Chapter 1

714 15 0
                                    

ISANG malakas na sigaw ang lumabas sa kanyang bibig nang tuluyan mawalan ng kontrol ang kotse. Kasunod niyon ay isa pang mas nakakabinging sigaw mula kay Luisa ang naghari sa loob ng sasakyan. Mariin siyang pumikit at kasunod niyon ay naramdaman niya ang mabilis na pagbulusok pababa. Muli ay napasigaw ng malakas si Luisa bago malakas na bumangga ang sinasakyan na kotse sa isang malaking puno. Mariin siyang pumikit nang mabasag ang salamin sa unahan ng kotse at nauntog ng malakas ang ulo niya sa bintana.

Matapos iyon ay naghari ang nakakabinging katahimikan. Ilang sandali pa, narinig niya ang mga boses na nagsasalita. Umungol siya sa sakit nang maramdaman ang kirot sa buong katawan, lalo na sa kanyang ulo. Pinilit niyang idilat ang kanyang mga mata, ngunit unti-unti na iyong bumibigat. Pagkatapos ay bumuka ang bibig niya, ngunit hindi na narinig pa ni Luisa ang kanyang sarili.

Nanginginig ang katawan. Kapos at habol ang bawat paghinga na tila kay layo ng tinakbo. Malamig ang pawis nang magising si Luisa at agad na bumalikwas ng bangon. Umubo siya ng umubo na para bang mauubusan siya ng hangin sa baga. She found herself suddenly bursting into tears. The pain. The fear. Everything seems so real.

Nang mahimasmasan ay pinunasan ni Luisa ang luha na umagos sa kanyang pisngi. Huminga siya ng malalim at pinikit ang mga mata at bumilang hanggang tatlo sa isip bago tuluyan umayos ang pakiramdam.

"That dream again," mahina ang boses na sambit niya.

Napabuntong-hininga si Luisa saka bumaba sa kama, sinubukan niyang buksan ang ilaw ngunit ayaw sumindi niyon. Sinuot niya ang long silk robe na nakasabit sa paanan ng kama pagkatapos ay napalingon sa bintana nang kumislap ang kalangitan kasunod ng mas malakas na pagbuhos ng ulan.

"Brownout pala," sabi pa niya sa sarili.

Mayamaya ay napadaing siya nang biglang makaramdam ng matinding pananakit ng ulo. Nasapo niya ang noo at mariin pumikit habang halos masabunutan

ang sarili. Pilit niyang kinuha ang gamot sa drawer ng kanyang bedside table pagkatapos ay naglakad tungo sa pinto. Pagbukas niyon ay halos sabay silang napasigaw sa labis na gulat ni Tere na sinabayan pa ng malakas na pagkidlat. Natawa silang dalawa at sabay napahinga ng malalim.

"Kaloka ka, mamamatay ako sa gulat sa'yo," sabi pa niya.

"Ako ba? 'Yong kidlat kaya," natatawang sagot ni Tere.

Lumabas siya ng tuluyan sa silid at sumunod sa kanya ang babae.

"Narinig ko na sumigaw ka kanina, pupuntahan sana kita," sabi pa nito.

"Ah, 'yon ba? Wala 'yon, nanaginip lang ako."

"Iyon pa rin ba?"

Natigil sa pagsasalin sana ng tubig sa baso si Luisa. Muli ay napabuntong-hininga siya sabay tango.

"Ang weird, ngayon ko lang nalaman na pwede pala maging consistent ang isang panaginip," kaswal na komento ni Tere.

"Kaya nga eh, hindi ko rin maintindihan. Hindi ko alam kung anong meron. Nahihiwagaan ako."

"Pero kapag tulog ka sa umaga napapanaginipan mo 'yon?" usisa pa nito.

Umiling siya. "Pansin ko mula nang magsimulang umulan sa gabi."

Ngumiti sa kanya si Tere at tinapik siya sa braso.

"Huwag ka nang masyadong mag-isip. Mawawala rin 'yan. Sabi nga ng iba, kabaligtaran daw ang ibig sabihin ng panaginip. Kung ano nangyari sa panaginip mo, kabaligtaran ang mangyayari sa totoong buhay."

Ngumiti si Luisa. "Sabagay."

"O siya, matulog ka na ulit."

"Sige, salamat sa pag-aalala."

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon