Day 19 (c)

417 15 9
                                    

(Hindi maituturing na 'kabayo' ng kapulisan si Inspector Gascon kung hindi siya mabilis tumakbo. Simula nung nasa elementarya siya hanggang kolehiyo, parati siyang nananalo ng gold medal sa mga track and field competition.

Sisiw lang sa kaniya ang paghahabol ng mga kriminal at ang kakaiba pa sa kaniya ay pinaglalaruan muna niya ang mga ito. Hinahayaan muna niya silang tumakbo ng tumakbo hangga't sa mapagod at maubusan ng lakas at doon na siya susugod.

Pero iba ngayon dahil wala siyang oras para maglaro at mag-aksaya ng panahon. Lalo na't mabilis din tumakbo ang tinutugis niya ngayon na siyang ikinaiirita niya. Madali niyang nahanap ang hindi kilalang lalaki na biglang sumingit sa eksena kanina dahil iisa lang ang eskinitang madadaanan palabas ng magkakadikit-dikit na mga bahay. Pero hindi ito tulad ng mga karaniwang adik na kawatan na nagnanakaw lang para may pangsihot mamaya o mga kabataang kumukupit para may pambili ng gustong gamit o pagkain. Iba talaga ang lalaking 'to. Base sa tindig, liksi ng pangangatawan at bilis ng mga paa, mukhang sanay ito sa mga ganitong gawain-ang takasan ang mga pulis.

Mapapadali sana ang trabahong 'to kung makakahingi siya ng tulong at back-up mula sa mga kasamahang pulis. Pero hindi pwede, eh. At least sa kaniya, hindi. Dahil wala dapat makaalam tungkol rito. Personal niyang imbestigasyon 'to at siya ang tatapos.

Naiyukom tuloy niya ang kaniyang mga kamay. Ilang taon niyang hinintay ang pagkakataong 'to-ang makalapit kahit isang yapak lang sa kinakamit na hustisya para sa pagkamatay ng kaniyang asawa. Masyado nang naantala ang kaniyang paghihiganti at hindi niya dapat hinahayaang malayang nakapumumuhay ang mga pumatay sa kaniyang pinakamamahal habang siya ay nagluluksa. Alam niyang hindi patas ang buhay sa mundo pero hindi ibig sabihin nun ay susuko na lang siya.

Mas naging desperado tuloy siya na mahuli ang tinutugis ngayon. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo pero dahil umaambon pa, dumulas ang kalsada kaya kailangan pa niyang maging maingat para lang hindi madulas o mabagok ang ulo. Ang malala pa, tuluyan nang kumagat ang dilim kaya halos wala siyang makita dahil sadyang kuripot ang lokal na gobyerno at hindi man lang magawang kabitan ng mga ilaw ang mala-ahas na daanang eskinita.
Tsk. Tuluyan na siyang naiiwan sa habulan at mas lumalayo na ang target niya. Punyeta!

Pero hindi siya sumuko at lumiko sa isa pang eskinita sa pagbabasakaling maka-shortcut at maunahan ang pinagsususpetsahan niyang miyembro ng Triangulo. Ngunit pagdating niya sa makitid na kalsada na dapat ay madadaanan ng lalaki ano mang segundo ngayon, wala siyang nakitang paparating.

Nasipa tuloy niya ang malapit na poste sa kaniyang tabi dahil sa inis. Ang walanghiya, nabasa ang iniisip niyang plano. Bumalik ito at iba ang dinaanan para hindi sila magkasalubong! At ngayon, naiwala pa niya ito, aishh!!

Sabi na nga ba, eh. Talaga ngang miyembro ng Triangulo ang lalaking 'yon. Hindi ito ang unang beses na may hinabol siyang kasapi ng Triangulo at hindi pa niya nakakalimutan kung gaano niya kinamuhian ang sarili nang makatakas ang mga ito. Konting-kunti na lang at makakahuli na sana siya pero inaamin niya, naisahan siya ng mga oras na 'yon. Hindi lang lakas at puwersa ng katawan ang ginagamit ng Triangulo kundi maging ang utak, pinapagana nila kaya hanggang ngayon, pinagmumukha nilang tanga ang buong kapulisan. Kapag naiisip niyang mauulit na naman 'yon ngayon........

Hindi, hindi siya papayag.
Tumakbo uli siya at hinanap sa paligid ang lalaki. Nakarinig siya ng ingay na nabasag na salamin hindi malayo sa kinalalagyan niya kaya mabilis niyang pinuntahan. Dumaan pala at puwesahang pumasok ang gago sa isang abandonadong bahay para maka-shortcut sa kabilang kalsada.

Ah, ganun, ha? Kaya ginaya niya ito at tumalon rin sa bintana ng ikalawang palapag ng bahay. Pagkababa niya sa kalsada, sinuri niya ang paligid. Napangiti siya ng makita ulit ang anyo ng lalaking miyembro ng Triangulo ilang metro ang layo sa kaniya.

97 DaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon