50

216 7 0
                                    


CHAPTER 50

Unedited....
"Mandy, mag-sorry ka!" sabi ni Aron. Kakatapos lang nilang magpa-enrol ni Jairah nang makita si Mandy at Jersel na nagtatalo. Papalapit na sila nang makita niyang tinanggal ni Mandy ang pulang sapatos at inihagis kay Joyce.
"Ayoko!" tanggi ni Mandy.
"Sawayin mo nga itong si Mandy, akala mo kung sinong umasta!"
"O, bakit? May karapatan akong umasta ng ganito!" taas noong sabi ni Mandy.
"Mandy naman, mali ang pagtapon mo ng sapatos kay Joyce," sabi ni Aron, "Hindi ka dapat nananakit."
"Ipapa-guidance talaga kita!" matapang na sabi ni Joyce.
"Joyce, pag-usapan muna natin 'to," kalmadong pakiusap ni Aron. Mabait naman ang kaklase niya kaya madala pa ito sa usapan.
"Pag-usapan? E, sinaktan na ako ng kasintahan mo?" hindi makapaniwalang sagot ni Joyce. Mabuti na lang dahil naiharang pa niya ang bag dahil kung hindi, baka nasira ang mukha niya sa takong ng sapatos ni Mandy.
"Hindi lang talaga 'yan ang matitikman mo sa akin--"
"Mandy, mag-sorry ka!" galit na utos ni Aron. Puno na siya. Sanay na ang mga estudyante kaya dinaan-daanan na lang sila.
"Ayoko--"
"Mag-sorry ka!" Tumaas ang boses ni Aron at sinalubong ang nagbabagang mga mata ni Mandy, "Humingi ka ng paumanhin!" ulit niya kaya mas nagliliyab na ang mga mata ni Mandy.
"Sino ka para utusan ako, ha?" mahina pero nagtatagis ang mga ngiping sabi niya.
"Boyfriend mo!" sagot ni Aron.
Naikuyom ni Mandy ang kamao at humarap kay Joyce, "Sorry na! Masaya ka na?"
Ngumisi si Joyce, "Napipilitan ka lang, fine, pinapatawad na kita!" pagsisinuplada niya.
"Obvious naman, 'di ba?" pagtataray ni Mandy. Sarap gilitan ng leeg ng kaharap niya, "Huwag kang pakampante, hindi ako plastic kaya humanda ka sa akin mamaya kapag wala na si Aron!" pagbabanta niya.
"Halika na sa tambayan," yaya ni Aron at hinawakan ng mahigpit sa braso ang kasintahan. Ayaw pa sana nito pero pinisil niya bilang pagbabanta kaya kusang sumunod si Mandy sa kaniya.
Pagpasok nila sa tambayan, nasa sala si LL, nakaupo at kinakausap ang pusang may party hat pa.
"Ipagdiwang natin ang muli ninyong pagkikita ni Monay," sabi nito sa pusang nagngangalang Pitoy.
"Kailan ka pa nakalabas sa Mental?" tanong ni Mandy sa pinsang ilang buwan nang may sayad. Wala kasi itong kinakausap magmula nang iniwan ng kasintahan kundi ang pusang binili nila ni GV.
"Hayaan mo na siya," sabi ni Aron na naaawang sinulyapan ang pinsan.
Bumukas ang pinto, pumasok si Noona na kababata ni Lance Leoanard.
"Noona, halika, tapos ka na bang magpa-enroll?" masayang sabi ni LL. Si Noona ang babaeng hindi siya iniwan at palaging nandiyan habang nasa malayo si GV.
"Halika sa loob," yaya ni Aron kay Mandy at iniwan ang dalawa sa sala.
Nang isinara ni Aron ang pinto, naupo si Mandy sa single bed pero hindi umimik.
"Mandy, bakit mo ginawa iyon kay Joyce? Puwede bang pakibawas-bawasan naman ng pagtataray mo?"
Hindi pa rin ito kumikibo, nakayuko lang at tumutulis ang nguso.
"Huwag mo sana akong masamain pero ayaw ko lang na mapahamak at ayaw ko rin na marami kang kaaway. Gusto mo ba 'yon?" pagpaliwanag niya. Si Mandy ang tipo ng taong hindi mo puwedeng iwan na may kasamang iba dahil mababahala ka lang, "Concern lang ako dahil m-mahal kita," pag-amin niya.
"Mahal mo ako?" mahina pero puno ng galit na tanong ni Mandy.
"O-Oo naman, mahal kita," nauutal na sagot niya. Hindi siya sanay. Hindi naman siya ganito kay Julie noon. Palagi nga niyang sinasabi ang salitang "mahal kita" o "I love you" pero pagdating kay Mandy, umuurong ang dila niya.
"Mahal mo ako pero ang ko sa pangalan ko, mahirap bigkasin?"
Natahimik si Aron. Ito ang madalas nilang pag-aawayan. Kapag sa text, madali lang pero kapag magkasama na sila, medyo naco-corny-han siyang bigkasin.
"Alam mo ba kung ano ang sinabi niya? Na kaya mo lang ako mahal dahil mayaman ako! Na kaya naging tayo dahil sa pera ng pamilya ko! Galit ako dahil nararamdaman kong hindi iyon totoo! Galit ako dahil hindi nila alam ang totoo pero kung makahusga sila sa tao, akala mo close kami!" Ang lalim ng sunod-sunod na hiningang pinakawalan niya para pakalmahin ang sarili. Hindi man direktang sinabi sa kaniya pero alam niyang siya ang pinaparinggan ni Joyce at ng mga barkada nito.
"H-Hayaaan mo na sila kung ano ang isipin nila. Basta alam natin ang totoo kung bakit nagmamahalan tayo," sabi ni Aron. Kahit paano ay naantig ang puso dahil umiiyak na ngayon si Mandy, "Huwag ka nang umiyak," pakiusap niya at niyakap ito.
"P-Palibhasa sanay ka nang humingi ng tawad kaya pinilit mo akong mag-sorry!" humihikbing sabi ni Mandy at pinahidan ang mga luha. Hindi talaga niya matanggap na humingi siya ng kapatawaran sa Joyce na 'yon! Ang bigat sa dibdib!
"Alam mo, proud ako sa 'yo dahil ang tapang mo na," sabi ni Aron na nakangiti habang yakap si Mandy, "Dati, hindi mo kayang humingi ng sorry pero ngayon, nakaya mo na!" Kumalas siya sa pagkakayakap at masuyong pinahidan ang mga luha ni Mandy saka hinawakan ito sa magkabilang pisngi at tinitigan ang buong mukha nito. Nami-miss niya ang katarayan nito dahil sa Barcelona ito nagbakasyon para makasama ang nag-iisang kapatid.
"Ayaw kong humingi ng apology sa impaktang 'yon, hindi naman karapat-dapat na hingian ng tawad!' Naiinis siya kay Aron.
"Pero hindi pa rin tama na saktan siya pisikal."
"Kinakakampihan mo ba siya?"
"No, gusto ko lang na hayaan mo na sila. Hindi lahat ng paparinig ay dapaf patulan dahil nagmumukha kang walang pinag-aralan."
"Na-miss kita, Mandy ko," sambit niya at nginitian ang nakasimangot na kasintahan. Ang cute nito, parang pusang nakasalubong ang mga kilay.
"Naiinis ako sa 'yo!" pagtatapat ni Mandy. Hindi talaga nagsisinungaling ang mukha nito.
"Tama na, bati na tayo, okay?" Nakikiusap ang mga mata ni Aron sa galit na mga mata ni Mandy. Ilang segundo pa ay nawala na ang apoy sa mga mata ng dalaga at napa-poker face.
"Kiss mo muna ako!" utos ni Mandy kaya natawa si Aron saka inilapit ang labi sa mga labi ni Mandy at hinigpitan ang yakap.
Kumalas si Mandy, "Ihiga mo 'ko," sabi niya kaya tumawa si Aron.
"Okay nang nakaupo tayo sa kama," sagot ng binata at muling hinagkan si Mandy sa mga labi. He missed her lalo na ang malalambot nitong mga labi. Sa tuwing hahalikan niya si Mandy, para siyang nakalutang sa ulap at napapawi ang lahat ng lungkot at lumbay sa kaniyang buhay.
