikurista kaya hindi siya nasugatan.
"Kahit na! Araw-araw na lang ninyong kini-kidnap si Pooh!"
Nang pumasok ang katulong aya agad niyang binitbit si Pooh pabalik sa kuwarto niya.
Ini-lock niya ang pinto para walang istorbo. Nakatitig siya sa puting kisame. Ang pangarap ng ibang kabataan, nakukuha niya. Shoes, bags, clothes at kung ano pa pero alam niyang hindi pa rin siya lubusang masaya.
"Ikaw na lang ang karamay ko," sabi niya kay Pooh at niyakap ito saka inamoy. Lahat na yata ng luha, pawis at sipon niya mula pa noon ay sinasalo ni Pooh. Ito ang nagsilbing bestfriend at kasangga niya. Kahit na hindi ito nagsasalita, ito pa rin ang naging balikat niya para sandalan ng kaniyang emosyon, sa kasiyahan man o sa kalungkutan.
"Mamayang gabi, may boyfriend na ako!" sumbong niya at hinigpitan ang pagkakayakap, "Amoy araw ka!"
Kinuha niya ang unan sa ulo at ipinalit si Pooh para higaan.
"Hi!" Natigilan siya nang may nagsalitang boses bata.
"Ahm..."
Kinabahan siya bigla at napaupo. Wala namang tao kaya nanindig ang kaniyang balahibo.
"H-Hindi ko alam kung paano magsimula, Mandy."
Napatitig siya kay Pooh. Dito nanggaling ang boses na naririnig niya.
"Alam kong may nasabi ako sa 'yo na masama. Sorry talaga, ha. Ayaw mo na kasi akong kausapin kaya ito na lang. Hindi naman totoong walang nagmamahal sa 'yo, ang totoo niyan, gusto ko ang mahabang buhok mo, gusto ko ang halakhak mo. Ang ganda mo nga. Geez! Crush kita, Mandy."
Napanganga siya sa naririnig. Mabilis na lumapit siya sa dresser at nakikinig lang kay Pooh. Maybe may napindot siya nang higaan niya ito.
"Sana mapatawad mo ako at sana, maging friends din tayo. Kausapin mo na ako, o. Gusto naman kitang maging kaibigan kaya peace na tayo, Mandy."
Tumutulo ang mga luha niya habang hinahalungkat ang drawer para hanapin ang blade o gunting.
"Para hindi ka na magalit, hayaan mong kantahan kita. Ikaw kasi ang naalala ko sa tuwing naririnig ko ito e."