Maiosh Denz's POVNaiintindihan ko na nang lubusan kung ano ang kinakaharap naming delubyo ngayon.
Si George Reiter ay matalik na kaibigan ni Dad noon. Siya ang tagapagmana ng Deus Organization dahil ang tatay niya ang namumuno nito. Kabilang ang organisasyon sa underground industry na kung saan ibinibenta ang mga ilegal na mga droga, armas, at iba pa. Sila ang ika-anim na pinakamalakas at pinakakinatatakutan na organisasyon sa buong underground industry.
Nag-umpisa ang gulo sa pagitan nina Dad at George Reiter dahil daw sa pagtataksil. Ang pagtataksil na ito ang siyang pumutol sa matibay na pagkakaibigan ng dalawa.
"Ako ang bumuwag sa pagkakaibigan namin," panimula ni Dad habang seryosong nakatitig sa kanyang cellphone. "Pumanig ako sa kalaban. It's not particularly my enemy dahil sa simula palang naman ay panig na talaga ako sa kabutihan. Nakikuntsaba ako sa Regala Welfare Agency, kung saan nagtatrabaho ang Mommy mo, para mapatumba ang Deus Organization. Sa totoo lang, noon pa man ay hinihikayat ko na si George na buwagin ang organisasyon kapag naipamana na sa kanya ang trono ng tatay niya dahil sinasabi kong huwag na siyang tumulad sa tatay niyang napakasama. Kilala ko si George, may kabaitan ang isang 'yon. Makukumbinsi ko na sana siya sa plano ko kung hindi lang siya naging marupok. Kung hindi lang pumagitna ang babaeng 'yon, hindi na sana mangyayari ang lahat ng problema natin ngayon."
Tumigil siya sa pagsasalita at nakakunot ang noong nakatitig sa cellphone niya habang nagpipipindot. Kanina pa siya nakatitig doon, hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin ni minsan. Ano ba ang mero'n? May panibago ba uling problema?
"Ano po bang ginawa no'ng babae? At sino ba siya?" tanong ko para matuloy ang kwento. Mukha kasing nawala siya panandalian sa sarili.
"Ang pangalan niya ay Zarmina. Siya ang love interest ni George na nagkagusto sa akin kaya medyo nagalit ang kaibigan ko. Ang kinalabasan ng pag-amin ni Zarmina sa nararamdaman niya ay hindi ko na nakumbinsing pumanig pa si George sa 'kin. Nabulag na siya ng tuluyan sa pag-ibig, taksil daw ako dahil hindi ko nirespeto ang nararamdaman niya. Ipinaliwanag ko naman na wala akong gusto kay Zarmina pero sarado na talaga ang isip niya. Ipinagpalit niya ang pagkakaibigan namin sa babaeng hindi naman siya mahal. Kaya wala na akong nagawa, itinuloy ko nalang ang plano ko nang mag-isa, ang pabagsakin ang organisasyon nila. Nagtagumpay kami ng Regala Welfare Agency, namatay din ang boss nila na siyang tatay ni George kaya doon na nagsimulang magtuloy-tuloy ang galit niya sa akin. Nawala ang lahat sa kanya, ang ama niya at ang pinaghirapan nitong organisasyon. Akala ko nga ay magtatapos na doon ang gulo, pero paglipas ng ilang taon ay nakabangon ulit sila."
Huminga siya nang malalim, "Five years ago, pauwi na ako no'n nang in-ambush nila ako. Akala ko ay katapusan ko na noon dahil malapit nang tumama ang bala ng baril sa 'kin nang biglang humarang si Zarmina. Hindi ko alam kung bakit niya 'yon ginawa dahil mag-asawa na sila noon ni George. Bakit niya tinulungan ang kalaban ng asawa niya? Kahit na labag sa kalooban kong iwan sila sa ganoong sitwasyon, kinuha ko na ang pagkakataon na 'yon para makatakas. Narinig ko nalang kinabukasan na patay na si Zarmina. Nagulat ako, nalungkot din dahil kahit papaano naman ay may pinagsamahan kaming dalawa. Nakakalungkot na namatay nalang siya bigla, at sa kamay pa mismo ng sarili niyang asawa. Kaya alam ko na ang susunod na mangyayari, alam kong madadagdagan ulit ang galit ni George sa akin kaya naghanda ako. Tinipon ko ang mga naging kasamahan ko na noon sa pakikipaglaban, at nangyari na nga ang giyera. Maraming namatay at kamuntikan ka nang madamay doon, salamat nalang sa Panginoon dahil hindi ka pa Niya tuluyang kinuha noon."
Sumulyap saglit sa akin ang malulungkot niyang mga mata at bumalik ulit sa ginagawa, "Hindi ko talaga mapapatawad ang sarili ko kung may nangyari sa 'yong masama, mabuti nalang nilabanan mo ang kamatayan. Maraming nalagas sa magkabilang panig kaya alam kong maghahanda ulit kami sa muli naming pagtutuos. Inibahan namin ang apelyido ninyo para hindi kayo mahanap ni George kapag maisipan man niyang gawin kayong pain para palabasin ako. Ginawa ko ang makakaya ko para mabuhay kayo nang normal at malayo sa panganib, lalong-lalo ka na. Sa nakalipas na limang taon, ginugol ko lang ang oras para magpatayo ng sarili kong organisasyon. Naghanap kami ng mga taong lalaban mula sa Deus Organization. Nag-train kami para mas mapalakas pa ang pwersa namin, para sa pagdating ng oras ay makakayanan na natin silang patumbahin."
BINABASA MO ANG
Chasing Him (Completed)
Novela JuvenilMahirap takasan ang reyalidad. Kahit na anong gawin mo, hahabul-habulin ka nito. _______________________________________________________________________ Date started: December 27, 2017 Date finished: April 26, 2020