Itinulak na naman siya ni Mandy, "Mahiga na kasi tayo!" naiinis na sabi niya. Gusto talaga niyang nakahiga sila tapos siya ang nakapatong o ito ang nakapatong sa kaniya para maramdaman niya ang init ng katawan nito. Kapag yakap kasi siya ni Aron, nakakaramdam siya ng kapanatagan sa loob. Iyong wala siyang kaaway.
"Makinig ka," sabi ni Aron at idinikit ang noo sa noo ni Mandy, "Hindi puwedeng mahiga tayo dahil baka hindi ako makapagpigil at makabuo tayo."
Mabuti na lang dahil hindi na nakipagtalo pa si Mandy at sinalubong ang mga halik ni Aron.
-------------
Alas onse 'y medya nang yayain ni Mandy si Aron na gumala sa MOA para doon na rin kumain ng lunch. Habang nasa biyahe, tumunognang cellphone ng dalaga kaya sinagot niya.
"Liam!" sagot nito na nakangiti pa.
Napasulyap si Aron kay Mandy na Akala mo e may kumikiliti rito habang nagsasalita.
"Noong isang araw lang ako bumalik dito sa 'Pinas. Gosh, na-miss kita!" sabi ni Mandy at napatingin kay Aron dahil bumilis ang pagpatakbo nito pero hindi niya masaway gamit ang mga mata dahil sa unahang kalsada ito nakatingin.
"Talaga? Magkikita tayo? Kailan-- shit!" reklamo niya at humarap kay Aron dahil bigla na lang itong napapreno.
"May dumaang daga!" agad na depensa ni Aron na sinadyang lakasan ang boses para marinig ni Liam na magkasama sila. Naalala niya, siya lang ang nagsabing na-miss niya si Mandy kanina pero ito, si Liam ang na-miss? Wala bang lokohang nangyayari?
"H-Huh? Wala. Biglang nag-brake si Aron," sabi ni Mandy sa kausap.
Muling pinatakbo ni Aron ang sasakyan. Muntik na itong masubsob dahil sa pagpreno niya pero ipinagpatuloy pa rin nito ang pakikipag-usap kay Liam?
"Talaga? Na-miss ako ni Tita?" masayang tanong ni Mandy. Naging malapit siya sa pamilya ni Liam. Ang jologs din kasi ng ina nito, "Sige, mamasyal ako bukas sa bahay niny-- damn!" sigaw niya nang bigla na namang tumigil ang sasakyan. "Ano ba ang problema mo, Aron?" singhal niya at inayos ang buhok. Mabuti na lang dahil mahigpit ang pagkakahawak niya sa iPhone.
"May tumatakbong pusa! Malas kapag masagasaan natin!" sagot ni Aron at muling pinaandar ang sasakyan.
"Sorry, Liam, may dumaan daw na pusa kaya inihinto ni Aron ang sasakyan."
Napahigpit ang pagkakahawak ni Aron sa manibela. Ang lakas pa talaga ng tawa nito e. Kailan pa nag telebabad si Mandy? Bakit kapag siya, ne hindi nga umabot ng isang minuto, binababaan na siya.
Muling napasulyap siya sa dalaga. Ang lapad na ng mga ngiti nito. Tumutulis pa talaga ang nguso nito habang nakipagkuwentuhan kay Liam.
"Liam? Basta sunduin mo lang ako bukas para payagan ako nina Mommy na sa inyo ako magdi-dinner--fuck!" galit na sabi ni Mandy, "Sandali lang, Liam, tawagan kita mamaya, wait lang." Pinatay niya ang tawag at umuusok ang ilong na hinarap si Aron.
"Ano ba ang problema mo?"
"Wala naman," sagot ni Aron na nasa unahan ang mga mata pero walang balak na mag-drive.
"Bakit ka biglang tumigil?"
"May dumaang aso!" galit na sagot nito.
"Kanina daga, pusa at ngayon, aso na naman?" Kumukulo ang dugo ni Mandy.
