Anna's POV
"Hoy Anna, wala ka pa bang balak bumangon dyan, aba'y tanghali na, wala ka nang aabutang mga prutas na paninda" Ang sigaw na yan ng Tatay ko ang gumigising sa akin araw-araw. At hindi yan titigil hangga't hindi ako bumabangon, kahit pa sigawan sya nga mga kapitbahay. "Ano ba Cristina, hindi ka pa ba talaga babangon, ipapamigay ko na lang yung mga paninda mo para pwede lang humilata dyan maghapon" At dahil buong pangalan na ang isinisigaw ng tatay ko, kailangan talagang bumango na ako
"Nandyan na po" sigaw ko. Ganito kami tuwing umaga. Kailangang bumangon ako nang alas kwatro ng madaling araw dahil magbubukas pa ako ng tindahan namin sa palengke nang eksaktong alas sais ng umaga.
"Tigilan mo kasi ang panonood nyang K-Drama para hindi ka napupuyat" sabi ng tatay ko nung nakapasok na sya ng kwarto.
"Mama, hindi po ako nanood ng K-Drama, nag-review po ako para sa exam namin mamaya" sagot ko habang hindi ko mapigilan ang paghikab
"Tutoo ba yan?" tanong nya habang nakataas ang kilay nya
"Pambihira, na-offend ako Ma, wala kang tiwala sa akin" sabi ko
"O sya sorry na, bilisan mo nang kumilos at baka puro bulok yung mga panindang prutas na makuha mo" sabi nya habang inaayos ang kama nya.
"Kamusta beaucon Ma? Nanalo ba si Tita Candy?" tanong ko habang pumipili ako ng isusuot ko.
"Aba syempre naman, sayang nga at malayo yung barangay na may pa-beaucon, napanood mo sana kung paanong inilampaso ni Candelario ang mga contestants. At gandang-ganda sila sa Tita Candy mo, mujer na mujer ang dating" pagmamalaking sabi ng tatay ko.
"Aba syempre naman ikaw yata ang make-up artist ni Tita Candy kaya siguradong talbog lahat ng kalaban nya sa mga beaucon" sagot ko
"Teka lang, bakit ngayon ka lang umuwi Ma? Pasado alas kwatro na ah, singkwenta ba ang candidates ng beaucon kaya ngayon lang kayo natapos?" tanong ko
"Kasi naman pasado alas onse na nagsimula yung beauty contest, hinintay pa kasing dumating yung artista na judge daw. At tama ka maraming contestant pero hindi naman singkwenta. Malaki naman kasi ang premyo kaya maraming sumali. Tapos nag-aya pa sila Tita Candy mo na kumain nang lugaw pagkatapos ng beaucon at nanglibre ang panalong bakla" pagpapaliwanag nya habang nasa banyo ako at naghahanda para sa pagpunta ko sa tindahan.
"Talaga ba? Baka naman nakikipag-date ka na ha. Umamin ka Ma, may boyfriend ka na 'no" sabi ko
"Gagang 'to, anong boyfriend ang sinasabi mo. Sapat na sa akin na kasama kita, wala na akong balak pumasok pa relasyon" sabi nya
"Awww ... touch ako Ma, pero kung feeling mo na in-love ka, ok lang sa akin na mag-boyfriend ka. Kasi naman gusto ko ring maging masaya ka" sabi ko at hindi ko talaga napigil na yakapin sya. Mahal na mahal ko talaga ang tatay kong nanay.
"Speaking of boyfriend, ikaw ang hindi pa pwedeng mag-boyfriend Cristina. Tapusin mo muna yang pag-aaral mo. Darating ang love love na yan sa tamang oras hindi mo dapat madaliin" sabi ng tatay ko with conviction talaga.
"Hala, wala naman talaga akong balak na mag-boyfriend pa. Marami pa akong gustong gawin sa buhay ko at sagabal lang ang pagbo-boyfriend sa mga pangarap ko" sagot ko
"Asus, eh bakit may nakapagsabi sa akin na may nakakita raw sa iyo at kay Paolo na nagde-date dun sa karinderia ni Aling Ester" Sabi ng tatay ko hindi ko talaga napigilan ang tumawa ng malakas. "Tingnan mo ang luka-lukang 'to at pinagtawanan pa ako. Hoy Cristina, mag-ingat ka dyan sa Paolo na yan at iba ang naamoy ko dyan" hirit pa nya
"Ano naman ang naamoy mo Ma?" tanong ko
"Konti na lang maglaladlad na yan" sagot nya at lalo akong natawa ng malakas. "Para kang nasisiraan ng bait Cristina, anong nakakatawa sa sinabi ko?" tanong ng tatay ko
"Pinag-iingat mo pa kasi ako, eh alam mo naman palang mujer si Paolo" sagot ko
"Umamin na sa iyo?" nagtatakang tanong nya
"Oo naman Ma, bestfriend namin ni Isay si Paolo kaya alam ko. Saka matagal ko nang naamoy na berde rin ang dugo nya. Ang lakas kaya ng pang-amoy ko sa mga may berdeng dugo" sabi ko. At hindi naman nakakapagtaka kasi berde ang dugo ng tatay ko.
"O sya, patulugin mo na muna ako. Umalis na kayo ni Boyet para hindi kayo tanghaliin sa pagbubukas ng tindahan" pagtataboy nya sa akin
"Ok po. Pero Ma, agahan mong pumunta sa tindahan, ayokong ma-late sa school kasi may exam ako mamaya" bilin ko
"Oo na sige, hayaan mo muna akong mag beauty rest para fresh ang Mama Rio mo mamaya pagbantay ko sa tindahan" sabi nya
"Ok, babay Ma. I love you po" sabi ko at saka ako nag goodbye kiss sa kanya.
"I love you too anak" sagot nya bago ipinikit ang mga mata para matulog.
"Boyet, ilabas mo na yung sasakyan, aalis na tayo" sigaw ko at narinig ko ring sumigaw ang tatay ko galing sa kwarto "Wag maingay may natutulog" natawa na lang ako sa sinabi nya pero tinawag ko pa rin si Boyet habang pababa ako ng hagdan, pero syempre hindi ko na sya sinigawan kasi nagpapahinga na si Mama Rio.
"Kanina pa nga kita hinihintay eh, ang tagal mo namang bumaba" angal ni Boyet at hindi ako nakatiis kaya nakatikim sa akin ng kutos pagkababa ko ng hagdan. Ang aga-agang umaangal eh. "Aray naman, grabe ang pa-good morning mo sa akin ah, mapanakit ka talaga eh" at sumagot pa talaga
Anak si Boyet ng pinsan ni Mama Rio. Apat na taon na mula nung lumuwas sya galing Batangas para tulungan kami ng tatay ko sa maliit naming negosyo. Matanda ako sa kanya ng dalawang taon. Pinag-aral sya ni Mama Rio hanggang high school lang kasi sya ang umayaw mag-college. Mas gusto daw nyang tulungan kami sa tindahan para may sweldo na syang maipapadala sa nanay nya.
Medyo malayo ang tindahan namin mula sa tinutuluyan namin, pero ayos lang may sasakyan naman kami kaya walng problema. Sa edad na sixteen, pinaturuan na ako ng tatay kong magmaneho para hindi na raw sya magbayad ng driver para sa negosyo namin.
Ganito naman ang buhay ko araw-araw, madaling araw pa lang kailangang gumising na. Ako ang tatao sa tindahan hanggang pananghalian, si Mama Rio naman sa hapon kasi may pasok ako sa eskwela.
Konting units na lang at matatapos ko na ang course ko na business administration. Kung tutuusin dapat nga tapos na ako pero hindi kasi kaya ng oras ko ang mag-full load kaya 11 units lang per sem ang nakukuha ko. Pero konting tyaga na lang makakatapos na rin ako.
Mag-aalas singko na nung nag-check ako ng oras. Lagot na, tira-tirang prutas na naman ang mabibili ko nito. Wala akong choice kundi magmadali ang nakakapagtaka, wala pang alas singko traffic na sa madalas naming daanan.
Nag-iba ako ng daan para makahabol sa bagsakan ng prutas. Siguradong sesermunan ako ni Mama Rio kapag hindi magagandang prutas ang mabibili ko. Ang hindi ko alam ang desisyon kong umiba ng daan ang magpapabago ng buhay ko.
************************
Ang magpapabago sa buhay ni Anna ang makikilala nyo next update. 😉😛😊Maraming salamat po and God bless 🙏🙏🙏🙏🙏
BINABASA MO ANG
No Left Turn (Completed)
FanficSi Anna Carillo ay 20 years old. Isa syang fruit vendor at working student na lumaki sa piling ni Mario Carillo, 'Mama Rio' para sa nakararami, na isang make-up artist at mag-isang nagtaguyod at nag-alaga kay Anna simula nung umalis papuntang ibang...