6 - Avocado

1K 125 12
                                    

Dondi's POV

Parang gusto kong magsisi na nagpasalubong ako ng prutas sa Lolo at Lola ko, aba eh nadagdagan ang gastos ko. Simula nung inuwian ko sila ng prutas na binili ko kay Mama Rio, aba eh araw-araw na akong hinahanapan ng pasalubong at iba-ibang prutas bawat araw. Mabuti na lang at nagbibigay ng discount si Mama Rio.

"Mabuti na lang talaga at may pa-discount ka Mama Rio, kaya ok lang kahit araw-araaw ang pasalubong ko para sa Lolo at Lola ko" sabi ko habang nakikipili rin ako sa mga prutas na dala nya para itinda sa bangko.

"Hindi mo naman kasi kailangan bumili ng kilo-kilo. Tutal sa Lolo at Lola mo lang naman, eh di tig-isang apple pag Monday, tapos tig-isang manggang hinog pag Tuesday. Then ibili mo ng pakwan sa Miyerkoles at sabihin mo sa Lola mo hanggang Sabado na yun." Sabi ni Mama Rio

"Nakakatawa ka Ma, sa akin mo pa talaga sinasabi yan ah, eh siguradong may benta ka na kung per kilo ng prutas ang bibilhin ko" sagot ko

"Hay naku for you information Tisoy, marami bumibili sa akin, kahit nga hindi ka bumili siguradong mauubos ang paninda ko" angal ni Mama Rio. "Ang sa akin lang naman, bakit ka bibili ng per kilo kung mabubulok din naman kasi hindi kayang ubusin ng Lolo at Lola mo. Kahit ako ang nagtitinda, ayoko pa ring may nasasayang na pagkain" paliwanag nya.

"Ako rin naman Mama Rio, ayokong may masasayang sa mga pagkaing binibili ko" sabi ko

"Pareho kayo ng anak kong si Cristina, ayaw nang may naaaksayang pagkain. Mabuti naman na may ganyan kayong paniniwala" sabi ni Mama Rio.

"Aba at matchy-matchy pala kayo ng anak ni Mama Rio. Mukhang magkakasundo kayo ni Anna ah" sabi ni Boss Lance

"Anna? Bakit Anna? Akala ko ba Cristina ang pangalan ng anak mo Ma" tanong ko kasi naman, may allergy na ako sa pangalang Anna.

"Cristina ang tutoong pangalan nya, pero Anna ang palayaw nya" paliwanag ni Mama Rio. "Ikaw naman sir Lance, itigil mo nga yang match making mo kay Cristina para dito kay Tisoy. Nag-aaral pa ang anak ko, hindi pa pwedeng mag-boyfriend" dagdag nya.

"Kahit ba makilala hindi ko pwedeng makilala si Cristina?" tanong ko kay Mama Rio

"Pwedeng makilala pero hindi pwedeng ligawan" mabilis na sagot ni Mama Rio

"Ok lang naman po yun, hindi pa rin naman ako pwedeng manligaw kasi, yung pag-iipon ko po para sa tuition fee ang priority ko" sagot ko

"Aba eh kung ganyan ang usapan eh walang problema sa akin na maging kaibigan mo si Cristina. Hindi ko naman pinipigilang makipagkaibigan yang anak ko" sabi ni Mama Rio.

Tumataas na ang curiosity ko sa anak ni Mama Rio ah, gaano ba kaganda yun at ganun na lang protektahan ni Mama Rio. Aba eh kung kasing ganda sya nung Ana na masungit eh malamang may pagkalagyan sya sa akin.

Hala, ano ba itong pinagsasasabi ko sa sarili ko? At kelan pa naging basis yung masungit na babaeng yun sa mga liligawan ko? "Nababaliw ka na self" sabi ko sa sarili ko at hindi ko napansin na napalakas pala ang pagkakasabi ko.

"Sinong baliw?" tanong ni Mama Rio

"Wala po Mama Rio, yung sarili ko po ang sinasabihan ko ng baliw" sagot ko. "Eto pong mangga ang kukunin ko saka yung avocado na ibinilin ko sa inyo" pag-iiba ko ng usapan.

"Oo nga pala, may ibinilin kang avocado" sabi ni Mama Rio at agad na hinanap ang avocadong naka-reserve para sa akin. "Anong nangyari, bakit nawala yung ibinukod kong isang kilong avocado. Natatandaan kong inilagay ko yun dito sa bag ko" sabi nya

No Left Turn (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon