CUPID'S POV
Iyon ang bumuhay sa akin. Ang pusong hindi nakalimot sa anumang pagkakataon. Sa kabila ng pagitan nila sa isa't isa, ang puso nila ay lubhang makapangyarihan upang bigyang buhay ang matagal ng natutulog kong kamalayan. Unti-unting nagbukas ang aking mga mata, muli akong nagkaroon ng hininga hanggang sa maigalaw ko lahat ang aking buong katawan ngunit ang pinakamahalagang pinagmulan ng aking buhay ay ang aking puso... ang pusong kung saan nakakaramdam ng pagmamahal. Ang pusong nagbibigay buhay sa sinumang umiibig, nalulungkot at nasasaktan.
Hindi nila binitiwan ang alaala ng kanilang nakaraan at iyon ang nagpapanatili ng alab sa kanilang mga puso. Habang tumatagal lalo itong naglalagablab. Akala ko nga ay tuluyan na nilang kalilimutan at isusuko ang isa't isa sa sobrang tagal ng kanilang pagkakalayo.
"Hibang talaga ang mga mortal" Sabi ni Aphrodite.
"Ina, hindi ba't kahanga-hanga sila..." Sabi ko sa aking inang diyosa ng pag-ibig. "Paano po ninyo nasabing kahibangan ang lahat kung iyon ang dahilan kumbakit sila nabubuhay?"
"Hindi na ako magtataka kumbakit hibang ka rin kay Psyche."
"Ina, araw-araw tumitibok ang ating puso. Nananatili tayong buhay... ang daloy ng buhay ay hindi nagtatapos bukod sa pagkakaroon natin ng hininga ngunit pinakamahalaga ay ang init ng pagmamahal na maibibigay natin sa ating kapwa."
Napangiti si Ina. Alam niyang nagdidiliryo na naman ako.
"Ano ba ang nakain mo, Cupid?"
"Wala , Ina. Tila hindi na po kayo naniniwala sa Pag-ibig?"
"Cupid, nanatili ang mundo natin dahil sa kapangyarihan ng pag-ibig. Kapag iyan ay nawala kahit sa isang immortal na tulad natin , walang kabuluhan ang lahat ng ito maging ang ating pinagmulan."
"Ngunit paano kung pareho ang tibok ng kanilang puso ngunit hindi sumang-ayon ang tadhana?"
"Mapaglaro ang tadhana at alam niya ang kanyang ginagawa...Paano mo masusubukan kung tunay ang isang bagay kung hindi mo dadaanin sa apoy? Sinusubok ng tadhana ang pusong tunay at wagas kung magmahal...kung mananatili ang alab na iyon, sino pa ang makakapigil sa kanilang dalawa? Kakawala ang kanilang damdamin at sasabog na tila bulkang isandaang taon nang natutulog."
"Hindi ba't nakakatakot iyon?"
"Iyon lang ang paraan upang sila ay lumaya...Tadhana na ang bahala."
"Ang sarap mabuhay, Ina..."
"Tunay nga..."
Niyakap ko si Ina. Ramdam ko ang kanyang pagmamahal. Payapa ang aking kalooban dahil kasama ko siya.
BINABASA MO ANG
STUCK
Teen FictionMahirap ma-stuck sa isang lugar... Paano kung dito ka sa puso ko na-stuck ng matagal na panahon, anong gagawin ko? Hindi ka pa-fall pero na fall in-love talaga ako sa iyo... Paano na ako? Paano ang puso ko? Paano na ako?