"Hindi ko na problema kung ba't sa kalsada sila naghahabulan ang mga hayop!" sagot ni Aron at sinamaan ng tingin si Mandy.
"Wala akong nakitang aso!"
"Paano mo makikita e busy ka sa makikipag-usap sa cellphone mo!" sagot ni Aron. "Sabihin mong mali ako! Hindi ka nakatingin sa daan kaya wala kang nakita!"
"Nasaan na ang aso?" Binuksan ni Mandy ang bintana pero walang aso sa daan.
"Nagtago na! Siyempre tumatakbo. Alangan naman hintayin pa niyang matapos ka sa pakikipag-usap para magpakita sa 'yo?" sagot ni Aron at sinalubong ang mga mata ni Mandy, "Ayaw mong maniwala? Nakita ko ang asong pumasok diyan sa karenderya! Halika, baba tayo para sundan siya!" yaya ni Aron at tinanggal ang seatbelt.
"Huwag na!" sabi ni Mandy, "Ipagpatuloy mo nga ang pagmaneho, nagugutom na ako!"
Pagdating sa mall, naunang maglakad si Mandy kaya binilisan ni Aron ang paglakad para maabutan ito.
"Sumabay ka nga sa akin!" naiinis na sabi niya saka hinawakan ito sa kanang kamay.
"Ang bagal mo kasing maglakad, nagugutom na ako," sabi ni Mandy.
"Ang sabihin mo, ayaw mo lang akong makasabay," sabi ni Aron at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay nito, "Nahihiya ka bang ako ang kasama mo?"
"Grabe ka! Hindi a!" tanggi ni Mandy. Nagugutom lang talaga siya kaya gusti niyang makahanap kaagad ng makakainan.
"Huwag ka nang tumanggi!"
"Ano ba ang problema mo?" nagtatakang tanong ng dalaga. Wala naman siyang matandaang pinag-aawayan nila kanina maliban na lang kay Joyce pero okay na sila bago pa umalis sa CTU.
"Wala," sagot ni Aron na pinapakalma ang sarili, "Akala ko lang kasi, ayaw mo sumabay sa akin sa paglalakad."
"Nagugutom lang ako."-Mandy
"Sure ka?"
"Oo naman! Tingin mo sa akin, sinungaling?" Malapit na namang masira ni Aron ang nabuong araw niya.
"Sige, pa-hug na lang," sabi ng binata kaya napa-poker face si Mandy, "Ayaw mo?"
"Oo na!" sagot nito saka niyakap si Aron kahit na maraming tao.
"Sa susunod, kapag maglakad tayo, sumabay ka na sa akin, Mandy ko, ha?" bulong niya pero naiinis ang mukha at hinigpitan ang yakap tapos agad na kumalas at dinala si Mandy sa seafoods restaurant. Bahala na ang mga malisyoso sa paligid nila.
Maganang kumakain si Mandy dahil kanina pa siya nagugutom pero si Aron, matamlay na sumusubo.
"Mandy ko?" tawag ng binata.
"Ano 'yon, Aron ko?" malambing na sagot ni Mandy at tumingin sa mukha ng kaharap. Nasa mood na siya dahil busog na.
"Pinapasabi pala ni Mommy, doon ka sa bahay mag-dinner bukas," sabi ng binata at ipinagpatuloy ang pagkain. Napaisip si Mandy.
"P-Pero Aron ko, hindi puwede. Alam mo namang niyaya ako ng parents ni Liam na mag-dinner sa kanila bukas," sabi ni Mandy.
"Hindi ko alam! Hindi ko ugaling makinig sa usapan ng may usapan!" sagot ng binata na napahigpit ang pagkakahawak sa kutsara, "Sabihin mo lang kung ayaw mong makasama ang pamilya kong mag-dinner, walang problema sa akin!"
Napapadyak si Mandy ng paa, "Oo na! Ipa-cancel ko na lang kina Liam bukas! Bakit ngayon mo lang sinabi?" mahinang tanong niya. Ayaw niyang gumawa ng eksena.
"Nakalimutan ko," pagdahilan ni Aron at maganang ipinagpatuloy ang pagkain.


Oh MandyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon